News

KOOPERASYON NG CMOBN AT 2ID CMOBN POSITIBO ANG RESULTA

Agnes Lopez Reano



         Sa ginawang koordinasyon ni 1LT RICHARD A ENCISO (INF) PA, CMO Officer ng 2ID Cmo BN sa CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL ay naging bahagi ng mga aktibidades ng nasabing unit ang isang miembro ng Speaker’s Bureau nito.  


            Naging lubos ang kooperasyon ng CMO Bn sa 2ID dahil na rin sa ginawang pagpayag ni COL PASCUAL na makarating ang isang Rebel Returnee sa Oriental Mindoro at maging bahagi ng isinasagawang serye ng konsultasyon ng HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS sa nasabing lalawigan.


            Sa ginanap na Consultation/Dialogue on Peace and Order ng 2ID CMO Bn sa pangunguna ng team leader nito na si 2LT MARIA RUSTIA NON (INF) PA sa grupong ALAMIN O Alyansa Laban sa Mina na pinangungunahan ni Atty Ligorio Turano sa Multi-purpose hall ng Municipal Bldg ng Calapan City, Oriental Mindoro naging positibo ang diyalogo dahil na rin sa ipinangakong suporta ng grupo sa mga kasundaluhan lalo na sa 203rd Infantry Brigade sa pangunguna ni COL BONIFACIO DE CASTRO.


            Naging mabunga ang diyalogo dahil naging malinaw sa mga miembro ng ALAMIN na binubuo ng iba’t-ibang organisasyon katulad ng MAHAL INC., sa pangunguna ni MS TERESITA DE GUZMAN, KAFCODE sa pamumuno ni MS DOLORES “Doris” MELGAR, mga Kapitan ng tatlong barangay ng Calapan City, mga kaparian tulad nina Fr. Gariguez at Fr Magboo at iba pang sektor ang sensirong layunin ng 203rd Brigade at 2ID CMO Bn. 

         Sa bahagi ng Open Forum ay naliwanagan ang mga miembro sa kung bakit ang kinausap ng mga kasundaluhan ay ang kanilang grupo.  Una, ang grupo ay kinikilala at malaki, ikalawa ang samahan ay may layuning makatulong sa kanilang mga kababayan at kalalawigan.  Binigyang diin ni Atty. Turano na pangunahing layunin ng ALAMIN na bigyang sapat na kaalaman at magkaroon ng awareness ang mga Mindoreno sa kahalagahan ng pangangalaga ng kanilang likas na yaman.


            Sa panig ng 203rd Brigade, nangako si COL DE CASTRO na magiging kabalikat ng mga Mindoreno ang buong kasundaluhan sa kanilang adhikain na pangalagaan ang kalikasan.  Binigyang diin ni COL DE CASTRO na mas magiging makabuluhan ang mga hakbang kung ang buong lalawigan ay makikiisa at mapagtutuunan din ng pansin ang katahimikan at kapayapaan nito.


            Personal ding nagpa-abot ng taos pasasalamat si COL BONIFACIO DE CASTRO sa pamunuan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS sa pangunguna ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL at 2ID CMO BATTALION sa pangunguna ni LTC GLENN FLORES dahil sa pakikipagtulungan ng mga nabanggit na unit.