Naging lubos ang kooperasyong ibinibigay ngayon ng BANTAY BAYAN FOUNDATION ng Brgy 649, Baseco, Tondo Manila sa pangunguna ng pangulo nito na si GINOONG LEODY DIAMANTE sa CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION sa pamamagitan ng 1st CODE Coy sa pamumuno ni MAJ NELSON DE LA CRUZ. Ang kooperasyon ay ipinakita nito sa pamamagitan ng paghiling kay Maj De La Cruz na maisakatuparan ang isang information drive para sa mga miembro na pangunahing layunin ay mabigyan ng sapat na impormasyon ang Bantay Bayan members sa kung anu-ano ang istrateiyang ginagamit sa infiltration ng mga komunistang grupo sa mga legal na organisasyon upang ito ay kanilang magamit at mapakilos.
Sa pangunguna ni CAPT MARIO JOSE CHICO, Operations Officer ng unit matagumpay na naisakatuparan ang info drive na ginanap sa covered court ng Brgy 649, Baseco nitong nakalipas na araw ng Linggo, ika-1 sa buwan ng Pebrero. Dinaluhan ang info drive ng humigit kumulang sa walumpung (80) miembro ng Bantay Bayan.
Ayon kay Mr Diamante, pangulo, hiniling nila ang aktibidad upang maging kabalikat at kaagapay ng mga kasundaluhan ng 1st CODE Coy sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa Baseco at upang anya ay maging instrumento din ng pagpapakalat ng mahalagang impormasyong kanilang natutuhan. Ayon kay Mr. Diamante mahalagang magkaroon ng magandang relasyon ang kanilang grupo at kasundaluhan, dahil alam naman nilang ang pangunahing mithiin ng CMO Bn ay ang maging kabalikat ang mga ito sa ikagaganda ng buhay ng mga residente ng kanilang barangay.
Mahalaga din umanong matutuhan nila ang mga istratehiyang ginagamit ng mga komunistang grupo sa inpiltrasyon o pagpasok sa mga legal na organisasyon upang kanila itong magamit sa pagbabantay sa kanilang hanay. Layunin ng nasabing info drive na hindi umano sila magamit at mapakilos ng mga prenteng organisasyon dahil na rin base umano sa karanasan ay wala namang pinatutunguhan ang mga adhikain ng komunistang kilusan.
Hiniling naman ni GINOONG ROBERTO ENDRINA, Chairman ng Bantay Dagat, Block 1 Aplaya Chapter na maisagawa din sa kanilang erya ang nasabing aktibidad. Binigyang diin ni Mr. Endrina na mahalaga at malaking tulong ang mga impormasyong kanilang natutuhan. Ayon pa kay Mr. Endrina hindi lamang ang inpiltrasyon ang mahalagang bagay na kanilang nakuha kundi kung papanong ang mga kabataan ay inaahita, ginagamit sa mga pagkilos sa lansangan at sa kalaunan ay paakyatin sa bundok. Wala naman umanong masama silang nakikita sa adhikain ng CMO Bn sa pangunguna ni COL BUENAVENTURA PASCUAL bagkus anya nakita at naramdaman nila ang sinseridad sa panig ng mga kasundaluhan.
Ayon kay Mr. Endrina kung ang HUKBONG KATIHAN NG PILIPINAS partikular na ang CMO Battalion ay naglalayong iligtas ang kanilang mga anak sa panloloko at panlilinlang ng mga prenteng organisasyon higit anyang dapat na maunang kumilos at magbantay silang mga magulang.
Ang hakbang umanong pakikipagdiyalogo ng kanilang grupo sa mga kasundaluhan ay upang mawala ang agam-agam ng mga residente ng Baseco sa presensiya ng mga sundalo na sa loob anya ng mahigit sa dalawang taon ay nakita at naramdaman nila ang pagnanais ng mga ito na makatulong sa kanilang mga basikong pangangailangan.