Mahigit sa 55 estudyante ng fourth year sa Makati Science High School ang naging partisipante ng kauna-unahang information drive na isinagawa ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION nitong nakalipas na Biyernes, ika 28 ng Nobyembre 2008. Pinangunahan ni CAPT MARIO JOSE CHICO, Operations Officer ng CMO Battalion ang Speaker’s Bureau team kasama sina Lt. Gano, TSgt Nelson Salamatin at PFC Joseph Mendoza at isang rebel returnee. Layunin ng nasabing information drive na ibahagi sa mga estudyante ang mga estratehiyang ginagamit ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan upang makahimok ng mga kabataang lalahok at magiging kasapi ng kanilang mga organisasyon.
Ayon kay MRS GONSALEZ, Guidance Counselor ng nasabing paaralan napapanahon at napakahalaga ang isinasagawang information drive ng CMO Battalion lalo’t sa kasalukuyan ang karamihan umanong nakikita sa mga kilos protesta sa mga lansangan ay mga kabataan. Ipinaliwanag din ni Mrs Gonzales sa mga estudyante na hindi lamang ang pakikidigma ang papel ng mga kasundaluhan kundi mas pangunahin umano dito ay ang pagiging “tulay ng pagkakaunawaan”, “daan ng kapayapaan”, at higit sa lahat “instrumento ng kaunlaran at progreso ng bayan”. Ipina-abot din ni Mrs. Gonzales sampu ng mga pinuno ng Makati Science High School ang kanilang taos pusong pasasalamat kay COL BUENAVENTURA C PASCUAL, commander ng CMO Battalion dahilan sa umano ay walang sawa nitong pag-gabay sa kanyang mga opisyal at tauhan na naka-deploy sa Metro Manila na siyang nagiging daan naman umano na makita ng mga sibilyan ang kabilang mukha ng mga kasundaluhan, ang DISIPLINADONG KAWAL PILIPINO.
Binigyang diin ni Mrs. Gonzales na kung hindi pinagtuunan ni COL PASCUAL ang proyektong “information and awareness drive” ay hindi mababawasan ang mga kabataan na maaring mahimok na sumapi sa mga organisasyon sa halip na sa paaralan dalhin ang mga kabataan ay sa lansangan ang mga ito dinadala na sa kalaunan ay nagiging daan naman ng pag-akyat sa kabundukan. Ang mailayo o mailigtas sa tuluyang pagkasira umano ng buhay at walang saysay na kamatayan ng mga kabataan ang siya umano niyang nakikitang pangunahing obhetibo ng information drive ng CMO Battalion.
Ayon naman sa isang estudyante na kinilalang si Karl, marami umano siyang natutuhan sa nasabing info drive, pangunahin umano dito ay ang maging mapanuri sa mga sasalihan niyang grupo. Ayon kay Karl kung nagawa umano ng mga sundalo ng CMO Battalion na maibahagi sa kanilang mga estudyante ang mahahalagang impormasyon ng panlilinlang ng mga komunistang kilusan, dapat lamang umano niyang maipasa ang mga impormasyong ito sa kanyang mga kaibigan, kapatid, kapitbahay at maging sa iba pang estudyante ng Makati Science HS na hindi nakadalo sa nasabing aktibidad gayundin sa iba pang mga estudyante sa iba pang paaralan. Binigyang diin ni Karl na ang pagpapasa o pagpapakalat ng mga impormasyong kanilang natutuhan hinggil sa mga panlililinlang ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan ang dapat na maging papel ng mga estudyanteng nabahaginan na nito upang tuluyan nang bumaba ang bilang ng mga kabataang umaakyat sa kabundukan at nasisira ang pag-aaral at kinabukasan. Malungkot ding ipinahayag ni Karl na tulad ng kanyang nakikita sa mga prenteng organisasyon ay hindi naman pala ito umano ang tunay na mukha ng mga grupong ito. Idinagdag pa ni Karl na ang nakakapanlumo lamang dito ay ang katotohanang nakikita nila sa media ang mga kilos protesta sa lansangan na may mga nagsasalitang lider kabataan na laging sigaw ay para sa bayan, at pagkatapos ay matutuklasang ang mga lider kabataan ding ito umano ang siyang nagiging daan ng pagkawasak ng kinabukasan at buhay ng isang estudyante.