Pinabaunan ng Emilian clap ang tropa ng Speaker’s Bureau ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION nang magsagawa ang mga ito ng information and awareness drive sa nasabing unibersidad nitong ika-8 ng Agosto na dinaluhan ng apat na raan at labing siyam (419) na first year college students na naka-enroll sa NSTP o National Service Training Program.
Naisakatuparan ang nasabing info drive base na rin sa kahilingan ng pamunuan ng nasabing unibersidad sa pamamagitan ng NSTP Director nito at Asst NSTP Director na si MS ROSE LEGASPI. Bagamat hindi nakadalo ang Presidente na si DR JOSE PAULO E CAMPOS, mainit namang tinanggap ng NSTP Coordinator ng EAC-Cavite na si MRS CORAZON RAMIREZ ang Speaker’s Bureau Team ng CMO Battalion sa pangunguna ng Operations Officer nito na si CAPT MARIO JOSE CHICO, kasama ang Asst Operations Officer na si 2LT WINNIE REBLORA at Asst CMO Officer 2LT CECIL SOMBONG. Naunang naisagawa ang katulad na aktibidad sa EAC-Malate Campus nitong nakalipas na buwan na kung saan nakita ng pamunuan ng paaralan ang kahalagahan ng mga impormasyong naibabahagi sa mga estudyante kung kaya’t hiniling din na maisagawa ito sa Cavite Campus.
Sa welcome remarks ni Mrs Ramirez binigyag diin nito na malaki ang kanilang ipinagpapasalamat sa CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION na pinamumunuan ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL dahil alam umano nilang mga guro na mamumulat sa tamang pananaw ang mga Emilians. Binigyang diin ni Mrs. Ramirez na tiyak na magiging gabay ng kanilang mga estudyante ang kanilang mga matutuhan sa nasabing info drive hindi lamang sa kanilang mga makakasalamuhang tao higit sa lahat anya sa mga grupong maaring manghikayat sa kanila.
Matapang namang inamin ng isang estudyanteng babae na sa kasalukuyan siya ay miembro na ng League of Filipino Student o LFS, pero binigyang diin ni “WILMA” na hindi na siya dadalo pa sa anumang mga pagpupulong, seminars o kahit na anong activity nito sa mga susunod na panahon. Sapat na umano ang kanyang naunwaan sa ipinaliwanag ni CAPT CHICO at napanood na mga video clips para magdesisyong tuluyan nang putulin ang koneksiyon sa nasabing organisasyon. Sumapi lamang umano siya sa nasabing grupo dahil sa kagustuhang maging isang “kabataang may pakialam” pero kung ang pakikialam umanong iyon ang magiging dahilan ng pagkasira ng kanyang pag-aaral, pagkawasak ng kanyang buhay at pagkasira ng kanilang pamilya, sinabi ni Wilma na dapat umano niyang unang pakialaman ang magiging kahihinatnan ng kanyang buhay at pag-aaral. Ayon kay Wilma sang-ayon siya na napakahusay talagang mambitag ng mga miembro ng mga prenteng organisasyon, dahil kung magsalita ang mga ito animo mga totoong may konserna sa kinabukasan ng mga kabataan. Idinagdag pa ni Wilma kung totoong may konserna ang mga ito dapat na hindi hinihimok ang mga estudyante na umakyat ng bundok, humawak ng armas at sumama sa madugong pakikipaglaban.
Ang mga estudyanteng dumalo sa info drive ay mula sa College of Nursing, Education, Vocational Technology, Hotel and Restaurant Management, Psychology, Criminology, Engineering, Business Administration, Computer Science at Communications. Mayorya sa mga enroll sa criminology ay nagsabing malaking tulong sa kanila ang mga impormasyong kanilang natutuhan dahil sa linya ng kanilang trabahong mapupuntahan sa oras na sila ay maka graduate sa kolehiyo. Ayon sa isang estudyante nito na nagpakilalang si “CALBS” ang kanyang mga natutuhan ay hindi nababasa sa anumang libro at hindi rin umano basta-basta nareresearch sa kung saan, kung kaya’t malaking tulong talaga sa kanya bilang isang criminology student, at nagpapasalamat umano siya sa CMO Battalion dahil sa effort nitong makarating sa kanilang paaralan sa kabila umano na ang sakop lamang ng unit ay ang buong kamaynilaan. Ayon kay Calbs napatunayan niyang totoo nga palang walang boundary ang paglilingkod ng mga kasundaluhan. Idinagdag pa ni Calbs na tiyak na ang pagsusundalo ang kanyang pipiliing propesyon sa oras na maka-graduate siya sa college.
Binubuo naman ang Speakers Bureau Team ng CMO Battalion nina SSG NELSON SALAMATIN, SGT JOEVELIN M MONTILLA, SSG PABLO LAGARTO, at PFC ZYRA WARIZA.