Aktibong nakibahagi ang CMOBn sa programa nina Bise Alkalde ng Lungsod ng Maynila Francisco (Isko Moreno) Domagoso at Konsehal Yul Servo Nieto na outreach Program para sa residente ng Quiapo, Maynila noong ika-21 Pebrero 2009. Ang nasabing proyekto ay isinakatuparan sa mismong kaarawan ni Konsehal Yul Servo Nieto sa lugar ng Vergara St., kanto ng Aguirre St., Quiapo, Manila. Ang nasabing proyekto ay direktang nakapagkaloob ng libreng serbisyo-medical sa isang libo’t anim na daan at pitumpu’t-lima (1,675) na residente ng Lungsod ng Maynila.
Ang nasabing Joint Outreach Program ay kinapalooban ng libreng serbisyo medikal at dental, libreng gupit mula sa ‘Sundalo ang Barbero Ko’ program ng CMOBn, at iba pang serbisyo publiko na nakatulong ng malaki sa mga residente ng nasabing lugar. Mayroon ding Feeding Program at Puppet Show na nakapagdulot ng aliw at saya sa mga kabataang dumalo.
Ang Joint Outreach Program ay isang napakagandang aktibidad na nag-ugat sa pagkakaisa ng mga ahensya ng gobyerno, pribadong indibidwal, at mga miyembro ng maralitang tagalunsod. Wika nga, sa isang komunidad na nagkakaisa, dulot ay kaginhawaan at pagunlad.
Ang CMOBn ay patuloy na nakikipagtulungan ng ibat-ibang Local Government Units at Non-Government Organizations (NGOs) na naglalayong magbigay ng direktang serbisyo publiko sa mga taong nangangailangan ng tulong pangkalusugan, panghanap-buhay at iba pang programa layon ay makatulong na maingat ang antas ng kabuhayan ng ating mahihirap na kababayan. Ang mga karaniwang aktibidad ay tulad ng medical missions na nagbibigay ng libreng konsultasyon sa mga pasyente, pagbibigay ng libreng gamot, libreng bunot ng ngipin, livelihood trainings, libreng gupit, Children Feeding, Oplan Kalinisan, at marami pang iba.
Ayon pa sa napaka-aktibong Konsehal Yul Servo Nieto, siya ay taos-pusong nagpapasalamat sa mga dumalo at sumuporta sa kanilang programa, partikular ang mga walang kapagurang mga doctor, nars, at kasundaluhan na bukas-loob na tumulong sa nasabing programa.