News

SK COUNCIL NG BRGY HAGDAN BATO IBABA HUMILING NG INFO DRIVE

Agnes Lopez Reano


        

         “Kung may pagmamalasakit ka sa bayan katulad ng ipinapakitang pagmamalasakit ng mga kasundaluhan, responsibilidad mong ikalat ang tamang impormasyong iyong natutuhan mula sa kanila”, ito ang makahulugang  pangungusap na binitawan ni REIM LEGASPI, estudyante ng Colegio de San Juan Letran at kasalukuyang SK CHAIRMAN ng BRGY HAGDAN BATO IBABA, Mandaluyong City.  Kaugnay nito bilang bahagi ng proyekto ni Reim sa SK Council isinagawa ang information and awareness drive ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL sa kanyang barangay nitong nakalipas na ika-21 ng Marso na kung saan dinaluhan ito ng humigit kumulang isang daan at limampung (150) kabataang estudyante at OSY ng nasabing barangay.

 

            Nauna dito isa si Reim sa mga estudyante ng Letran College na naging partisipante sa isinagawa ding info drive ng CMO Bn sa kanilang paaralan nitong nakalipas na buwan.  Ayon kay Reim, kumukuha ng Bachelor of Arts major in Political Science marami siyang natutuhang mahahalagang impormasyon sa ginanap na Info Drive sa kanilang unibersidad.  Hindi anya karaniwang natututuhan ang mga ito sa loob ng paaralan kaya’t minarapat niyang gawin ito sa kanilang barangay.  Idinagdag pa ni Reim na kung siyang isa nang kabataang nag-aaral ay hindi pa alam ang mga impormasyong kanyang natunghayan sa CMO Bn paano na kaya anya ang mga kabataang hindi pumapasok ng paaralan.

 

            Sa pangunguna ni CAPT MARIO JOSE CHICO, TSGT NELSON SALAMATIN, PFC CONSTANTE at iba pang miembro ng CMO Battalion matagumpay na naisagawa ang info drive sa auditorium ng EULOGIO RODRIGUEZ ELEMENTARY SCHOOL sa Mandaluyong. Dumalo naman si BRGY CAPT at OIC VICE MAYOR ARSENIO ABALOS, KAG BENJAMIN MENDOZA at iba pang mga opisyales ng barangay. 

         Ayon sa ilang mga nanay na dumalo sa nasabing pulong, tumbok lahat ang mga impormasyon at napapanahon at malaking tulong para sa kanila na maimulat sa tamang kamulatan ang kanilang mga anak.  Napag-alaman na ilan sa mga kabataang dumalo ay hindi na pumapasok kung kaya’t ayon pa sa isang SK kagawad napapanahon ang mga tinalakay ni CAPT CHICO.  Ayon sa ilang mga kabataan mas naging maliwanag sa kanila na kung patuloy na magkakaroon ng digmaan sa pagitan ng Pilipinong kawal at Pilipinong NPA mauubos at masasayang lamang talaga ang pondo at resources ng pamahalaan sa wala naming kuwentang labanan na maraming buhay ng kabataan ang nasasayang.  Ayon sa ilang bata hindi nila akalain na sundalo pa ang magpapaliwanag ng mga impormayong kanilang natutuhan dahilan sa umano kadalasan anya pag sinabing “sundalo” ikinakabit kaagad ito sa digmaan.

 

            Muling hiniling ni Reim na maisagawa ang info drive sa iba pang grupo ng mga kabataan na hindi nakadalo sa nasabing diyalogo.  Binigyang diin ng ilang SK Kagawad na marapat lamang maipakalat ang impormasyon hinggil sa mga mapanlinlang na istratehiya ng mga komunistang kilusan hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa mga magulang man.  Sinang-ayunan ng mga SK Kagawad ang ginawang proyekto ni Reim dahil bilang bahagi umano ng pamahalaang ito ay basiko nilang tungkulin na suportahan ang mga aktibidades ng mga kasundaluhan partikular na umano ang CMO Battalion.  Binigyang diin ni Reim na wala silang nakikitang masama sa info drive ng CMO Bn kung kaya’t minarapat niyang maging bahagi ito ng kanyang proyekto sa halip anyang ang pagtuunan at pagkagastusan lamang ng kanyang pondo ay basketball, sayaw at signages sa lansangan.  Mas mahalaga anya ang matutuhan ng mga kabataan sa briefing na “Saving our Youth” dahil ang pagsapi umano ng mga kabataan sa iba’t-ibang organisasyon o grupo ang siyang magbibigay direksiyon at magpapasiya sa kinabukasan ng isang estudyante.

 

            Nagpa-abot ng taos pusong pasasalamat sa REIM LEGASPI at ang buong SK COUNCIL ng BRGY HAGDAN BATO IBABA ng Mandaluyong City sa pamunuan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION partikular na kay COL BUENAVENTURA C PASCUAL at sa mga kasundaluhan nito dahil sa walang sawa umano nitong paglilibot sa buong Metro Manila at pagsasagawa ng information and awareness drive.  Nangako si Reim ng buong suporta sa pagsisikap na ito ng CMO Bn dahil na rin umano hindi lamang dahil sa siya ang Chairman ng SK Council kundi dahil bilang nagmamalasakit na kabataan dapat lamang niyang ikalat ang kanyang mga natutuhan sa info drive ng nasabing unit sa kanyang paaralan.

 

                "CLICK to see SLIDESHOW"