News

BATASAN HILLS NATIONAL HIGH SCHOOL TUMUGON SA PANAWAGAN NG PAGKAKAISA NG CMO BATTALION

Agnes Lopez Reano



         Mahigit sa tatlong daang (300) fourth year students kasama na ang kanilang mga guro ng Batasan Hills National High School ang tumugon sa panawagan ng pagkakaisa ng CMO Battalion.  Bunga nito  naisakatuparan sa nasabing paaralan ang education and awareness drive na pinangunahan ng 2nd Squad, 3rd Platoon sa pamumuno ni LT JAYLAULA T JAITULLA ng 3rd CODE Coy sa ilalim ng liderato ni MAJ WILLIAM TABAS.

           

         Sa welcome remarks, mariing ipinahayag ni DR GIL T MAGBANUA, Principal IV, na kailangang maging magkabalikat ang sektor ng edukasyon at kasundaluhan upang mailayo ang mga kabataan sa anumang makakasira ng kanilang kinabukasan.  Binigyang diin ni Dr. Magbanua na moral na responsibilidad nilang mga guro at ng mga sundalo na gabayan at akayin sa tamang landas ang mga kabataan upang tuluyan nang matamo ng bansa ang tunay na kapayapaan at kaunlaran.  Ipinaliwanag din ni Dr Magbanua ang tunay na papel ng mga kasundaluhan na hindi lamang sila dapat na tingnan bilang mga “makinang pan-digmaan” ngunit bagkus anya ay “tulay tungo sa pagkakaisa at progreso ng bayan.”

         Sa isinusulong umanong education and awareness drive ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL mararamdaman at makikita hindi lamang ng sektor ng edukasyon kundi higit sa lahat ng mga magulang na tunay na nagmamalasakit ang SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS  sa kapakanan  at kinabukasan ng mga kabataan.  Nakatutuwa umanong  isipin na katuwang ng mga guro ang HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS sa pag-akay sa mga bata sa tamang landas. 

 

            Sinang-ayunan naman ang pahayag na ito ni Dr Magbanua ng isang estudyanteng nagpakilalang si Tyra na dapat talagang mabigyan ng sapat na impormasyon at kaalaman ang mga estudyante sa mga istratehiyang ginagamit ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan upang mapigilan ang pag-akyat ng mga kabataan sa kabundukan.  Ayon kay Tyra nakalulungkot isipin na mismong ang mga grupo pang ito na ang kadalasang sigaw sa lansangan ay ang pagrespeto sa karapatang pantao ang siya ring gumagamit at nanlilinlang sa kanilang mga kabataan sa halip anyang tulungan silang makatapos sa kanilang pag-aaral.

 

          Idinagdag naman ng isa pang estudyante na nagpakilalang si Jane na mahalaga ang kooperasyon at pakikipagtulungan ng kanilang mga guro sa mga pagsisikap ng CMO Battalion na mailayo ang mga bata sa mga grupong magdadala sa kanila sa kapahamakan. Mas mahaba umano ang inilalagi ng isang estudyante sa loob ng paaralan na siyang pinagmumulan ng pagrerekluta sa mga kabataan, kung kaya’t dapat na buksan ng mga guro ang kanilang isipan at kamalayan sa katotohanang ito na matagal na nangyayari sa mga eskuwelahan. Binigyang diin ni Jane na kung hindi ibabahagi ng mga kasundaluhan ang kanilang mga natuklasan patuloy na mayroong mawawalang estudyante na tuluyang masisira ang kinabukasan.