Pormal nang ginawang bahagi ng administrasyon ng CAVITE STATE UNIVERSITY sa Indang, Cavite ang FORUM FOR ADVOCACY FOR PEACE AND DEVELOPMENT sa taunang ginaganap na Freshmen Orientation. Nitong nakalipas na ika-19 ng Hunyo ginanap ang Freshmen Orientation sa CvSU Multi-Purpose Quadrangle na pinangunahan ni DR. MARILYN M ESCOBAR, Dean Student Affairs and NSTP Overall Coordinator, kasama ang kanyang mga masisipag na staff.
Humigit kumulang sa dalawang libo limang daang first year college students ang dumalo sa nasabing orientation na mula pa sa iba’t-ibang department ng nasabing unibersidad kabilang na ang ilang dayuhang naka-enroll dito. Sa ikalawang taon naging mabunga ang ginanap na Peace Forum sa pangunguna ng 730TH COMBAT GROUP sa pamumuno ni MAJ CARLO ORCINO at ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno naman ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL.
Sa welcome remarks na ibinahagi ni DR ESCOBAR binigyan diin nito na lagi nang bahagi ng halos lahat ng kanilang mga aktibidad partikular na kung ito ay para sa komunidad ang mga opisyales at kasundaluhan ng 730th COMBAT GROUP. Idinagdag pa ni DR ESCOBAR na mas magiging intensibo at malaman din ang matutuhan ng kanilang mga estudyanteng naka-enroll sa NSTP dahil sa ginagawang pakikipagtulungan na sa ngayon ng pamunuan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION ng PHILIPPINE ARMY.
Sa pangunguna ni 2LT AL-NASSER ABDURAKMAN PAF ang Director for Civil Military Operations ng 730th CG at 2LT RICHIE DAVALES PAF maayos na naisakatuparan ang information drive na lubos na pinagpasalamatan ng pamunuan ng CAVITE STATE UNIVERSITY.
Binigyang diin ni DR ESCOBAR na hindi sinisikil ng pamunuan ng paaralan ang kalayaan ng mga estudyante nang magdesisyon ang paaralan na gawin nang bahagi ng taunang orientation ang Forum for Peace and Development bagkus layunin lamang nitong madagdagan ang mga kaalaman ng mga estudyante particular na sa mga istratehiya at pamamaraang ginagamit ng mga organisasyon sa panghihimok sa mga kabataan.
Ayon naman sa isang estudyanteng nagpakilalang si “Rona” malaking bagay at tulong ang kanilang natutuhan sa forum dahil ang mga impormasyong naibahagi sa kanila ay hindi naman normal na nababasa sa mga textbooks o natutuhan at naituturo sa loob ng classroom. Hiniling din ni Rona sa mga kasundaluhan na sana ay mapuntahan pa ang ilang mga paaralan sa kanilang lalawigan. Ang kahilingan ni Rona ay dahil umano sa isa niyang kaibigan na naka-enroll sa isang unibersidad sa Cavite na nakapagkuwento na naisama na sa isang pagkilos sa kamaynilaan.
Binigyang kasiguraduhan ni DR ESCOBAR ang 730th CG na regular nang magiging bahagi ang Forum for Peace and Development sa kanilang taunang freshmen orientation. Kung higit ang ipinakitang appreciation ng administrasyon ng CAVITE STATE UNIVERSITY mas higit naming na-appreciate ng mga estudyante ang mga natutuhan nila sa forum. Hindi lamang mga Pilipinong estudyante ang nagpasalamat gayundin ang ilang dayuhang estudyante na mula pa sa Africa at ilang bansa sa Asia.