“Mas magiging disiplinado ang mga kabataan kung sa high school pa lamang ay magkakaroon na sila ng military training, magkakaroon sila ng direksiyon sa buhay at matututong pahalagahan ang kanilang pag-aaral”, ito ang sinabi ni REV FR MICHAEL OLIVER S LUCIO, Director ng CARMEL ACADEMY sa Palauig, Zambales sa ginanap na opening ceremony ng CAT LEADERSHIP SEMINAR na pinangunahan ng pamunuan ng 24th INFANTRY “WILDCAT” BATTALION sa pamumuno ni LTC PHILIP LAPINID, sa kooperasyon ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pangunguna ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL (MNSA) PA. Ginanap ang isang araw na leadership seminar ng nasabing paaralan sa loob ng Battalion Headquarters sa Brgy Bulawen nitong ika-24 ng Hulyo na dinaluhan ng lahat ng CAT officers ng Carmel gayundin ng kanilang CAT COMMANDANT na si MR ALDRIN EDPALIN.
Kinapalooban ang isang araw na seminar ng mga lectures tungkol sa BRIEF AFP HISTORY, MILITARY ROLE & LEADERSHIP SKILLS, FIRST AID AND SURVIVAL TECHNIQUES. Bukod sa mga lectures nagkaroon din ng Team Building, inilibot din ang mga estudyante sa buong battalion headquarters, nakisalamuha sa mga sundalo, at nakipag boodle fight. Nagpasalamat si MAJ ENRIQUE L CLEMENTE (FA) PA, Battalion Ex-O sa patuloy na ipinapakitang pagtitiwala ng pamunuan ng Carmel Academy sa kanilang unit gayundin sa mga estudyante sa paniniwalang magiging magandang ehemplo nila ang mga kasundaluhan.
Samantalang sa ginanap na closing ceremony nagpakitang gilas ang mga CAT OFFICERS sa pamamagitan ng silent drill na lubos na hinangaan hindi lamang ng Battalion Commander gayundin ng mga manonood. Ayon sa mga CAT Officers talagang pinaghandaan nila ang nasabing silent drill upang maipakita ang kanilang pagpapahalaga sa ginagawang sakripisyo ng mga sundalo. Binigyang diin pa ng isang estudyante na nagpakilalang si Hayah, kung ang mga sundalong naka-assign sa kanilang bayan ay nagpapakita ng pagmamalasakit sa kanila at nagsasakripisyo ang kanila umanong maliit na handog sa kasundaluhan ay hindi pa sapat para maipakita ang kanilang taos pusong pasasalamat sa mga ito sa patuloy na pagbabantay sa katahimikan ng kanilang lalawigan.
Ayon naman kay MR EDPALIN malaking pasasalamat nila sa HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS partikular na sa 24th INFANTRY BATTALION at CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION hindi lamang dahil sa mga natutuhan ng mga bata kungdi sa inspirasyong kanilang nakuha mula sa mga sundalo at speakers ng seminar. Binigyang diin ni Mr Edpalin na binabalak nilang ulitin ang nasabing seminar para naman sa mga kadete ng CAT.
Ayon naman kay FR MICHAEL nakita niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang ugnayan ng mga sundalo at mga kabataan noong isagawa ang Youth Leadership Summit sa loob ng kanilang paaralan kung kaya’t ninais nilang sumailalim din ang mga CAT Officers sa mas intensibong pagsasanay upang mahubog ang mga ito sa tamang kagandahang asal at magabayan ng tama. Personal na nagpasalamat si Fr Michael kay 1LT ALHAMSA KUIT dahil sa matiyaga nitong pakikipag-koordinasyon at paghahanda sa mga pangangailangan sa nasabing aktibidad at sa iba pang mga opisyal ng 24th Infantry Battalion dahil sa ipinakita at ipinaramdam nilang mainit na pagtanggap sa kanilang mga estudyante.
Ayon naman sa isang CAT officer na kinilalang si Jonel, malaking bagay ang kanilang natutuhan, hindi lamang umano sila natuto tungkol sa kasaysayan ng AFP at military leadership bagkus ang mahalaga pa umano ay naunawaan nila ang mga istratehiyang ginagamit ng mga prenteng organisasyon sa panghihimok sa mga kabataan na umakyat sa kabundukan. Ayon kay Jonel ang kanyang mga natutuhan ay hindi lamang magiging gabay niya kungdi magiging inspirasyon para maging isang produktibong mamamayan ng Pilipinas.
Naging mas kapansin-pansin sa mga kabataan ang dalawang opisyal na babae na sina 2LT MARY MAUREEN BAYLOSIS at 2LT MA TESS DALISAY na parehong batch 2009 ng Philippine Military Academy. Hiniling ng mga estudyante hindi lamang kay Fr Michael kungdi sa pamunuan din ng 24th Infantry Battalion na magkaroon ng second round ng seminar bago ang kanilang graduation sa March.