Naging kaagapay ng Social Security System ang National Capital Region Command (NCRCOM) ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pagsasagawa ng programang Libreng pakain (Feeding Program) para sa mga batang kulang sa nutrisyon mula edad 6 at pababa noong ika-25 ng Enero 2010. Ang tatlong maswerteng napiling barangay sa Metro Manila ay ang Brgy 649, Port Area, Baseco, Manila, Phase II, Lupang Pangako Brgy Payatas, Quezon City, at Brgy Addition Hills, Mandaluyong City. Ang nasabing programa ay napakaloob sa 156 na araw upang lubos na mabigyang pansin ang kalusugan ng mga napiling batang mabenepisyuhan. Matagumpay at masayang naidaos ang programang Libreng pakain at ang kabuuan ng mga batang nabiyayaan sa tatlong barangay ay isang daan (100).
Ang 1st, 2nd at 3rd Community Development Company ng Civil Military Operations Battalion sa pamumuno ni COL EMILIO T HULIPAS ang naatasang magsagawa sa nasabing programa alinsunod sa Memorandum of Understanding (MOU) na pinirmahan ng NCRCOM, AFP at SSS para maipagpatuloy ang nasabing programa sa mga bata sa Kalakhang Maynila. Buong suporta din ang iginawad ng mga Brgy chairman at chairwoman ng mga nasabing Barangay kasama ang kanilang mga kagawad, Brgy at City Health Workers, mga miyembro ng DSWD at mga Nutritionist supervisors.
Matapos ang mensahe ng mga kinatawan ng NCRCOM, AFP ay nagbigay din ng kani-kanilang mensahe ang mga Brgy chairman na sina Hon. Kristo E Hispano ng Brgy Baseco, Hon Rodolfo Posadas ng Brgy Addition Hills at Hon Rosario Dadulo ng Brgy Payatas upang ipaabot ang kanilang pasasalamat sa mga taong nasa likod ng nasabing programa. Taos-pusong paghanga at pasasalamat din ang iginawad ng mga tao sa mga kasundaluhan ng CMOBn dahil sa kanilang walang sawang pag-gampan sa kanilang mga tungkulin at sakripisyo para sa bayan.
Bakas sa mukha ang ngiti ng mga bata dahil sa libreng pakain na ipinagkaloob sa kanila. Lubos na nagpapasalamat din ang mga magulang ng mga bata dahil malaking tulong ito para sa kanila na mabigyang pansin ang problema sa kawalan ng sapat na nutrisyon ng kanilang mga anak.
Tunay ngang kabalikat ng mga tao ang ating mga kasundaluhang nakatalaga sa mga barangay ng Metro manila kung kayat dapat nating suportahan at makibahagi sa mga aktibidad na kanilang ipinapatupad o isinasagawa.