News

BRGY CHAIRWOMAN RUTH PALMA NG BRGY 128, TONDO, MANILA NAGPAHAYAG NA TUNAY NILANG KATUWANG ANG CMO BATTALION

Agnes Lopez Reano


         

           “Mahal namin kayo” ito ang unang namutawi sa bibig ni KAPITANA RUTH PALMA ng BRGY 128, TONDO, MANILA na ipinapatungkol sa mga sundalong naka-deploy sa kanyang barangay nang isagawa ng 1st CODE COY sa pamumuno ni MAJ NELSON DE LA CRUZ ang information and awareness drive sa kanyang barangay nitong ika-29 ng Marso.  Sa pangunguna ni CAPT. BEJARIN at sa matiyagang pakikipag-ugnayan ng team nito naisakatuparan ang info drive.

 

            Dinaluhan ng humigit kumulang sa dalawang daan at labing limang residente, naging mabunga ang ginawang diyalogo sa mga residente ng Smokey Mountain lalo na sa bahaging “Open Forum” na kung saan mayorya sa mga kabataang dumalo ang naghain ng mga katanungan lalo na napapatungkol sa pagrerekluta ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan.

 

            Inamin ng isang batang nagpakilalang si “Raya” na kasalukuyan na siyang miembro ng isang prenteng organisasyon at dahil sa mga natutuhan niya sa info drive hinggil sa mapanlinlang na istratehiya ng pagrerekluta ng mga ito ay nagdesisyon siyang hindi na sasama sa nasabing grupo.  Ayon kay Raya layunin lamang niyang maging bahagi ng pagbabago ng lipunang kanyang ginagalawan at wala umano siyang intensiyong iwan ang kanyang mga magulang at umakyat sa kabundukan at sumama sa madugong pakikipaglaban. Ayon kay Raya hindi tamang paraan ang paglulunsad ng madugong rebolusyon para tugunan ang problema ng bayan, mas epektibo pa rin anya na magkaisa at magtulungan.

 

            Lubos naman ang suporta ng isang asosasyon ng mga kabataan na kung tawagin ay “YOUNG PINOYS” sa nasabing info drive.  Ayon kay “John” isa sa mga opisyales ng grupo mas mainam anyang ilaan at itutok na lamang nilang mga kabataan ang kanilang talento, lakas ng pangangatawan at puersa sa kapaki-pakinabang na bagay.  Sinang-ayunan ni John na wala naman talagang napapala sa mga protesta sa lansangan kungdi ang mabilad lamang sila sa araw, magutom at masaktan bukod pa sa natututo ang mga kabataan na magsinungaling sa kanilang mga magulang.  Patunay anyang hindi magandang asal ang natutuhan ng mga ito sa mga prenteng organisasyon ng mga komunistang kilusan.

           Taos pusong nagpasalamat si KAPITANA RUTH PALMA sa CMO Battalion lalo na sa 1st CODE COY na naka-deploy sa kanilang barangay dahil sa nakikita nilang pagsisikap ng mga ito na makatulong sa kanilang barangay.  Malaking tulong anya ang presensiya ng mga kasundaluhan hindi lamang sa pagmamantina ng kapayapaan at katahimikan kungdi sa pagdedeliber niya at ng kanyang pamunuan ng mga basikong serbisyo ng pamahalaan.

 

            Nanawagan din si KAPITANA RUTH PALMA sa mga dumalong mga magulang at kabataan na manatiling alerto sa mga grupong gagamit at pagsasamantalahan lamang ang isyung kanilang isinusulong.  Ayon kay Kap. Palma ang pakikipagtulungan sa mga kasundaluhan ay isang malaking hakbang na upang mabigyan ng solusyon ang kahirapan sa kanilang barangay.  Binigyang diin din ni Kapitana Ruth Palma na ang pagkakaisa nilang mga residente sa barangay ang isa sa mahalagang susi ng kanilang tagumpay.  Ayon pa kay Kapitana Palma kahit na anong pagsisikap ng mga sundalo at anumang gawing pagtulong ng mga ito kung sila umano na naninirahan sa kanilang barangay ay hindi “nakikialam ng tama” ay walang kaunlarang makakamit ang sinuman.

 

            Ayon pa kay Kapitana binuksan na ng sundalo ang daan tungo sa kaunlaran, wala naman umanong dapat gawin ang taumbayan kungdi ang pumasok dito, makipagtulungan at higit sa lahat solidong sumuporta sa lehitimong gobyerno.  Inamin din ni Kapitana Ruth Palma na siya man noong kanyang kabataan ay laman ng mga protesta sa lansangan, ngunit totoo naman anyang walang natutugunan ang mga pagkilos na ito.

 

            Nagpasalamat din ang pamunuan ng “YOUNG PINOYS” sa CMO Battalion dahil sa ipinapakitang magandang ehemplo sa mga kabataan.  Umamin din ang ilang mga ginang na dumalo na sila man ay sumasama sa mga protesta sa lansangan subalit totoo anyang walang magandang naidudulot ito sa isyung kanilang isinusulong bagus anya ay natatabunan ito ng mga isyung isinusulong ng mga prenteng organisasyon.