“Mahalagang maiparating sa hanay ng mga estudyante ang tamang impormasyon upang hindi maligaw ang mga ito sa pagsagawa ng tamang desisyon” ito ang ginawang sumasyon ng isang lider estudyante ng TIP Quiapo na kinilalang si “Yaki”. Ayon kay Yaki naniniwala siyang ang bawat kasaysayan higit sa lahat isyu ng bayan ay may dalawang mukha. Makatarungan lamang umanong maipakita sa mga kabataan ang “dalawang mukha” na ito upang maging makatuwiran at balanse ang isasagawang desisyon ng bawat indibidwal. Ang sinuman anyang indibidwal o grupo na magbibigay ng dalawang mukha ng tunay na pangyayari ay masasabing sinsero ang konserna at pagmamalasakit sa mga kabataan. At ito anya ang kanyang nakita sa isinagawang “info drive’ ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION nang isagawa nito ang aktibidad kasabay ng pakikipagdiyalogo sa kanilang mga lider kabataan noong ika-11 ng Nobyembre 2008.
Sa tulong ni MS.MELFI CARANTO ng Student Services Office at at MR. MAVEL ALEJO, chief ng Security Department ng TIP Quiapo matagumpay na naisakatuparan ng CMO Battalion Speaker’s Bureau Team sa pangunguna ni CAPT MARIO JOSE CHICO ang pakikipagdiyalogo sa mga lider estudyante ng nasabing paaralan.
Binigyang diin naman ng isa pang lider estudyante na kinilalang si “Rowena” na hindi lamang malaking tulong sa kanila ang info drive kundi mahalagang impormasyon ang nadadagdag sa kanilang kaalaman na magsisilbi nilang kalasag sa mga mapanlinlang na samahan. Ayon kay “Rowena” hindi tamang sabihin sa namumuno ng CMO Battalion na si COL BUENAVENTURA C PASCUAL na “maraming salamat” kundi mas marapat umanong sabihing “isang malaking utang na loob” nilang mga lider estudyante ang patuloy na pag-iikot sa mga paaralan ng CMO Battalion Speaker’s Bureau Team upang maibahagi ang mga mapanlinlang na istratehiyang ginagamit ng mga organisasyon sa paghimok sa mga kabataan
Ayon kay Rowena nakita umano nila ang kahalagahan ng impormasyong naibahagi sa kanila lalo na umano ng isang tanong ang naipukol sa kanila ni CAPT MARIO JOSE CHICO kaugnay sa sino sa kanilang mga partisipante ang nag-enroll na ang pinal na obhetibo ay ang sumapi sa isang grupo na magdadala sa kanila sa kabundukan at magiging resulta ng kanilang kapahamakan. Mas lalo din anyang naging malinaw para sa kanya nang idagdag pa umano sa tanong na ito ni Cpt. Chico na kung sino sa kanilang mga magulang ang nagpa-aral ng kanilang mga anak, gumastos ng malaki na ang layunin lamang anya ay sumama sila sa mga grupong magdadala sa kanila sa kabundukan na tuluyang sisira sa kanilang pag-aaral at magwawasak ng kanilang kinabukasan.
Ayon kay Yaki at Rowena mahalagang maiparating din sa kanilang mga magulang ang impormasyon at makuha ang kanilang partisipasyon sa ginagawang pagsisikap ng CMO Battalion na mailigtas sa tiyak na kapahamakan ang mga kabataan. Mahalagang papel naman dapat umano ang gagampanan ng mga opisyal ng paaralan at guro upang ang mga estudyante ay hindi mabitag ng matamis na dila ng mga prenteng organisasyon ng mga kabataan.
Matapang na nanawagan si Yaki sa mga lider kabataan ng mga prenteng organisasyon na kung nais nilang baguhin ang lipunan at ang pamahalaan dapat umanong mas unang tutukan ng mga ito ang kanilang pag-aaral, makapagtapos at makahanap ng magandang trabaho, dahil sa pamamagitan umano nito, malaking hakbang na ang naisagawa ng isang kabataan tungo sa pagbabago at pag-unlad ng kanyang lipunang ginagalawan.
Dinaluhan ng humigit kumulang sa 25 lider estudyante ng TIP Quiapo ang info drive gayundin ng ilang guro. Nangako naman ang ilang lider na isa sa kanilang mga proyekto para sa taong kasalukuyan ay ang makapagsagawa ng isang malaking info drive sa kani-kanilang mga departamento upang maibahagi din ang impormasyon sa hanay ng mas malawak na kabataan.