Nagbunga ang halos araw-araw na pagsasanay ng mga miembro ng RESERVE OFFICERS TRAINING CORPS ng POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES o PUP ROTC sa ilalim ng masusing pamumuno, pagtuturo at pag-gabay ng Commandant nito na si COL BUENAVENTURA C PASCUAL. Itinanghal na OVER-ALL CHAMPION sa Bracket 1 ang PUP ROTC sa RAATI 2008 O REGIONAL ANNUAL ADMIN TACTICAL INSPECTION na pinal na ginanap ang kompetisyon at programa nitong nakalipas na araw ng Linggo ika-8 ng Marso sa HPA Grandstand. Siyam na unibersidad sa Bracket 1 at labing limang unibersidad naman sa Bracket 2 ang naglaban-laban sa iba’t-ibang uri ng aspeto nito. Ang mga unibersidad ay nasa ilalim naman ng pamamahala ng NCR REGIONAL DEFENSE GROUP sa pamumuno ni COL ELMER QUIROS.
Pitong medalya ang nakuha ng PUP ROTC, BEST ROTC UNIT CATEGORY 1, BEST IN ADMINISTRATION, BEST IN MAP READING, BEST IN DISASTER RELIEF AND RESCUE OPERATIONS, BEST IN CEREMONIAL PARADE, BEST IN WRITTEN EXAM at BEST IN METHODS OF INSTRUCTIONS bukod pa sa itinaghal itong OVER-ALL CHAMPION ng RAATI 2008-2009. Samantalang itinanghal naman na BEST IN OPORD EXAM ang TUP, BEST IN RANK INSPECTION ang Earist, BEST IN COY DRILL ang UST, BEST IN SMALL UNIT TACTICS ang New Era university, BEST IN M16 RIFLE at CAL 45 ang City College of Manila.
Nakapaloob sa Bracket 1 ang mga unibersidad ng PUP, City College of Manila (CCM) sa pamamahala ng Commandant nito na si LTC BERNARDO, Pamantasan ng Lunsod ng Maynila (PLM) sa pamumuno ni COL SUN, University of Sto. Tomas (UST) sa ilalim ng pamamatnubay ni COL ELMER QUIROS, New Era University (NEU) sa pamumuno ni MAJ BENITEZ, Philippine College of Criminology (PCCr) sa pamamahala ni LTC LAVADIA, Technological University of the Philippines (TUP) sa pamumuno ni LTC UCAG, at Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) sa pamumuno ni LTC MANGYA.
Samantalang nakapaloob naman sa Bracket 2 ang mga unibersidad ng Rizal Technological University (RTU), Lyceum, University of the Philippines- Diliman (UP), AU, Metro Manila College (MMC), City Malabon University (CMU), Mapua Institute of Technology (MIT), Manuel L Quezon University (MLQU), University of Caloocan City (UCC), Technological Institute of the Philippines – Quiapo (TIP), Jose Rizal University (JRU), Navotas Polytechnic College (NPC), Central Colleges of the Philippines (CCP), De La Salle Araneta University (DLSU), at Emilio Aguinaldo College (EAC).
Bago ang pinal na araw ng kompetisyon maraming pinag-daanang pagsasanay ang mga kadete na kung saan higit na itinuon ito sa kapaki-pakinabang na bagay na tiyak na makakatulong sa mga kabataang estudyante hindi lamang sa kanilang pag-aaral kundi sa kanilang pang-araw-araw na buhay at maging hanggang sa kanilang pagtatrabaho. Layunin ng nasabing kompetisyon na gawing buong-buo ang personalidad at pagkatao ng isang kadete gayundin mabigyan ng matibay na pundasyon ang mga ito sa tunay na pakahulugan ng pagmamahal sa bayan at kapayapaan bukod pa sa gawing makabuluhan ang buhay kolehiyo ng mga kadete.
Ayon sa ilang mga kadete ng PUP ROTC hindi lamang nila nakita kundi higit sa lahat naisapaktika ang kanilang mga natutuhan sa ROTC. Mas nagkaroon umano sila ng direksiyon sa buhay, mas pinahalagahan ang pagsisikap at pagpapagod ng kanilang mga magulang, mas nakita ang konserna ng pamahalaan at higit sa lahat naging makabuluhan ang buhay kolehiyo dahil sa ginawang pag-gabay sa kanila ng liderato ng PUP ROTC. Kaugnay nito taos pusong pasasalamat ang ipina-abot ng mga opisyales at kadete ng PUP ROTC kay COL BUENAVENTURA PASCUAL dahil mas pinahalagahan umano nito ang mga matutuhan nilang values at kaugalian kesa sa uniporme, gastos at pagpapahirap o pagbibilad sa araw na kadalasang ikinakabit sa pagsasanay ng ROTC. Idinagdag pa ng mga kadete na nagkaroon ng panibagong kahulugan sa kanila ang ROTC dahil sa kanilang natutuhang pagsasanay na nakatuon sa paglilingkod sa bayan at sambayan at pagmamahal sa bansa at kapwa tao.