Pormal na inimbitahan ni BRGY CAPTAIN DOMINIC P FLORES ng Brgy Pansol, Q.C. ang pamunuan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL (MNSA) PA na dumalo sa isinagawang 2nd Peace and Order Summit ng Barangay Council nito na ginanap nitong ika-3 ng Agosto sa Barangay Hall Rooftop. Dumalo sa nasabing summit ang Lupong Tagapamayapa, BSDO, Eco Waste Management team ng barangay, lider ng iba’t-ibang mga organisasyon, mga barangay kagawad ganundin ang SK Council.
Sa pamamagitan ni CAPT MARIO JOSE CHICO, Operations Officer ng CMO Battalion kasama ang Technical Committee, ibinahagi ni Capt Chico ang mahahalagang impormasyon sa kung papanong magkakatulungan ang SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS, Barangay Government/Council, Philippine National Police, at higit sa lahat mga residente upang mapangalagaan ang mga kabataan sa mga grupong maaring makahikayat sa mga ito na maaring magdala sa kanila sa kapahamakan.
Iniulat din ni Brgy Capt Flores ang ilang mahahalagang ordinansang ipinatutupad ng kanyang pamunuan upang masiguro ang kapayapaan, katahimikan at kaayusan sa kanyang nasasakupan. Ibinahagi naman ng QCPD Station 9 ang ilang mahahalagang batas na napapatungkol sa peace and order.
Ilang mga miembro naman ng Eco Waste Management Team ang taos pusong nagpasalamat sa CMO Battalion sa pagbibigay umano sa kanila ng mahalagang impormasyon hinggil sa kung papanong ang kanilang mga anak ay maaring mahikayat ng mga prenteng organigasyon ng komunistang kilusan. Ayon sa isang nagpakilalang si “ALING MINA” kung hindi sila nakapakinig ng lecture ni Capt Chico hindi pa nila malalaman ang mga paraan o istratehiyang ginagamit ng mga komunistang kilusan na tiyak na makasisira sa kinabukasan ng kanilang anak at makakawasak sa kanilang pamilya.
Ayon naman sa isang miembro ng Lupong Tagapamayapa na nagpakilala sa pangalang “MANG REX” tama lamang ang ginagawang information drive ng CMO Battalion, ayon sa kanya marapat lamang na maisagawa ang information drive sa lahat ng paaralan hindi lamang anya sa nasasakupan ng Brgy. Pansol kungdi sa buong kapuluan. Binigyang diin ni Mang Rex na wala siyang nakikitang masama sa info drive bagkus anya ito ay isang malaking tulong sa kanilang mga magulang dahil sa hindi naman nila nababantayan ang kani-kanilang mga anak lalo na kung ang mga ito ay nasa paaralan na.
Sinabi pa ni Mang Rex na dapat ding tumulong hindi lamang ang Barangay Council kungdi higit sa lahat ang mga magulang ng mga kabataan sa pagsisikap ng mga kasundaluhan partikular na umano ang CIVIL MILITARY OPERATIONS na mailayo ang mga kabataan sa mga grupong hindi makakatulong sa kanilang pag-aaral, maaring magdala sa kanila sa kapahamakan, tiyak na makakasira ng kinabukasan at maaring maging dahilan ng kanilang maagang kamatayan. Nagpasalamat si Mang Rex sa kanyang Barangay Captain dahil sa ginawang pag-imbita sa CMO Battalion na maging bahagi ng regular nilang isinasagawang Peace and Order Summit.
Ayon kay Mang Rex bilang isa sa mga miembro ng Lupong Tagapamayapa nakakasiguro umano ang CMO Battalion na katuwang sila sa mga proyekto nito lalo’t anya kung ito ay info drive. Ipina-abot na rin ni Mang Rex ang taos pusong pasasalamat sa CMO Battalion sa mga medical missions na naisagawa na nito sa kanilang barangay.