Taos pusong nagpasalamat si Kag. Jose Mari Meligrito ng Brgy Escopa III sa mga miembro ng 3rd CODE Coy sa pamumuno ni MAJ WILLIAM TABAS sa information and awareness drive na isinagawa ng team sa pangunguna ni CAPT. BALAN sa Tanglaw Area ng nasabing lugar. Ayon kay Kag. Meligrito malaking tulong ang isinasagawang information drive ng mga kasundaluhang miembro ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL sa kamaynilaan dahil nabibigyan umano ng mahalagang impormasyon ang mga residente dito lalo’t higit ang mga kabataan na siyang madaling mahimok ng mga prenteng organisasyon ng mga komunistang kilusan.
Binigyang diin ni Kag. Meligrito na siya man ay isang aktibista, kasabay ng pagsasabing isa lamang siyang taong aktibo, base na rin umano sa tunay na kahulugan ng salitang “aktibista” na ang ibig sabihin ay “taong aktibo”. Ayon kay Kag. Meligrito hindi masama kung maging aktibo ang isang tao kung ito naman umano ay nakatutok sa pagtulong sa kanyang gobyerno.
Dinaluhan ng humigit kumulang sa isang daan at limampung residente ng Brgy Escopa III ang nasabing information drive na mayorya sa mga dumalo ay mga lider kabataan. Ayon sa isang estudyante ng Jose Laurel High School na dumalo sa nasabing papulong malaking bagay at tulong sa kanilang mga kabataan ang ginagawang intensified information drive ng CMO Battalion dahil na rin sa umano na base sa kanyang obserbasyon ay puro kabataan ang laging nangunguna sa mga kilos protesta sa lansangan. Inamin ni “Jason” na maging siya man ay minsan nang nahimok sa mga pagkilos sa lansangan subalit nakalulungkot umanong aminin na wala naming magandang naidulot ang rally sa kanila kundi sakit ng katawan at gutom. Idinagdag pa ni Jason na mas lalong naging maliwanag ang pagiging maka-kaliwa ng ilang prenteng organisasyon ng mga estudyante dahil sa ipinakitang slide at pagpapaliwanag hinggil sa Praxis ng LFS ni CAPT MARIO JOSE CHICO.
Ayon kay Jason malungkot tanggapin ang katotohanang ang mga organisasyon pa ng mga estudyante ang nagiging daan upang masira ang kanilang kinabukasan. Binigyang diin ni Jason na sa halip na ang mga lider kabataan ang siya nilang maging katuwang para harapin ng buong tatag ang buhay estudyante ang mga ito pa umano ang siyang nagiging dahilan sa pagkawasak ng kanilang buhay at pag-guho ng mga pangarap ng maraming mga magulang. Nanawagan si Jason sa kanyang kapwa estudyante lalo na sa mga high school students na umano ay siyang masyadong mapangahas na maging matalino sa pagpili ng mga organisasyong kanilang sasalihan.
Nagpasalamat naman ang karamihan sa mga lider kabataan ng Brgy Escopa III kay CAPT FRANCIS BALAN sa pagbibigay prayoridad umano nito sa mga kabataan na mabigyan sila ng mahahalagang impormasyon hinggil sa mga taktikang ginagamit ng mga maka-kaliwang kilusan sa panlilinlang sa mga kabataan upang sumapi sa kanilang organisasyon. Idinagdag pa ng mga ito na kung hindi rin umano sa pagsisikap ng pinuno ng CMO Battalion na si COL BUENAVENTURA C PASCUAL ay hindi maipaparating ng mga kasundaluhan ang mahalagang kaalaman na magiging gabay nila sa kanilang buhay estudyante.