Pinapurihan ni FR BRIAN STEEL ng MISSIONARY OF GOD’S LOVE na siyang namamahala sa ST BENEDICT PARISH sa BRGY HOLY SPIRIT ang ginagawang information and awareness drive ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno no COL BUENAVENTURA C PASCUAL. Ayon kay Fr Brian kung magkakatulungan lamang talaga ang hanay ng mga kaparian at kasundaluhan ay malaking bagay ang magagawa nito para mabigyan ng tamang gabay at inspirasyon ang mga kabataan.
Kaugnay nito naging bahagi ang CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa ginanap na recollection ng MGL sa St. Benedict Parish nitong nakalipas na ika-28 ng Marso na kung saan naging partisipante ang mahigit sa isang daan at dalawampung kabataan na mula elementary hanggang college, mula sa iba’t-ibang paaralan at naninirahan sa mga barangay sa Q.C.
Lubos namang nagpasalamat ang isa sa mga naging speaker na si JOSEPH FRANCISCO na nakinig sa salaysay ng rebel returnee at sinabing “very knowledgeable” ang mga impormasyong ibinahagi ng speaker ng CMO Battalion. Idinagdag pa ni Joseph na malaking tulong sa kanilang mga kabataan ang napakinggan nilang mga impormasyon “DAHIL NAIMULAT SILA SA TAMANG KAMULATAN”. Ayon pa kay Joseph maganda at kapaki-pakinabang ang ginagawang info drive ng CMO Battalion dahil hindi naman maitatatwa na maraming mga kabataan ang madaling nahihikayat ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan. Sa pamamagitan umano ng mga impormasyong naibabahagi ng CMO Battalion mabibigyan ng sapat na kaalaman ang mga kabataan na siya namang magagamit nila sa pagdedesisyon lalo na sa mga grupong kanilang aaniban sa loob at labas ng paaralan. Idinagdag pa ni Joseph na marami silang natutuhan at naunawaan tungkol sa Hukbong Katihan ng Pilipinas lalo’t higit sa istratehiyang ginagamit ng mga prenteng organisasyon sa pagrerekrut sa mga kabataan.
Dahil sa mga napanood na video documentary films sa nasabing recollection matapang na ibinulgar ng isang estudyante ng Quezon City Polytechnic College (QCPU) ang tungkol sa pagkawala ng kanyang kaibigan at kapitbahay. Ayon kay “Anna” umalis ng kanilang tahanan ang kanyang kaibigang kinilalang si “Romina” first year AB MassCom sa PUP Sta Mesa nitong nakalipas na buwan ng Abril at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa ito umuuwi sa kanilang tahanan. Kinumpirma ni Anna na tuluyan nang umakyat si Romina sa kabundukan at sumama sa armadong grupo. Idinagdag pa ni Anna na mismong si Romina ang nagsabi at nagpaalam pa ito sa kanyang nakatatandang kapatid na babae. Idinagdag pa ni Anna na bago ito umalis ay sinikap pa nitong makapanghiram ng damit sa kanya na tahasan umanong niyang tinanggihan dahilan sa hindi siya sang-ayon sa pupuntahan at gagawin ng kaibigan.
Bukod sa pagkakatuklas sa pagkawala ni Romina isang fourth year college student din ng PUP Sta Mesa na may kursong AB Filipino ang nagkumpirma sa ginagawang room-to-room ED’s ng grupo ng LFS PUP. Ayon kay Hazel noong first year siya ay naranasan din niyang mabigyan ng kaaralan na napapatungkol sa social situation ng ating bansa. Ayon kay Hazel kung hindi mabibigyan ng sapat na impormasyon ang mga estudyante sa mapanlinlang na istratehiya ng pagrerekrut ng mga prenteng organisasyon malaki nga ang posibilidad na maraming mga kabataan ang mahihimok na sumapi sa kanilang grupo. Binigyang diin ni Hazel na “out of curiosity” ay nakinig din siya sa mga educational discussion na isinasagawa sa kanilang room subalit kalaunan anya napansin at nakita niyang walang magandang maidudulot ang ginagawang pang-aagitate o panggagalit ng grupo ng LFS. Ayon kay Hazel mas mainam na tutukan na lamang ng mga kabataan ang kanilang pag-aaral upang hindi masira ang kanilang kinabukasan at hindi mabigo ang kanilang mga magulang. Nagpasalamat si Hazel sa CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa patuloy na isinasagawa nitong info drive sa buong kamaynilaan.