News

San Roque

CMO BATTALION 3 TAON NANG BAHAGI NG ORIENTATION NG SLU BAGUIO

Agnes Lopez Reano


        

          

          Mabunga at positibo ang ikatlong taong pagiging bahagi ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa orientation period ng SAINT LOUIS UNIVERSITY sa BAGUIO CITY.  Tatlong taon nang bahagi ng orientation period para sa college freshmen ang speaker’s bureau ng CMO Battalion na pinamumunuan ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL (MNSA) PA at katuwang naman nito ang 50th Infantry Battalion sa pamumuno ni LTC LEOUEL A SANTOS (GSC) PA.

 

            Sinabi ni REV FR JESSIE M HECHANOVA, CICM, Presidente ng naturang premyadong unibersidad sa Northern Luzon na malaking tulong sa kanilang mga namumuno ng paaralan at kaparian ang ibinabahaging mga impormasyon ng mga speakers ng CMO Battalion.  Ayon pa kay Fr Hechanova mas nagiging maliwanag sa kanila ang kasalukuyang pampolitikal, sosyal at ekonomiyang kalagayan ng bansa at kung papanong nagagamit at napapagsamantalahan ang mga sitwasyong ito para makahikayat ng mga kabataan ang mga prenteng organisasyon na kalaunan ay nadadala sa kabundukan at nagagamit sa madugong pakiki-digma ng komunistang kilusan.  Binigyang diin ni Fr Hechanova na pangunahing layunin at adhikain ng kanilang unibersidad na maproteksiyunan ang kanilang mga estudyante upang makatapos ang mga ito ng kanilang pag-aaral.  Sa puntong sa kanilang paaralan pinapasok ng kani-kanilang mga magulang ang mga batang nag-enroll sa SLU ay nangangahulugan umanong malaki ang tiwala sa kanila ng mga magulang ng mga ito kung  kaya’t hindi umano dapat na mabigo ang mga magulang na nagpapa-aral ng kanilang mga anak sa SLU. 

 

            Sa pamamagitan naman ni DEAN GIL ESPIRITU kasama sina MR ANDREW MACALMA ang ADSA FOR MEN at MRS SALOME S SANCHEZ ang ADSA FOR WOMEN katulong ang buong pamunuan ng ST LOUIS UNIVERSITY naging mas interesante at kapaki-pakinabang ang ginanap na dalawang araw na freshmen orientation period nitong nakalipas na ika 16 at 17 ng Hunyo sa Burgos Gym ng nasabing paaralan.  Ipinakita naman ng TANGHALANG SLU ang kanilang galing sa pagsasayaw samantalang narinig ang malamig na mga boses ng mga miembro ng SLU Chorale Ensemble.

 

            Dalawang session bawat araw ang ginanap na orientation period na kung saan noong ika-16 ng Hunyo ay partisipante sa AM  session ang COLLEGE OF ACCOUNTANCY at COMMERCE.  Pagkatapos ng testimonya sa AM session ng isang rebel returnee na miembro ng CMO Battalion isang estudyante na nagpakilalang si TJ FERRER ang kusang nagkuwento na bago pa man ang orientation period ay may lumapit na sa kanilang grupo na mga miembro ng Anakbayan at hinihimok silang sumapi sa mga ito.  Matapang na sinabi ni TJ na sa mga napakinggan niyang rebelasyon ng CMO Battalion speaker malabong mahikayat siya gayun na rin ang kanyang mga kaibigan.  Ayon kay TJ dati silang naninirahan sa lalawigan ng Cavite subalit kailangang lumipat sa Pangasinan kung kaya’t sa Baguo City niya napiling mag-aral.

 

 

          Isang first year student din ang lumapit sa speaker ng CMO Battalion pagkatapos ng PM session na kung saan partisipante naman ang COLLEGE OF EDUCATION, ENGINEERING and ARCHITECTURE.  Ang estudyanteng nagpakilalang si DONDON, first year BS Architecture  ay nagsumite pa ng isang leaflet na kasalukuyan nang pinapakalat at pinamamahagi ng grupong ANAKBAYAN sa SLU.  Ayon kay DONDON siya ay kasapi ng isang simbahan bukod pa anya sa narinig niyang mga impormasyon hinggil sa mga mapanlinlang na istratehiyang ginagamit ng mga prenteng organisasyon sa mga estudyante mahikayat lamang ang mga ito na sumapi sa kanilang grupo na kalaunan naman ay nagiging daan para mamundok ang mga kabataan, malabo na  anyang mahikayat pa siya gayundin ang kanyang mga kaibigan.  Nanawagan si DONDON sa kanyang mga kapwa kabataan na kung talagang gusto nilang makatulong sa ating bayan dapat na unang pagtuunan ng mga ito ang kanilang pag-aaral  upang makatapos at nang sa gayon magkaroon ng magandang hanapbuhay na siya namang malaking kontribusyon nila sa pagpapa-unlad ng ating bayan. 

 

            Sa ikalawang araw na orientation period ng SLU ay nagkaroon din ng dalawang session na kung saan partisipante naman dito sa AM session ang COLLEGE OF NURSING AND HUMAN SCIENCES at sa PM session ay ang COLLEGE OF NATURAL SCIENCES, INFORMATION AND COMPUTER SCIENCES.

 

           Sa AM  session isang estudyante rin ang lumapit na nagpakilalang si RHEAN at sinabi nitong high school pa lamang siya ay naranasan na rin niyang mahikayat ng nasabing grupo.  Nag-aral si RHEAN ng high school sa isang pampublikong paaralan sa mismong Baguio City.  Idinagdag pa ni Rhean na minsan na rin siyang sumama sa grupong Anakbayan nang maglatag ito ng isang malaking protesta sa Baguio City.  Sa mga impormasyon anya na kanyang natutuhan at sa napanood umano niyang naging buhay ni Katkat Ramos ay naging maliwanag sa kanya kung bakit mas inuuna pa silang galitin ng nasabing prenteng organisasyon sa halip na imulat sa tunay na kalagayan ng bansa at gabayan ng tama. 

    

          Sa kabuuan naging mabunga ang orientation period dahil sa mga ipinahayag ng ilang mga estudyante ng SLU.  Taos pusong nagpasalamat naman si DEAN GIL ESPIRITU sa pamunuan ng CMO Battalion gayundin sa HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS dahil sa pagbibigay ng tuon nito sa pagpapakalat ng tamang impormasyon.  Ayon kay DEAN ESPIRITU malaking bagay at tulong sa mga paaralan at magulang ang ginagawang information and awareness drive ng SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS hindi lamang sa kanilang mga namumuno sa paaralan kungdi higit sa lahat sa mga magulang na nagpapa-aral ng kanilang mga anak.

 

          Bilang katuwang naman ng CMO Battalion, pinangunahan ni 2LT IVY M PILONES (INF) PA ang team ng 50th Infantry Battalion na naging kasa-kasama nito sa dalawang araw na orientation period. Nakatakda na ring maging intensibo ang isinasagawang info drive sa Baguio City sa pamamagitan ng 50th Infantry Battalion na may layuning mas maigting na maipatupad ito sa lahat ng paaralan sa nasabing siyudad.