News

OPERATION TULE, FEEDING AT LIBRENG GUPIT SA TONDO, MANILA

Ni Pfc Lorenzo


         

         Matagumpay na naisagawa ang operation tuli  sa brgy  41 at 42, Zone 3, District 1, Tondo Manila, araw ng miyerkules 01 ng Abril taong 2009. Alas sais pa lamang ng umaga ay abala na sa paglilinis  ang mga residente ng nasabing brgy  sa basketball court ng Brgy 41, zone 3, Tondo Manila na pinangunahan ni Brgy Chairman Eddie De Jesus at ang kanyang mga kagawad. Habang abala sa paglilinis ang mga residente, ang grupo naman ni MAJ DELA CRUZ ng 1st CODE Coy, CMOBn ay inihanda din ang mga iba pang gamit na kailangan sa nasabing programa. Maaga din nakarating ang anim (6) na Massage therapist ng Gold Heart TESDA sa pangunguna ni Mr Joel Cortez. Mga ilang sandali lang ang lumipas ay dumating na din ang  apat na Doktor at ang kanilang mga kasama galing sa General Hospital Fort Bonifacio  na sina Dr Patricia Tabangcura, Dr Angelo Ampong, Dr Arthuro Ong, Dr Rod Mark Clavel, Rey Luther Ichon at SSg Lucrecia Jimenez (EW) PA. Nakilahok din sa nasabing programa ang Brotherhood of Medical Scholars and Philomedia Scientia na pinamunuan ni Mr Mark Velez at ang Manila Medical Centre (MMC) na pinamunuaan ni Dr Gerald S Pingal.

 

          Maaga pa lamang ay dinagsa na ng mga residente  ang pila  para magparehistro para makakuha ng numero  para sa libreng tuli sa mga anak.Habang ang   ibang mga residente naman ay pumila sa libreng gupit, libreng pakain “feeding” at  “massage and therapy”. Ganap na alas nuebe ay nag-umpisa na ang operation tuli para sa mga bata at libreng gupit para sa lahat.  Kasabay nito ay sinimulan na din ang libreng pakain para sa mga bata 5 taon pababa. Sa pakikipag-ugnayan at kagandahang loob din ng TESDA ay napagkalooban din ang mga residente ng libreng masahe at reflexology.  Maganda ang naging  simula hanggang sa pagtatapos ng programa dahil madaling nakontrol ng mga brgy opiyales at mga tanod ang mga residente sa nasabing brgy. Halos magdamagan ang programang ito dahil sa dami ng taong nais mabenipisyuhan. Inabot ng mahigit isang daang bata ang natulian, sa libreng gupit ay umabot ng isang daan din mahigit. Apat naput apat (44) naman ang naginhawaan dulot ng pagmamasahe at pag-therapy. Sa libreng pakain naman o “feeding”ay umabot sa dalawang daan (200) na mga bata ang napakain.


               

         Pagkatapos ng programa ay ipinaabot ni Brgy Chairman ang kanyang pasasalamat sa isa nanamang makabuluhang gawain ng mga sundalo sa kanilang lugar.Ayon din kay Chairman Eddie De Jesus sana daw ay maalis na ang  negatibong pananaw ng mga tao sa kanilang lugar dahil tahimik naman daw ang kanilang lugar.Kinakatakutan ito ng karamihan dahil sa maraming bali-balita sa lugar na ito gaya ng sari-saring krimen at masamang gawain. Nais baguhin ni Chairman ang negatibong pananaw ng mga tao tungkol sa kanilang lugar kaya mensahe din niya  sa mga tao na ang Tondo ay tahimik na lugar. Ipinagmalaki  din niya  na ang mga residente sa kanilang baranggay ay nakikipagkooperasyon at nakikipagtulungan sa mga  sundalo sa kanilang mga programa at proyekto sa kanilang baranggay para sa mas lalong ikakatahimik at ikauunlad ng kanilang lugar .Ayon pa din kay Brgy Chairman De Jesus, malaki ang naitutulong ng mga sundalo sa lugar nila. Mas naging kampante daw ang mga tao sa seguridad nila dahil sa presensiya ng mga sundalo.Bukod pa dito lubos na ipinagpasalamat ng mga tao ang mga programang ipinagkakaloob ng mga sundalo sa kanila. Namangha din ang mga tao sa mga iba’t-ibang talento ng mga sundalo.Ayon sa kanila, ang buong akala nila ang mga sundalo ay panggiyera lamang. Hindi nila akalain na may natatago pang ibang talento ang mga sundalo gaya ng pagtutule, paggugupit at pagmasahe. Dito nila napatunayan na ang mga sundalo ay hindi lang puro armas ang pwedeng gamitin para pagsilbihan ang mga tao kundi pwede din pala silang maging barbero, masahista at magtutuli. Mensahe ng mga residente,sana ay patuloy ang mga sundalo sa pagsasagawa ng mga programang makakatulong sa kanila.

 

                "CLICK to see SLIDESHOW"