“Pinangakuan kaming babayaran ng P1,500.00 sa huling rally na sinamahan namin na ang nanghikayat sa aming sumama ay lider ng Gabriela, pero P100.00 lang ang natanggap namin.” Ito ang matapang na rebelasyon ni PHOEBE GRACE PAGAYON, isang ginang na may tatlong anak at kasalukuyang naninirahan sa Taniman Area, Talanay B, Brgy Batasan Hills, Quezon City. Ayon kay Phoebe isang araw bago ginanap ang rally ng nakalipas na buwan ng nasabing prenteng organisasyon sa harap ng Kongreso sa Batasan, inipon sila ng lider ng Gabriela at pinangukuan na babayaran ng isang libo limang daang piso, pitong kilong bigas, pitong lata ng sardinas at pitong pakete ng instant noodles. Subalit matapos ang rally na kung saan nauwi sa kaguluhan, nauwi din sa wala ang pangako, ang bigas, sardinas at noodles ay naging isang kilo, isang latang sardinas at isang pakete ng noodles at ang P1,500.00 ay naging isang daang piso.
Nangyari ang pagbubulgar matapos na isagawa ng team ni LT JAYLAULA JAITULAH sa ilalim ng 3rd CODE Coy sa pamumuno ni MAJ WILLIAM TABAS ang isang information and awareness drive sa nasabing lugar nitong nakalipas na linggo. Bago ang info drive, isinagawa ng 3rd CODE Coy and isang feeding program sa pakikipagtulungan ng Sangguniang Kabataan at ng Barangay Councils kasama si Mam Dory na admin officer ni Kapitan Ranulfo Ludovica na kung saang daan-daang kabataan sa nasabing lugar ang nakinabang.
Lumutang ang nasabing insidente matapos na tanungin ng rebel returnee na isa sa mga tagapagsalita ng Speaker’s Bureau ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pangunguna ni CAPT MARIO JOSE CHICO ang mga nagsidalo kung sino na ang nakarinig sa rally o demonstrasyon ng command na “isang hakbang pasulong”. Dalawang ginang ang agad na nagtaas ng kamay, isa na nga rito si Phoebe Grace Pagayon. Ayon kay Aling Phoebe narinig niya ang command sa isang rally sa Sandiganbayan samantalang ang isa pang ginang ay nagsabi na narinig niya ito sa isang demonstrasyon sa Mendiola. Binigyang diin ng dalawang ginang na matapos isigaw ng isang lider ng prenteng organisasyon ang atas ay bigla na lamang nagkagulo, nagkahatakan, at nagkahabulan na umano sila ng mga pulis.
Ayon kay Aling Phoebe totoo lahat ang ibinahaging impormasyon ng Speakers Bureau ng CMO Battalion. Binigyang diin ni Aling Phoebe na malaking tulong sa kanilang mga mahihirap sa kamaynilaan ang isinasagawang info drive ng CMO Battlion sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL. Malaking utang na loob umano nilang tatanawin sa mga kasundaluhan ang mahahalagang impormasyong kanilang natutuhan sa nasabing info drive. Ayon pa kay Aling Phoebe, hanggang sa pag-gamit lamang sa kanilang mga mahihirap ang alam ng Gabriela dahil noong lumapit umano siya para sa kanyang anak na may Meningitis ay tinanggihan siyang tulungan ng grupo dahil sa umano ay hindi naman daw siya lehitimong miembro ng Gabriela. Ayon kay Aling Phoebe, nangangahulugan umanong mahalaga lamang sila sa grupo kung ang mga ito ay maglalatag ng panggugulo sa gobyerno. Idinagdag pa ni Aling Phoebe na nang lumapit siya sa grupo upang humingi ng tulong medical para sa kanyang anak na may sakit sinabi umano na hindi sila miembro ng grupo gayong madalas silang magamit ng mga ito sa mga kilos protesta at ang masakit pa umano nito ay silang mga narerecruit ang nakapronta sa mga ralling ito na kung saan madalas sila din ang napapasubo sa gulo.
Ayon pa kay Aling Phoebe dinagdagan pa ng Gabriela ang kanilang paghihirap nang sabihin umano sa kanila ng recruiter na yung P1,400.00 ay puntahan na lamang sa opisina nito sa kahabaan ng Commonwealth. Ang hindi umano niya matanggap ay nang puntahan na nila ang opisinang nabanggit ay wala doon ang babaeng nagrecruit sa kanila at pinabalik-balik lamang umano sila na hanggang sa kasalukuyan ay wala nang nangyari sa pangakong babayaran ang naiiwang P1,400.00.
Nanagawan si Aling Phoebe sa mga katulad niyang ina ng tahanan na walang mangyayari kung patuloy na magpapagamit ang mga ito sa mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan dahilan maliwanag naman umanong walang intensiyon ang mga grupong ito na tulungan at iangat ang buhay ng isang mahirap na Pilipino. Binigyang diin ni Aling Phoebe na kung gusto natin ng pagbabago marapat umanong sa ating sarili magsimula ito at hindi sa kung kaninong tao sa gobyerno.
Nagpaabot din ng taos pusong pasasalamat si Aling Phoebe kay LT MARTINEZ, LT JAITULAH, MAJ TABAS at higit sa lahat kay COL BUENAVENTURA C PASCUAL dahil sa walang sawang pagmumulat sa sambayanang Pilipino sa mga panloloko at panlilinlang ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan.