Matagumpay na naisakatuparan ang Eye Check-up/Legal Assistance at Libreng Gupit na pinangunahan ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos at Vice-Mayor Rene Sta Maria sa pakikipagtulungan ni Dr. Alex Sta. Maria at CMOBn sa pamumuno ni COL. BUENAVENTURA C PASCUAL, JAGS na pinamunuan ni CPT MEDENILLA at Technical Service Brigade ng AFPRESCOM sa mga residente ng Brgy Plain View noong ika-21 ng Nobyembre, 2009.
Ang nasabing programa ay dahil sa kahilingan ni Brgy. Chairman Ryan G. Mendoza at kanyang mga Kagawad upang mapaglingkuran ang kanilang mga kababayang nangangailangan ng sapat na atensyong medical. Ang nasabing programa ay dinaluhan ng mahigit limang-daang residente. Ang nabiyayaan ng libreng check-up sa mata ay mahigit isang daan at pitumpu’t tatlo (173), libreng salamin sa mata ay isang daan at pitumpu’t tatlo din (173), libreng legal assistance mahigit limampu (50), at libreng gupit ay siyamnapu’t lima (95).
Malaking pasasalamat ng mga residente ng Brgy. Plain View lalo na ang mga matatandang napagkalooban ng libreng salamin dahil napalitan na ang mga luma at malabo ng nilang salamin.
Ayon kay Lola Aida Esmundo, residente ng nasabing lugar, “Napakaganda po at malaking tulong sa amin ang libreng eye check-up at libreng salamin. Marami pong salamat sa ating gobyerno.”
Ani pa niya, “Sana ay huwag po kayong magsawa na ulit-ulitin ang mga ganitong programa sa aming lugar. Maraming salamat din po sa mga kasundaluhan sa mga kabaitang pinamamalas nila sa aming mamamayan”.