News

TORRES HIGH SCHOOL SA TONDO MAINIT NA TINANGGAP ANG CMO BATTALION

Agnes Lopez Reano


        

           Mahigit sa tatlong libong first year hanggang fourth high school students kasama ang nasa dalawampung mga guro ng FLORENTINO TORRES HIGH SCHOOL sa Tondo, Manila ang dumalo at naging partisipante sa ginanap na Information and Awareness Drive ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION nitong ika-31 ng Hulyo sa covered court ng nasabing paaralan.

 

            Naisakatuparan ang information and awareness drive sa matiyagang pakikipag-ugnayan ni 1LT ELIEZER M BEJARIN at ng buong tropa ng 1st CODE Coy ng CMO Battalion sa Principal ng nasabing paaralan na si MS. ROSITA HERSON. Bagamat hiniling ni LT BEJARIN na maging partisipante ang 3rd at fourth year high school, hiniling naman ng Principal ng paaralan na mula na first year hanggang fourth year ang maging partisipante dahil umano sa nakikita nitong kahalagahan ng mga impormasyong matutuhan ng mga bata sa info drive.

 

            Pinangunahan ni CAPT MARIO JOSE CHICO, Operations Officer ng CMO Battalion ang speaker’s bureau team gayundin ang Technical Team sa pangunguna ni SGT NELSON SALAMATIN, PFC ZYRA WARIZA, SGT JOEVELIN MONTILLA at PFC JOJO GUERRERO.

 

           Sa welcome remarks ni MR JOE ROSARIO, HEAD ng MAPEH sinabi nito na hindi masama ang “aktibismo” kung ito ay gagamitin sa paglilinang ng kakayahan at talento ng isang estudyante, sa tamang paraan ng pagpapakita ng pagpapahalaga at pagmamahal sa bayan hindi sa mga maiingay na rali sa lansangan.  Binigyang diin ni Mr Rosario na malaking papel ang gagampanan ng mga kabataan at estudyante sa pag-unlad ng bayan.  Una umano nilang dapat gawin para makapag-contribute sa progreso ng bayan ay mag-aral ng mabuti upang makapagtapos at magkaroon ng magandang kinabukasan.

           

 

 

 

               

           Idinagdag pa ni Mr. Rosario na malaking tulong sa kanilang mga guro ang isinagawang info drive, gayundin taos puso silang nagpapasalamat sa pamunuan ng CMO Battalion dahil sa paglalaan ng oras ng mga ito upang makadaupang palad at makasalamuha ang kanilang mga estudyante. 

 

            Sinabi ng pangulo ng Student Council gayundin ng iba pang mga opisyal nito na mas naging bukas ang kanilang kaisipan at kamalayan sa tunay na kalagayan at sitwasyon ng bayan, sa kung papanong paraan silang mga kabataan makakatulong at higit sa lahat umano naging maliwanag sa kanila ang mga mapanlinlang na istratehiyang ginagamit ng mga prenteng organisasyon upang mahimok silang sumapi sa mga organisasyong wala namang magandang maidudulot at maitutulong sa pag-angat ng kanilang buhay.

 

            Ayon kay Vonn, 3rd year high school, inakala niya noong una na tunay na makabayan at makatao ang mga prenteng organisasyon ng mga estudyante, nanlumo umano siya sa mga nakitang video clip at ebidensiya na ang mga ito ang naging dahilan ng pagkasira ng pag-aaral ng maraming estudyante gayundin ng maaga nilang kamatayan.  Nangako si Vonn na hindi niya bibiguin ang kanyang mga magulang sa adhikain ng mga ito na makatapos siya ng pag-aaral.

 

            Samantalang sinabi naman ni Helen, isang fourth year student na tumatak sa kanyang isipan ang sinabi ni CAPT MARIO JOSE CHICO na hindi layunin ng kanyang mga magulang na siya ay pagkagastusan sa pag-aaral para lamang mamundok, humawak ng armas at sumama sa madugong digmaan.  Ayon kay Helen wala rin umano siyang layuning sumama sa mga grupong makakasira ng kanyang kinabukasan, hindi umano niya sasayangin ang kanyang sakripisyo sa pag-aaral, pagsusunog ng kilay at baon sa mga gawain ng mga ito.  Inamin din ni Helen na kung hindi sa mga lectures at testimonyang kanilang narinig aakalain talaga nilang para sa bayan ang adhikain ng mga prenteng organisasyon.  Dahil dito taos pusong nagpasalamat si Helen sa CMO Battalion dahil sa isinagawang info drive sa kanilang paaralan.