News

INFO DRIVE NG CMOBN SA CITY COLLEGE OF MANILA DINALUHAN NG MAYORYA NG NSTP STUDENTS

Agnes Lopez Reano



         Humigit kumulang sa isang libo tatlong daang (1,300) kabataang enrolled sa National Service Training Program ng CITY COLLEGE OF MANILA ang dumalo sa ginanap na information drive ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pangunguna ng Operations Officer nito na si CAPT MARIO JOSE CHICO, Asst Operations Officer LT GLENDA GANO, at meimbro ng Technical Team sa pangunguna ni TSGT NELSON SALAMATIN at PFC ZYRA WARIZA.  Ginanap ang Info Drive sa Justice Cecilia Munoz Palma Hall nitong ika-23 ng Enero taong kasalukuyan. 


          Naisakatuparan ang info drive dahil na rin sa ginawang lubusang pakikipagtulungan ng NSTP Director ng CCM na si MR JOEL CAM at Asst NSTP Coordinator MR SHAN DAVE TUPAZ. Dumalo din ang ilang guro ng nasabing kolehiyo particular na ang mga guro ng NSTP. Nagkaroon ng dalawang sesyon ang info drive, isa sa umaga na humigit kumulang sa 600 estudyante ang dumalo at isa sa hapon na higit pa sa apat na raang (400) estudyante ang presente. Layunin ng nasabing info drive ng CMO Bn sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL na ipaliwanag sa mga estudyante ang proseso ng pagrerekluta ng mga prenteng organisasyon ng CPP-NPA-NDF, ang hakbang-hakbang na prosesong dadaanan ng mga kabatan hanggang sa tuluyan nang umakyat ang mga ito sa kabundukan.

 

          Naging interesante ang mga kaalamang ibinahagi ni CAPT MARIO JOSE CHICO at nang isang Rebel Returnee na kung saan ayon kay Sheila, kumukuha ng kursong Physical Therapy, ay magiging gabay nila sa kanilang pag-aaral at higit sa lahat sa pagsapi nila sa mga organisasyong humihimok sa kanila. 

         Kinumpirma din ni Shiela, taga Leyte na inalok siyang dumalo ng oryentasyon ng grupo ng LFS , na kung saan anya ay nagpulong malapit sa kanilang paaralan nitong nakalipas na araw na Martes.  Ayon naman kay Marjorie, nakatanggap na rin siya ng mga leaflet ng Anakbayan at League of Filipino Students (LFS) at nakatakda na rin siyang pumirma ng application form ng mga grupong nabanggit. 


         Pinagtuunan din ng pansin ng mga estudyanteng nagtanong sa open forum ang proseso ng pagrerekluta, mga palatandaan na nirerekluta na sila, antas-antas na pagbabago nang kanilang estado sa organisasyon at iba pang mahahalagang kaalaman at impormasyon hinggil sa CPP-NPA-NDF RECRUITMENT na matagal nang nangyayari sa mga paaralan hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong kapuluan. 


          Binigyang diin ni CAPT MARIO JOSE CHICO na hindi layunin ng info drive na pagbawalan ang mga kabataan na sumapi sa anumang organisasyon, kundi ang adhikain nito ay upang maging mapanuri, mapag-aral, mapag-obserba at mapag-analisa ang mga estudyante.  Ayon kay CAPT MARIO JOSE CHICO wala ni isa mang magulang ng mga mag-aaral sa CCM ang nagpa-aral ng kanilang anak sa nasabing paaralan na ang layunin ay umakyat ang mga ito sa bundok at humawak ng armas.


         Sa sesyon naman ng hapon, naging mabunga din ang ginanap na open forum dahil itinuon din ng mga estudyante ang kanilang pagtatanong sa proseso ng pagrerekluta.  Nagkakaisang nanawagan ang mga estudyante sa mga namumuno ng mga prenteng organisasyon na sa halip na sila ay rekrutin at dalhin sa bundok at isama sa mga labanan tulungan na lamang umano silang makapagtapos ng kanilang pag-aaral upang magkaroon umano sila ng magandang kinabukasan.


          Ayon kay MR JOEL CAM sa susunod na pasukan ng klase ay isasagawa na ng mas maaga ang information drive upang hindi na makahikayat pa ang mga nasabing grupo.  Ayon sa isang estudyante na kinilalang si Aida na taga Sorsogon malaking tulong umano ang mga impormasyong kanilang natutuhan sa pagpupulong.  Ipinaabot din ni Aida ang kanyang pasasalamat sa mga kasundaluhan ng CMO Bn dahil sa pagsisikap ng mga ito na maibahagi ang mga dagdag kaalamang kanilang natutuhan.