“Higit na naging mas maliwanag ang layunin ng mga prenteng organisasyon sa panghihimok sa mga kabataang estudyante sa pagsapi sa kanilang grupo dahil sa ginawang symposium ng 732nd Squadron sa pamumuno ni LT ALBERT ESTADILLA sa aming paaralan”, ito ang naging positibong reaksiyon ng pangulo ng CSU-CSG O Cavite State University Central Student Government na si ROMNICK SIDRA. Ginanap ang Symposium on Peace and Development nitong ika-11 ng Marso sa mismong Audio Visual Room ng nasabing unibersidad na dinaluhan ng humigit kumulang sa isang daan at limampung student leaders (150) ng iba’t-ibang organisasyon ng CSU.
Bilang bahagi ng pagtupad sa Internal Security Operations ng 730th Combat Group sa pamumuno ni MAJ CARLO ORCINO PAF ng 710th Special Operations Wing ng Philippine Air Force patuloy na naglilibot sa iba’t-ibang paaralan ang mga miembro nito sa kanilang area of responsibility upang magsagawa ng Symposium on Peace and Security upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kabataang estudyante sa kung papano nila dapat na iwasan ang mga prenteng organisasyon na layuning dalhin lamang sila sa kabundukan. Ang 730th CG ay naka opcon sa 202nd Infantry “Unifier” Brigade sa pamumuno ni COL VIRGILIO ESPINELI at Deputy Brigade Commander COL RICARDO VISAYA sa pakikipagtulungan ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL matagumpay na naisagawa ang symposium sa CAVITE STATE UNIVERSITY na kung saan dinaluhan ito ng mga opisyales ng iba’t-ibang departamento at student organizations.
Sinang-ayunan ng mga writer ng THE GAZETTE ang ibinahagi ng speaker na rebel returnee ng CMO BN sa pagsasabing ang kanilang unibersidad ay nagamit din ng kaliwang kilusan nang isang estudyante nito ang nagladlad ng isang streamer nang maging panauhing tagapagsalita noon ang Pangulo sa kanilang graduation. Ayon kay “Ryza” inilagay sa kahihiyan ng nasabing estudyante ang kanilang unibersidad at ito umano ang patunay sa sinabi ng rebel returnee na walang naituturong magandang asal ang mga prenteng organisasyon. Sa halip anyang turuan ng magandang kaugalian ang mga kabataan tinuturuan itong maging bastos.
Sinabi naman ng isang nagpakilalang “Romy” na naging bahagi din siya noon ng isang prenteng organisasyong pang-estudyante subalit nang mapansin na umano niyang sa halip na pumasok sila sa klase ay wala silang ginagawa kundi ang magpunta sa kung saan mayroong rally kusa na din umano siyang umalis ditto dahil nakikita umano niya na tiyak na masisira ang kanyang pag-aaral. Sinang-ayunan ng mga lider estudyante ang panawagan ng AFP na dapat na manatili sa paaralan ang mga kabataan at hindi ito dapat na umakyat sa kabundukan at humawak ng armas.
Nanawagan naman ang mayorya sa mga lider estudyante ng CSU sa mga lider ng mga prenteng organisasyon na panahon na upang isapraktika nila ang kanilang mga propaganda na “magkaisa, magtulungan at respeto sa karapatang pantao”. Binigyang diin ng isa pang estudyante na nagpakilalang si “Wena” na mas malayo ang mararating nilang mga estudyante kung totohanin ng mga prenteng organisasyon ang sinasabi nilang pangangalaga sa karapatan ng mga kabataan kung hahayaan ang mga estudyante sa paaralan upang makatapos sa kanilang pag-aaral.
Dumalo sa nasabing symposium ang mga opisyales ng The Gazette ang school publication; College of Sports, PE and Recreation; College of Nursing; College of Arts and Sciences; College of Education; College of Veterinary Medicine and Biomedical Sciences; College of Agriculture, Forestry, Environment and Natural Resources; College of Economics, Management and Development Studies; Student Artiste Society; Chorale Ensemble at CSU Cultural Dance Troupe.
Dahil sa positibong impormasyong ibinahagi ng 732nd Squadron hiniling ng isang guro ng CSU na gawing regular ang info drive at kung maari anya ay maging bahagi na ng kanilang orientation period na malugod naming ikinatuwa ng mga estudyante. Ayon sa guro dapat na maging bahagi ng regular na aktibidad ng mga unibersidad, kolehiyo at paaralan ang info drive ng AFP upang maiwasan na ng mga kabataan ang mga prenteng organisasyon na tiyak na magdadala sa kanila sa kapahamakan at pagkawasak ng kanilang buhay.