News

UGNAYAN SA PAARALAN NG TASK GROUP KAIBIGAN ALFA AT CMO BATTALION

Agnes Lopez Reano


           

          

            “Maraming salamat at binigyan kami ng oras at pagkakataon ng mga miembro ng 2nd TASK UNIT, TASK GROUP KAIBIGAN ALFA ng PHILIPPINE AIR FORCE para makausap ang aming mga estudyante lalo na ang aming fourth year students”, ito ang buod ng welcome remarks ni MRS JENNIFER Q CUNANAN, PRINCIPAL II ng MABALACAT NATIONAL HIGH SCHOOL sa Mabalacat, Pampanga nang isagawa ng mga miembro ng Philippine Air Force ang information drive sa kanilang paaralan na may temang “KABATAAN, KASUNDALUHAN MAGKAUGNAY TUNGO SA DALISAY NA KAPAYAPAAN.”

 

            Sa matiyagang pakikipag-ugnayan ni AIC GILBERT E PANEDA, Team Leader ng Student Sector ng TG ALFA naisakatuparan ang info drive nitong ika-28 ng Hulyo sa MNHS Covered Court na kung saan dinaluhan ng humigit kumulang sa anim na raan at sampung fourth year high school student gayundin ng labing limang mga guro at ng Pangulo ng PTA na si MR. FERNANDITO P CATACUTAN. Sa pangunguna ng Presidente ng Student Supreme Government ng Mabalacat National High School na si MARIO MAR MOLENA nagpa-abot ng taos pusong pasasalamat ang lahat ng estudyante sa pamunuan ng 2ND TASK UNIT, TASK GROUP ALFA, CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION at sa buong SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS. 

 

            Binigyang diin ng Principal na si MS JENNIFER CUNANAN NA “hindi puedeng eskuwelahan lamang ang kumilos upang magabayan ang mga kabataan, nagtutulungan dapat umano ang komunidad, ang pamahalaan, higit sa lahat ang mga magulang.”  Idinagdag pa ni Ms Cunanan na malaking bagay ang ginagawa ng mga kasundaluhan partikular na ang AIRFORCE at CMO BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL hindi umano imposibleng makakuha at matuto ng magandang “values” ang mga kabataan na makakatulong na mai-angat ang kani-kanilang buhay na siyang magiging daan naman anya sa pag-unlad ng ating bayan.
           
            Ayon sa isang fourth year student na nagpakilalang si MONALYN, nagulat at nanlumo siya sa mga nakitang video clips at testimonya ng isang rebel returnee.  Hindi umano niya inakala na ang mga nakikita niyang mga grupong nagsisisigaw sa lansangan ng “respeto sa karapatang pantao” ang siya pang pangunahing lumalabag sa karapatan ng mga kabataan.  Binigyang diin ni Monalyn na hindi siya nagdududa sa mga nakita niyang ebidensiya, sapat na umano ito para mamulat siya sa katotohanang ang mga grupong lagi nang nagsasagawa ng rally ang siyang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kinabukasan at pagwasak ng buhay ng isang kabataan.

 

 

 

 

 

                           

            Ayon naman kay MARCO, namulat siya sa kanyang mga narinig at nakita na hindi dapat agad-agad na magtitiwala sa mga grupong humihimok sa isang estudyante.  Ayon kay Marco nalulungkot lamang siya dahil inakala din niyang tunay na makabayan ang mga prenteng organisasyon.  Inihayag din ni Marco na muntik na rin siyang mapasama sa isang grupo na kung saan madalas na umano siyang nayayaya sa mga forums nito sa isang kilalang unibersidad sa Angeles City, Pampanga.  Ipinagpasalamat ni Marco na nakatiwalag siya nang maaga nang mapansin umano niyang dumadalas na ang mga imbitasyon sa kanya na dumalo ng pulong na nakaka-apekto na ng kanyang pagpasok. Ayon kay Marco, sa kanyang nakita at narinig malabo na anyang mahimok pa siya ng mga ito at wala din umano siyang layunin na biguin ang kanyang mga magulang.

 

            Hiniling naman ni MR FERNANDITO CATACUTAN sa mga estudyanteng dumalo na ipasok sa puso at isipan ang kanilang natutuhan sa araw na iyon upang magsilbing gabay sa kanilang pag-aaral.  Nagpasalamat din si MR CATACUTAN sa 2ND TASK UNIT TG ALFA at CMO BATTALION dahil sa patuloy na isinasagawang paglilibot nito sa mga paaralan at pagmumulat sa mga kabataan. 

 

            Ang STUDENT SECTOR ng 2nd Task Unit, TG ALFA ng Philippine Air Force ay nakatakdang magsagawa pa ng intensibong information drive sa mga paaralan sa buong Mabalacat, Pampanga.  Sa pamumuno ni A1C PANEDA, kasama sina A2C JESSIE ANGELO B DE CLARO, A2C CRISNE P AGUILO at A2C JAYSON L BALINDAN magiging malawakan ang info drive kasama na ang mga high schools sa mga susunod na buwan.