News

INFO DRIVE SA TALANAY AREA C NAGING DAAN NG PAGKIKITA NG DALAWANG DATING AMASONA

Agnes Lopez Reano


        

           Naging daan ng muling pagkikita at pagkaka-kumustahan ng dalawang babaeng dating miembro ng Bagong Hukbong Bayan ang information and awareness drive na isinagawa ng 3rd CODE Coy sa pamumuno ni CAPT FRANCIS BALAN.  Ginanap nitong ika-19 ng Abril ang info drive na dinaluhan ng humigit kumulang sa isang daang residente ng nasabing lugar. Sa matiyagang pakikipag-ugnayan at koordinasyon ni CPL ANGELITO D JAVIER, Team Leader ng 1ST SQUAD, 3RD PLATOON ng 3RD CODE COY matagumpay na naisakatuparan ang info drive. Sinubaybayan ni 1LT RICHARD LITO naging matagumpay at mabunga naman ang nasabing info drive.  Sa pangunguna ng mga lider ng iba’t-ibang organisasyon at samahang magkakapitabahay dumalo din ang marami sa mga kabataan ng nasabing barangay.

 

            Nagkitang muli at nagkakumustahan sina dating KA JUANA at KA TINA pagkatapos na maisagawa ang info drive.  Si KA JUANA ay dati ring estudyante sa Samar nang marekluta ng isang prenteng organisasyon na naging daan nang tuluyan niyang pag-akyat sa kabundukan at pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan.  Tatlong taong naging aktibong miembro si Ka Juana ng armadong grupo at naidestino sa lalawigan ng Sorsogon.  Anak ng isang ministro ng Iglesia ni Kristo, sinikap ng amang mailayo si Ka Juana sa mga kasamahan.  Tuluyan nang nagtago sa kamaynilaan at ngayon ay namumuhay ng tahimik kasama ang kanyang asawa at mga anak.  Ikinuwento pa ni Ka Juana ang mga hirap na kanyang naranasan kung kaya’t kusa na rin umano siyang kumalas sa armadong grupo at sinunod ang payo ng kanyang ama.  Binigyang diin ni Ka Juana na hindi siya kailanman magsisisi sa kanyang naging desisyon sa pagkalas sa hukbo dahil kung hindi umano siya nakinig sa kanyang ama ay hindi niya mararanasan ang magkaroon ng normal na pamilya.  Ipinagmamalaki ni Ka Juana na ngayon ay nararanasan niya ang kung ano ang magkaroon ng mga anak, mamuhay ng tahimik kasama ang kanyang asawa at maging produktibong miembro ng isang komunidad. Idinagdag pa ni Ka Juana na noon anya ay mga kuwento lamang ang mga bagay na ito subalit ngayon ay isang konkretong batayan na ng kuwento ang kanyang nararanasan at tatamasahin habang siya ay nabubuhay.

           Nagpa-abot din ng taos pasasalamat si MRS ALICE MONTARES, Purok Leader ng Talanay Area C sa buong pamunuan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pangunguna ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL.  Ayon kay Mrs. Montares malaking tulong ang pagkakataon na inilaan ng mga kasundaluhan ng 3rd CODE Coy sa pamamagitan ng info drive dahil alam nilang marami silang matututuhan hindi lamang umano sa mga kaganapan sa kanilang lugar kungdi sa buong bansa.

 

            Sinabi naman ng isang guro ng Batasan Hills National High School na nakilalang si            MS CHARO L DOLOM “bawat magulang ay dapat na makialam dahil ayon nga sa pambansang bayaning si GAT JOSE RIZAL ang mga kabataan ang pag-asa ng ating bayan”.  Idinagdag pa ni Mam Dolom na kung pababayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak ay “wala na tayong bayan”.  Sa pinal na sumasyon umano, pagbibigay diin pa ni Ms. Dolom “ang mga magulang pa rin ang aasahan ng mga kabataan.”

 

            Ikinuwento rin ni MS DOLOM na noong estudyante pa siya ay miembro din siya ng isang Soro Frat na kung saan mayorya umano ng kanyang mga ka-soro frat ay mga miembro din ng iba’t-ibang prenteng organisasyon ng mga kabataan.  idinagdag ni Ms Dolom na kung hindi makikipagtulungan sa kanilang mga guro at mga kasundaluhan ang mga magulang malaki ang posibilidad na marekluta rin ng mga komunistang kilusan ang kanilang mga anak at tuluyang mawasak ang kinabukasan.  Ayon kay Ms. Dolom base sa kanyang karanasan sa pagsapi ng Sorority SIYAMNAPUNG PORSIYENTO NG MGA KABATAAN DITO AY TALAGANG NARERECRUIT NG MGA PRENTENG ORGANISASYON NG BAGONG HUKBONG BAYAN LALO NA KUNG MAY ASSET O TALENTO ANG MGA BATA.   

 

            Pabiro ngunit malamang sinabi ni Ms Dolom na “sayang at wala ang mga tsismosa sa nasabing info drive dahil dapat presente sila at nakikinig sa mga impormasyong ibinahagi ng Speaker’s Bureau Team ng CMO Battalion “dahil magandang balita ang kanilang mapapakinggan at ang mga impormasyong kanilang matututuhan ay totoo at nangyayari sa tunay na buhay.”