“Salamat sa inyo at naipaliwanag nang maayos ang tunay na dahilan ng paghihirap ng sambayanan – kung ano ang ating pagkukulang at kung ano ang dapat pang gawin”, ito ang buod ng mensahe ni MAYOR HUBBERT C.A DOLOR, MD., M.P.A ng bayan ng Puerto Galera sa ginanap na General Assembly sa pangunguna ng 2nd ID CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa ilalim ng pamumuno ni LTC CORNELIO VALENCIA noong ika 16 ng Pebrero sa parking area ng Rem’z Virgin Island Hotel. Matagumpay na naisakatuparan ang General Assembly dahil sa matiyagang pakikipag-ugnayan at koordinasyon ng Team Leader ng 2ID CMO Bn na si LT ELAINE BACASNO sa lahat ng Local Government Officials, Local Government Agencies, Civic Organizations, Non-Government Organizations gayundin sa mga residente ng Brgy. San Isidro, Puerto Galera. Katuwang naman ng 2ID CMO Bn ang pamunuan ng 203rd Infantry Brigade sa pamumuno ni COL BONIFACIO DE CASTRO, CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL at 4th Infantry Battalion sa pamumuno ni MAJ FAISAL A NAWANG.
Binigyang diin ni Mayor Dolor sa kanyang panawagan sa kanyang mga kababayan na kung nagmamalasakit ang mga kasundaluhan sa kapayapaan at kaunlaran ng kanilang bayan gayung ang karamihan sa mga ito ay hindi naman taga Oriental Mindoro marapat anya ay higit na makatarungan na sila munang naninirahan sa kanilang bayan ang unang magmalasakit dito. Ayon kay Mayor Dolor hindi dapat na ipasa ng mga Mindoreno ang responsibilidad sa iba, at malaki umano ang kanilang matitutulong sa pagsisikap ng SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS partikular na ang HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS, lalo na ang 2ID CMO Bn, 203rd infantry Brigade at CMO Bn sa pamamagitan ng pakikiisa, pakikipagtulungan at higit sa lahat sa pagsuporta sa lahat ng gawain ng mga kasundaluhan sa kanilang bayan.
Humigit kumulang sa isang libong (1,000) residente ng BRGY SAN ISIDRO, PUERTO GALERA ang dumalo, kasama na dito ang mga pangulo ng iba’t-ibang asosasyon, sa pangunguna ni MS LENY DEL MUNDO – pangulo ng SIBROA – San Isidro Beach Resort Owners Association Inc.; JHONY MANONGSONG ng SIBOA; FLORDELIZA MAGBUHOS ng Assosication of Masseuse; JOEL DE VEYRA – Secretary ng TOSCA; at FREDDIE DIMAALA ng PGTODA, gayundin ang organisasyon ng TATOO ARTISTS at ilang mga katutubong Mangyan mula sa Mangyan Village.
Muling binigyang diin ni Mayor Dolor na kung napagpaliwanagan na sila ng mga opisyal at kasundaluhan ng 2ID CMO BN, 203rd Infantry Brigade, 4th IB sa ilalim ng liderato ng 2nd Infantry Division sa pamumuno ni MGEN ROLAND DETABALI at CIVIL MILITARTY OPERATIONS BATTALION marapat lamang anyang pamalagiin ng mga residente ng Puerto Galera ang “DIWA NG PAGKAKAISA AT PAKIKIPAGTULUNGAN” sa AFP. Espesyal na nagpasalamat si Mayor Dolor kay Lt Bacasno dahil sa matiyagang pakikipag-diyalogo ng kanyang team sa mga residente ng Brgy. San Isidro. Hindi umano maitatatwa na may mga sumusuporta sa armado subalit kailangan umanong magsuri ang taumbayan sa epekto ng presensiya ng mga NPA sa ating bayan at sa kung ano ang hindi magandang epekto ng pagsuporta sa armadong hukbo.
Bagama’t anya may pagkukulang ang gobyerno hindi naman dapat magmadali ang mamamayan dahil sa dami umano ng dapat na unahing proyekto na mas marami ang makikinabang. Ayon kay Mayor Dolor hindi nakakaligtaan ng kasalukuyang administrasyon na tugunan ang pangunahing pangangailangan ng sambayanan lalo na ang napapatungkol sa kapayapaan at kaunlaran kung kaya’t anya ay mayroong mga sundalong direktang nakatira sa mga barangay dahil sa aspetong ito at hindi lamang umano ito sa Puerto Galera kundi sa buong kapuluan.