Malugod na sinuportahan ng pamunuan ng Mababanaba High School sa San Jose, Tarlac sa pangunguna ng Teacher-In-Charge nito na si MRS NORMA B MARCELO ang information and awareness drive na isinagawa sa kanilang paaralan ng 701st INFANTRY BRIGADE sa pamumuno ni COL GOMINTO B PIRINO sa pakikipagtulungan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa ilalim ng liderato ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL nitong ika-24 ng Marso. Dinaluhan ng humigit kumulang sa dalawang daang (200) estudyante na mula first year hanggang fourth year ng nasabing paaralan.
Ayon kay Mrs. Marcelo malaking bagay at tulong para sa kanilang mga guro ang isinasagawang paglilibot ng mga kasundaluhan sa lahat ng paaralan hindi lamang sa kanilang bayan kungdi sa iba pang lugar sa buong bansa. Binigyang diin ni Mrs. Marcelo na karaniwan nang nahihikayat ang mga kabataang estudyante dahil sa pagiging adbentoruso ng mga ito at kuryosidad sa mundong kanilang ginagalawan. Mas marami pa umanong magiging biktima ang mga prenteng organisasyon kung hindi ipapaalam at ituturo ng mga kasundaluhan ang mga mapanlinlang na istratehiya sa pagrerekluta ng mga grupo ng komunistang kilusan. Ang mga impormasyon umanong natutuhan nila sa info drive ay hindi karaniwan nang natutuhan at napag-aaralan sa silid aralan na ultimo silang mga guro ay hindi rin alam kung kaya’t malaking tulong ang nasabing symposium.
Ayon naman sa isang fourth year student na nagpakilalang si “Danica” na naninirahan sa Brgy. Maraot, San Jose, Tarlac siya man ay muntik nang mahikayat ng isang grupo ng mga armado noong siya ay nasa second year level pa lamang. Madalas umano silang abangan sa kanilang pag-uwi at dito ay binibigyan ng pag-aaral. Nang Makita umano niyang iba na ang kanilang pinupuntahan ay kusang kumalas na rin siya sa grupo dahil nakikita niyang walang magandang maidudulot ito sa kanyang pag-aaral.
Ang info drive ay sa pangunguna ni LT ERANIO VILLAMEL kasama ang team ng 1st CMO Coy ng 7th CMO BATTALION at speaker ng CMO Battalion. Ipina-abot ni LT VILLAMEL ang taos pusong pasasalamat sa pamunuan ng Mababanaba High School lalo na sa principal nito na si MR. ARMANDO C ILDEFONSO.
Ayon kay MRS DIVINA BONDOC guro ng nasabing paaralan dapat na maging regular nang bahagi ng oryentasyon para sa mga estudyante sa tuwing pasukan ang information and awareness drive ng mga kasundaluhan lalo na sa mga papasok na first year high school. Binigyang diin ni Mrs. Bondoc na mas mainam pa rin ang mabigyan ng sapat na paalala ang mga estudyante lalo na sa mga sasalihan nilang organisasyon hindi lamang sa loob ng paaralan kungdi sa komunidad man na kanilang ginagalawan.
Sa pamamagitan ng pamunuan ng Mababanaba High School Student Supreme Council ipina-abot ng paaralan ang kanilang taos pusong pasasalamat sa pamunuan ng NORTHERN LUZON COMMAND sa pamumuno ni LGEN ISAGANI CACHUELA gayundin sa HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS dahil sa pagmamalasakit ng mga ito sa mga kabataang estudyante.
Ang info drive ay bahagi ng non-traditional roles na ngayon ay ginagampanan ng mga sundalo sa pagtugon sa communist insurgency problem ng bansa. Ayon pa sa isang estudyanteng nakilalang si “Marian” mas nauunawaan na nila ngayon ang responsibilidad at higit sa lahat sakripisyo ng isang kawal Pilipino na mas pinili na ilaan ang buhay sa paglilingkod sa bayan. Sinabi ni Marian na dahil sa nakita niyang magandang ehemplo sa mga sundalong nagpunta sa kanilang paaralan nabuhay na muli ang kanyang pangarap na maging sundalo. Ayon kay Marian nakita niya ang pagsasakripisyo ng mga kasundaluhan hindi lamang ng kanilang mha sarili gayundin ng kanilang mga pamilya. Nagpapasalamat umano siya at nabigyan siya ng pagkakataon na makadaupang-palad ang mga sundalo dahilan upang mabuksan ang kanyang isipan sa paghihirap ng mga ito mapaglingkuran lang ang bayan.