News

INFO DRIVE SA PHILSCA, PASAY CITY INISYATIBA NG ALPHA PHI OMEGA

Agnes Lopez Reano



           Humigit kumulang sa isang daan at dalawampung (120) miembro ng ALPHA PHI OMEGA ang dumalo sa ginanap na Seminar on National Security Awareness sa mismong covered court ng PHILIPPINE STATE COLLEGE OF AERONAUTICS sa Pasay City nitong nakalipas na Miyerkoles ika-4 ng Pebrero. Ang nasabing seminar ay pinangunahan mismo ng APO at sa pakikipagtulungan ng PHILIPPINE AIRFORCE-PUBLIC INFORMATION OFFICE sa pangunguna ni LTC GERARDO ZAMUDIO at ng mismong pamunuan ng eskuwelahan sa pangunguna ng Presidente nito na si DR ENERICO SAMPANG at ENGR MINA, ang punong abala at adviser ng APO at ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL.


            Ayon kay Dr. Sampang higit kailanman ngayon dapat na magabayan ng tama ang mga kabataan dahil na rin sa mga naka-ambang  tukso sa mga ito kasama na dito anya ang pagsapi sa isang organisasyong maaring makasira sa kanilang pag-aaral at kinabukasan.  Binigyang diin ni Dr. Sampang na ang proyektong pinangunahan ng APO sa pangunguna nng pangulo nito, ni Engr Mina, PAF at CMO Bn ay napapanahon ay kailangang lubos na suportahan ng pamunuan ng lahat ng paaralan, kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila.  Sinabi ni Dr. Sampang na kung ang buong ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES ay naglalayong mabigyan ng tamang impormasyon ang mga kabataan marapat lamang anyang silang namumuno sa mga paaralan ang manguna dito at buong-buong makipagtulungan sa mga information drives na isinasagawa ng iba’t-ibang unit na nakadeploy sa kamaynilaan.  Dapat umanong maging balanse ang mga impormasyong matutuhan ng mga estudyanten hindi lamang ang napapatungkol sa akademya kundi maging sa mahahalagang aspeto ng kanilang buhay at higit sa lahat ng kanilang kinabukasan.

           Ayon naman kay Engr. Mina malaking bagay na ang kanilang kolehiyo ang mangunguna sa grupo ng mga kabataang maglilibot sa iba pang mga aeronautical schools sa buong Pasay.  Ang kooperasyon umano at pakikipagtulungan ng mga estudyante ng Philsca sa isinasagawang mga proyekto ng AFP particular na sa information and awareness drives  ay magsasakonkreto sa mahalagang papel ng mga kabataan na dapat nilang gampanan sa lipunang kanilang ginagalawan.  Ang pagsasapraktika umano sa pagmamahal sa bayan ay hindi lamang dapat na maituro sa mga estudyante kundi maisakatuparan ito ng mga kabataan upang maramdaman ng mga ito ang kanilang kahalagahan.


            Ayon sa ilang mga estudyanteng nakausap, ang mga impormasyon hinggil sa istratehiyang ginagamit ng mga prenteng organisasyon ay dapat na maipakalat sa iba pang mga paaralan upang maiwasan pa ang mga kinahinatnan ng mga kabataang tulad ni Katkat, Jobel at iba pang mga estudyante na nahimok at nalinlang at yumakap sa maling idolohiya na naging sanhi ng pagkasira ng kanilang kinabukasan at kamatayan. Idinagdag ng mga estudyante na maraming mapayapang paraan na maipakita ang pagsisilbi at pagmamahal sa bayan na hindi na kailangang humawak pa ng armas.


            Nagpasalamat ang liderato ng APO at Philsca sa Philippine Air Force PIO at CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION dahil sa patuloy at tapat na pagseserbisyo sa bayan at pagpapahalaga sa mga kabataang Pilipino.