News

CMO BATTALION BALIK SA MARIKINA PUBLIC SCHOOLS

Marikina City Federation of

Public School Teachers,Inc.


        

         

         Nagsimula na naman ang pagpunta ng mga militar mula sa Civil Military Operations Battalion sa mga pampublikong paaralan sa Marikina hindi upang magbigay na mga Military Forums bagkus ay tumulong sa paglilinis  ng mga ito.

 

         Sinimulan ang paglilinis ng mga paaralan noong Linggo, Oktobre 4, 2009 pagkatapos tignan ang kondisyon ng ibat ibang mga paaralan na nasalanta ng Bagyong Ondoy. Ang ilang paaralan ay natabunan ng putik na dulot ng baha. Kailangang hukayin ng mga militar ang lupa at hawiin ang mga putik sa loob at labas ng mga silid- aralan tulad sa Paaralang Elementarya ng San Roque. Hinakot naman nila ang mga gabundok na basura sa Paaralang Elementarya ng St. Mary. Ganoon din ang ginawa sa 20 pang paaralan na tatlo (3) dito ay may putik na umaabot sa baywang.

 

         Tinaguriang “School Clean-up 2009” ang proyekto sa pakikipagtulungan ng Marikina City Federation of Public School Teachers, Inc. (MCFPST, Inc.) at Marikina City Federation of Public School Teachers Cooperative (MCFPSTC). Ito ay may koordinasyon sa Kagawaran ng Edukasyon Sangay ng Marikina at sa Pamahalaang Lungsod ng Marikina.


         “Ito ay isang magandang proyektong akma sa pangangailangan ng karamihan ng mga pampublikong paaralan ng Marikina,” ani ni Clay A. Balgua, Chairperson ng MCFPSTC.


         “Ito rin ay isang magandang pagkakataon na magsama-sama at magtulungan para sa pagpapanumbalik ng kalinisan ng mga paaralan,”wika ni Elpidio F. Ferrer, Pangulo ng MCFPST, Inc.


         ‘Dito maipapakita ang pagkakaisa ng mga guro ng Marikina at militar at paglimot sa di-pagkakaunawaan noong nakaraang taon para sa ikabubuti ng bayan,” dugtong pa nito.


         Matatandang nagkaroon ng di-di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga guro sa Marikina at ang mga militar dahil sa mga alegasyong “may ilang lider-guro na supporter o makiling sa CPP-NPA”; ang pagdating ng mga militar noong Nobyember 2007 ay kaalinsabay ng pagtatayo ng pambulikong unyon ng mga guro sa Lungsod Marikina.