News

INFO DRIVE SA Q.C. POLYTECHNIC UNIVERSITY SINUPORTAHAN NG SOCIAL SCIENCE DEPARTMENT

Agnes Lopez Reano



          Pinatunayan ng mga faculty member ng QUEZON CITY POLYTECHNIC UNIVERSITY (QCPU) sa Novaliches, Q,C na higit nilang pinahalagahan ang mga impormasyong ibinabahagi ng mga kasundaluhan sa patuloy na isinasagawang info drive ng HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong kapuluan. Ang patunay ay hindi lamang nakita kundi naramdaman hindi lamang din ng mga estudyante kundi ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION na nagsagawa ng Counter Insurgency Seminar sa nasabing paaralan nitong ika-25 ng Pebrero. Ang pagpapahalaga ay ipinakita ng buong pamunuan ng QCPU sa mainit na pagsalubong na ibinigay sa team ng CMO Bn nang dumating ang mga ito sa unibersidad at sa iginawad na Certificate of Appreciation.

 

            Kapansin-pansin ang pagiging polido ng programa mula sa umpisa hanggang sa open forum na kung saan naging maayos at sistematiko ang lahat.  Ayon kay MR SANTIAGO FLORA, Acting Vice President for Academic Affairs ng nasabing unibersidad walang maidudulot ang mga kilos protesta na kung saan sinasamahan ng mga estudyante, bagkus anya ito ay pagsasayang ng mahalagang panahon at talento ng mga kabataan.  binigyang diin ni Mr. Flora na hindi masama ang aktibismo kung ito ay naidadaloy o naisasakatuparan sa mga kapaki-pakinabang na gawain sa panig ng mga estudyante.  Inamin ni Mr. Flora na siya man ay naging bahagi din ng isang prenteng organisasyon noong panahon ni Marcos subalit nang mapansin na umano niyang naapektuhan ang kanyang pag-aaral ay kusa na rin siyang tumigil sa pagsama-sama sa mga ito.  Inulit ni Mr. Flora na ang aktibismo ng mga kabataan ay mas maganda kung magagamit sa pagtutok nila sa kanilang pag-aaral, pag-gampan sa responsibilidad nila bilang mga mabubuting anak at pagiging isang matinong mamamayan ng ating bayan.

 

            Naging lubos din ang suportang ibinigay ni DR OFELIA CARAGUE, Presidente ng QCPU sa CMO Battalion’s Speaker’s Bureau  sa pangunguna ni CAPT MARIO JOSE CHICO, LT GLENDA GANO, kasama ang Tech Com sa pangunguna ni TSGT NELSON SALAMATIN, PFC ZYRA MARIZA, PFC EVANGELINE FERNANDO at PFC RANILO CONSTANTE at isang rebel returnee.  Naisakatuparan ang info drive dahil sa matiyagang pakikipag-koordinasyon ni CAPT MARIO JOSE CHICO, Operations Officer ng CMO Bn kay MS ADELAIDA VELASCO, Social Science Professor.      

          Ayon sa isang estudyante na nagpakilalang si “Myra” marami silang natutuhang mahahalagang impormasyon sa briefing ni CAPT CHICO.  Sa pamamagitan umano ng mga paliwanag ng nasabing opisyal naging malinaw sa kanila na ang pangunahing dahilan kung bakit sila pinapa-aral ng kanilang mga magulang ay upang makatapos at magkaroon ng magandang kinabukasan.  Sinang-ayunan naman ng isa pang estudyante na nagpakilalang si “Joel” na walang maidudulot na maganda ang pagsama-sama sa mga protestang isinasagawa ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan.  Bukod sa masisira na umano ang kanilang pag-aaral maari pa umano itong maging dahilan ng kanilang pag-aakyat sa kabundukan na siguradong wawasak sa kanilang pamilya at pagkabuwis ng kanilang buhay.

 

            Humigit kumulang sa dalawang daang (200) estudyante hindi lamang ng Social Science Department ang dumalo kundi ng iba pang mga mag-aaral ng nasabing paaralan ang info drive. Ayon kay DR. CARAGUE sa unang pagkakataon umano ay nakita nila ang lubos na partisipasyon ng mga estudyante sa isang seminar, patunay umano nito ay ang maraming pagdalo at hindi pag-alis sa kanilang kinauupuan.  Binigyang diin ni Dr. Carague na naging napaka-interesante sa mga estudyante ang tema ng seminar dahil buhay nila ang tampok dito. Naging mabunga naman ang open forum na kung saan pinagtuunan ng pansin ng mga kabataan ang paghingi ng ilan pang tips sa kung papano nila maiiwasan ang mga prenteng organisasyon, gayundin sa kung ano ang mga palantandaan na sila ay nasa punto na ng pagrerekluta ng mga ito. Ayon naman sa isa pang professor dapat na suportahan ng pamunuan ng mga kolehiyo, unibersidad at paaralan ang pagsisikap ng CMO BATTALION dahil kinabukasan ng mnga kabataang estudyante ang layunin ng mga kasundaluhan.  Wala naman anyang masama sa adbokasiya ng unit na “MANATILI ANG MGA KABATAAN SA LOOB NG PAARALAN, MAG-ARAL, MAKATAPOS UPANG SA GAYUN MAGKAROON NG MAGANDANG KINABUKASAN.”
 
            Taos pusong nagpasalamat naman si MR FABIAN T. AVILA JR, Head ng Social Science Department  sa CMO Battalion sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL sa pagsasabing mas nagiging epektibo ngayon ang ginagawang pagtugon ng buong SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS sa problema ng insurhensiya sa bansa.  Mainam umanong kausapin na lamang ang mga estudyante at pagpaliwanagan upang sa gayon mahadlangan ang pagsapi ng mga ito sa mga prenteng organisasyon at pag-akyat sa kabundukan.

 

                "CLICK to enlarge SLIDESHOW"