“Makaka-asa ang aming mga magulang na hindi namin pababayaan ang aming pag-aaral gayundin ang pamahalaan na kaming mga kabataan ay magiging katulong sa pagpapa-unlad ng ating hayan, at higit sa lahat ng mga kasundaluhan na hindi kami kailanman magiging bahagi ng armadong pakikipaglaban”, ito ang laman ng text message ni JERALDINE FERNANDEZ, Pangulo ng Student Council ng MAUAQUE RESETTLEMENT HIGH SCHOOL, sa isang rebel returnee na miembro ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION na bahagi ng Speaker’s Bureau ng 2ND TASK UNIT, TASK GROUP ALFA sa ilalim ng pamumuno ni 2LT EDWARD G VILLAFUERTE PAF.
Nauna dito, sa pakikipagkoordinasyon ni A1C GILBERT E PANEDA kasama ang iba pang miembro ng Student Sector ng 2ND TU na sina A2C JESSIE ANGELO B DE CLARO, A2C CRISNE P AGUILO at A2C JAYSON L BALINDAN matagumpay na naisagawa ang information and awareness drive ng PHILIPPINE AIR FORCE sa pakikipagtulungan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL sa nasabing paaralan nitong ika-30 ng Hulyo. Dinaluhan ng humigit kumulang sa limang daang (500) fourth year student at labing limang guro sa pangunguna ni MR DANILO SAMONTE ang Prefect of Discipline.
Sa pambungad na pananalita ni Mr Samonte sinabi nito sa mga estudyante na “tingnan at suriing mabuti kung ano ang tatalakayin, unawain na mahusay ang mensahe dahil ang programa ay para sa ikabubuti ng mga kabataan at ikagaganda at ikatatahimik ng bayan.” Ayon kay Mr Samonte nagpapasalamat silang mga guro sa mga ginagawang pagsisikap ng Philippine Air Force at Philippine Army sa pagdalaw sa mga paaralan upang isagawa ang isang information drive. Binigyang diin ni Mr. Samonte na malaking tulong sa kanilang mga guro ang mga impormasyong kanilang matutuhan sa mga info drive lalo pa nga’t ang mga ito ay napapatungkol sa mga kabataan.
Sa Open Forum, sinabi ni “LEIH” na marami siyang natutuhan at naunawaan partikular na sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. Ayon kay Leih walang dudang marami nang mga kabataan ang nasira ang kinabukasan dahil sa mga napanood nilang video documentary partikular na ang buhay ni Katkat Ramos na kung saan kasunod nito ang mga listahan ng mga estudyanteng nahimok na sumapi sa mga prenteng organisasyon, sumama sa madugong pakikipaglaban at kalaunan ay namatay, nahuli at nasagip ng mga sundalo.
Ayon naman kay MONINA nakakadismayang malaman na ang mga napapanood nilang mga prenteng organisasyon sa telebisyon na kapag nagsalita ay akala mo mga maamong tupa ang siya pa palang nagiging sanhi ng pagkasira ng pag-aaral ng maraming mga estudyante, pagkawasak ng pamilya at ang pinakamatindi umano ay ang pagkamatay ng mga ito sa isang labanang wala namang patutunguhan. Hinamon din ni Monina ang mga namumuno sa mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan na kung talagang konserna at adhikain ng mga mahihirap ang kanilang ipinaglalaban, dapat anyang hayaan ng mga ito na makatapos silang mga anak ng mahihirap ng kanilang pag-aaral upang makatulong sa kanilang pamilya na mai-ahon ito sa kahirapan. Sa mga napanood at narinig umano niya hinding-hindi umano siya mahihimok ng mga ito na sumapi sa kanilang organisasyon.
Ayon naman kay JULIEN hindi dapat na maging biktima ang mga kabataan sa personal na interes ng mga namumuno ng komunistang kilusan. Ayon kay Julien sa mga narinig niya sa info drive maliwanag na puro propaganda at panloloko lamang ang ginagawa ng prenteng organisasyon sa mga mahihirap, mga katutubo, mga manggagawa, kababaihan, at higit sa lahat sa mga kabataan. Binigyang diin ni Julien na dapat na ipakita sa gawa ng mga prenteng organisasyon ang kanilang pagnanais na matulungan ang mga mahihirap, hindi lamang anya puro sigaw sa lansangan ang ginagawa kungdi dapat sa mga konkretong proyekto o programa na makakatulong sa mga mahihirap na kabataan.
Taos pusong nagpasalamat ang mga estudyante at mga gurong dumalo sa nasabing info drive sa 2ND TASK UNIT, TASK GROUP ALFA sa pamumuno ni COL ERNESTO BENITEZ at sa CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno naman ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL.