Taos pusong nagpasalamat ang pamunuan, opisyales at mga miembro ng SAN ROQUE COMMUNITY COUNCIL o SRCC ng Brgy. North Triangle, Q.C. sa ginanap na information and awareness drive ng Speaker’s Bureau Team ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION. Mahigit sa isang daan at limampung residente ng San Roque II, Brgy North Triangle ang dumalo sa ginanap na info and awareness drive ng CMO Battalion nitong nakalipas na ika-11 ng Abril. Sa pangunguna ni NANAY LARING ANGELES, MYRNA LACDAO, TEODY DACER, at iba pang mga opisyales at miembro ng iba’t-ibang organisasyon na nakapailalim sa SRCC naging mabunga at makabuluhan ang ginanap na diyalogo.
Nauna dito, ibinahagi ng isang residente ng nasabing lugar na nagpakilalang si “Ate Remy” na isang linggo bago naisakatuparan ang info drive, nagsagawa ng isang kilos protesta ang ilang miembro ng grupong KADAMAY na naglalayong iprotesta ang pananatili ng mga tropa ng CMO Battalion sa kanilang lugar. Idinagdag pa ni Ate Remy na karamihan sa nag-rally ay hindi naman residente ng San Roque at hindi direktang nakakakita at nakakaramdam lalo’t anya nakikinabang sa presensiya ng mga sundalo sa kanilang lugar.
Ayon kay Ate Remy, napag-alaman din umano nila na balak pang bumalik ang mga nagprotesta kung kaya’t pinaghandaan din umano ng karamihan sa mga lehitimong residente ang pagbalik ng mga ito. Matapang na sinabi ni Ate Remy na nakahanda silang ipagtanggol ang mga sundalo sa mga manggugulong raliyista na hindi naman direktang nakikinabang sa malaking tulong na naibibigay ng mga sundalo sa kanilang lugar.
Ipinagmalaki ni Ate Remy na lubhang magulo noon ang kanilang lugar nang wala pa ang mga sundalo, subalit malaki anya ang ipinagbago ng kaayusan at katahimikan nang mga ito ay dumating at madeploy sa kanilang barangay.
Samantala matapang na inamin naman ni ATE MYRNA LACDAO, isa sa mga pangulo ng mga samahang nakapaloob sa SRCC na totoong nagrarali sila subalit lehitimong hinaing lamang umano nila sa karapatan sa paninirahan ang kanilang isinusulong. Nagpasalamat din si Ate Myrna sa mga impormasyong natutuhan nila, lalo na sa mga mapanlinlang na istratehiya ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan. Ayon kay Ate Myrna, bagamat ilan sa kanila ay miembro ng Gabriela ay hindi naman nila hahayaang magamit at maloko sila ng mga ito.
Sa pangkalahatan, naging mabunga ang information and awareness drive dahil sa pangkalahatang pag-amin ng mga karamihan sa mga lider kababaihan na dumalo na minsan na silang nagamit sa mga rali at kilos protesta. Sinang-ayunan din ng mayorya ng mga opisyales ng labing anim na organisasyon na nakapaloob sa SRCC na tunay na walang maidudulot na maganda at maibubungang positibo ang mga kilos protesta at nauuwi lamang umano sa kaguluhan.
Naging kapuri-puri ang pagkakaisa ng mga lider kababaihan sa nasabing lugar dahil na rin sa iisang layunin na maisulong ng mapayapa at maayos ang kanilang karapatan sa paninirahan. Hiniling naman ng karamihan sa mga residente ng San Roque II sa pamunuan ng barangay na bagamat anya itinuturing silang adopted lamang ng Brgy. North Triangle huwag naman silang pagkaitan nito ng mga basikong serbisyo na pangunahing tungkulin ng Barangay Council. Nanawagan din ang mga dumalo sa pulong kay BRGY KAPITAN BELAOS na maging patas sa pagseserbisyo sa lahat ng mga residente nito at kalimutan na umano ang pulitika.
Taos pusong nagpasalamat naman ang SRCC o SAN ROQUE COMMUNITY COUNCIL sa liderato ng CMO BATTALION higit umano sa namumuno nito na si COL BUENAVENTURA C PASCUAL dahil sa pagpapadala ng mga sundalo sa kanilang barangay.