News

CMO BATTALION KAAGAPAY NG Q.C. LOCAL GOVERNMENT SA MEDICAL MISSION

Agnes Lopez Reano



         

         “Kahit sa simpleng pagbibigay ng libreng gupit nararamdaman naming taga Brgy. Damayan, Q.C ang serbisyo ng kasundaluhan”, ito ang naging pahayag ng isang ginang na residente ng nasabing barangay.  Kaugnay nito isang joint medical mission ang isinakatuparan ng liderato ni VICE MAYOR HERBERT BAUTISTA sa  pakikipagtulungan sa iba pang non-government organizations, charitable institutions, indibidwal at ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL nitong ika-10 ng Pebrero sa nasabing barangay na kung saan mayorya sa mga residente dito ang nabiyayaan.

 

         Ipinadala ni COL PASCUAL ang mga sundalong manggugupit mula sa 1st, 2nd, 3rd, 6th at Headquarters Coy upang maglaan ng libreng gupit sa mga residente, gayundin ang ilang kasundaluhan upang magbigay naman ng seguridad.  Bahagi na ng serbisyo ng CMO Battalion ang pagbibigay ng libreng gupit sa mga residente kung saan nakadeploy ang mga miembro nito. Pinangunahan ni CAPT ONOFRE NELMIDA, Ex-O ng 3rd CODE Coy ang mga kasundaluhang naglaan ng kanilang serbisyo. 

         Nabiyayaan ng libreng konsulta at gamot ang humigit kumulang sa isang daan at siyamnapung (190) residente at  isang daan at dalawamput isang indibidwal (121) naman ang nabiyayaan ng libreng gupit.  Katuwang din sa nasabing medical mission si BRGY CHAIRMAN JOSEL CLET na nagpa-abot ng taos pusong pasasalamat sa pamunuan ng Quezon City at higit sa lahat ng CMO Battalion.  Ayon kay Kapitan Clet ang paglalaan ng serbisyo ng mga miembro ng 3rd CODE COY at ng buong CMO Battalion ay malaking bagay sa kanilang mga residente.  Hindi lamang umano sa libreng gupit nila nakakaagapay ang mga kasundaluhan kungdi higit sa lahat sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa kanilang barangay.


            Lubos ding nagpasalamat si GINOONG FERNANDO “TOTO” HOJILLA, Pangulo ng Over the Bakod Association sa presensiya ng mga kasundaluhan sa kanilang barangay.  Ayon kay Ginoong Hojilla maliit man kung titingnan ang pagbibigay ng libreng gupit malaking tulong na ito sa kanilang mahihirap na residente.  Nangako si Ginoong Hojilla nang lubos na suporta sa pamunuan ng 3rd CODE Coy sa pamumuno ni CAPT FRANCIS BALAN.  Binigyang diin ni Ginoong Hojilla higit na dapat na manguna sa anumang proyektong pangkaunlaran at katahimikan silang mga residente ng barangay dahil sa una sila ang nakatira dito at ikalawa anya sila ang makikinabang.


            Samantala sinabi ni Brgy Chairman Clet na naging mas magaan at madali para sa kanilang mga namumuno sa barangay ang pagmamantina ng kapayapaan at katahimikan dahilan sa presensiya hindi lamang ng mga kapulisan kungdi higit sa lahat ng mga kasundaluhan.  Kung noong una anya ay nagkaroon ng agam-agam ang mga residente sa pagdating ng mga sundalo, hindi naging mahirap para sa kanyang mga kabarangay na tanggapin at suportahan ang CMO Battalion dahil sa ipinakitang disiplina at sensiridad ng mga miembro nito.