Walang takot na inamin ng isang estudyante ng CECILIA MUNOZ PALMA HIGH SCHOOL sa Payatas B, Quezon City na kasalukuyan silang nirerekrut ng mga miembro ng ANAKBAYAN upang sumapi sa kanilang organisasyon. Ayon sa isang estudyante na nagpakilalang si “RAYMOND” madalas silang puntahan ng mga miembro ng prenteng organisasyon na Anakbayan at pilit na niyayang sumama sa mga papulong na isinasagawa ng nasabing grupo.
Nauna dito, nagkaroon ng kaliwanagan sa isipan ng mga kabataang estudyante kung ano ang tunay na mukha ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan matapos na maisakatuparan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL ang information and awareness seminar on National Security and Insurgency Situation sa nasabing paaralan nitong nakalipas na ika-24 ng Pebrero na kung saan dinaluhan ito ng mahigit sa isang libong third year at fourth year students.
Sa pangunguna ng Operations Officer ng CMO Bn na si CAPT MARIO JOSE CHICO, kasama sina LT GLENDA GANO, PFC ZYRA WARIZA, TSGT NELSON SALAMATIN, PFC EVANGELINE FERNANDO AT PFC RANILO D CONSTANTE naisakatuparan ang info drive sa tulong na rin ng Principal na si MS. JUANITA ALAJAR. Ayon sa isa pang estudyante na nagpakilalang si “Ramil” naging maliwanag sa kanilang mga kabataan ang layunin ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan lalo na nang tanungin umano sila ni Capt Chico sa kung sino sa kanilang mga estudyante ang nag-enrol sa paaralan upang ang layunin lamang ay umakyat ng kabundukan at maging bahagi ng madugong digmaan. Binigyang diin ni Ramil na nakita nila ang kahalagahan ng mga kabataan sa pagsusulong ng madugong rebolusyon na dapat naman ay hindi sila bahagi.
Ayon naman sa isa pang estudyante na nakilalang si “Hazel’ lubos silang nangangailangan ng tamang impormasyon kung kaya’t tamang-tama lamang na naisakatuparan ang info drive ng CMO BN. Nanawagan din si Hazel sa mga kapwa niya estudyante na kailanman ay hindi dapat na sumama sa anumang grupo ang mga kabataan lalo pa nga kung ang grupong ito ay tiyak na makasisira ng kanilang kinabukasan, dapat umano silang maging “observant”, maging maingat at matutong pahalagahan ang sarili at huwag sayangin ang oportunidad na ibinigay ng kani-kanilang mga magulang upang makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan. Lubos na nagpasalamat si Hazel sa CMO BATTALION dahil nalaman umano nila kung anu-ano ang mga grupong dapat nilang iwasan. Muling binigyang diin ni Hazel ang kanyang panawagan sa mga kabataan na “walang magandang maidudulot sa kanilang buhay ang pagsama o pagsapi sa mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan, masasayang lamang umano ang kanilang oras, panahon at talento sa mga walang kuwentang ginagawa ng mga grupong ito. Ayon pa kay Hazel mas mainam na pagtuunan na lamang ng pansin ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral upang makatapos at magkaroon ng magandang kinabukasan nang sa gayun anya ay makatulong sa kanilang pamilya.
Iisa ang pananaw ng mayorya sa mga estudyanteng naging partisipante sa info drive hinggil sa mga prenteng organisasyon, na walang maidudulot na maganda ang mga ito sa kanilang buhay. Ang ginagawang pagrerekrut umano ng mga ito sa kanilang hanay ay siguradong makasisira lamang ng kanilang kinabukasan at kung mamalasin pa umano ay siyang magiging dahilan ng pagkabuwis ng kanilang buhay sa isang labanang hindi naman dapat kasangkot ang mga kabataan. Sa pangunguna ni Ramil nanawagan ang mga estudyante ng Cecilia Munoz Palma High School sa mga lider ng prenteng organisasyon na sa halip na sila ay gamitin at lokohin, tulungan na lamang umano silang magkaroon ng magandang kinabukasan. Iitsapuwera umano sila sa mga isyung hindi naman sangkot ang mga kabataan sa halip anya ay gabayan silang tahakin ang tama at mabuting kaugalian o asal.