News

"BALIKATAN-2009" COMMUNITY RELATION

Ni Pfc Lorenzo


         

         Ang Balikatan-09 ay isang napakagandang aktibidad ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at ng Hukbong Sandatahan ng Bansang Amerika na naglalayong magbigay ng serbisyo publiko sa mga taong nangangailangan ng tulong at sa mga taong naapektuhan ng iba’t-ibang klaseng sakuna. Ito ay kalimitang ginaganap sa mga barangay at sa mga lugar na kung tawagin ay “Urban Poor” sa mga kalungsuran. Isa sa mga aktibidad na ito ay ang pag-gawa ng mga kalsada at mga tulay para mapaayos ang transportasyon para sa mga magsasaka at mga medical at dental na misyon para sa mga kalusugan ng mga tao. Naging kapaki-pakinabang sa lugar ng Pandakan, Manila ang Balikatan-09 dahil isa ito sa mga napiling lugar na pagdarausan ng nasabing aktibidad.

    
         Ang “Community Relations” bilang bahagi ng “BALIKATAN-09” ay ginanap sa Saint CLaires Patronage for the sick noong ika-18 ng Abril 2009, na ang naging aktibidad dito ay ang pagpipintura ng gusali ng nasabing institusyon. Sinundan naman ito noong ika - 22 ng Abril 2009 sa Sto. Niño Parish Church Pandacan, Manila.  Dinaluhan ito ng mga US Navy, US Air Force, Philippine Navy, PNP, mga civilian volunteers at siyembre nakibahagi din ang CMOBn ng Philippine Army sa gawaing ito. Bandang alas nuebe ng umaga (09:00) bago sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pag-alay ng misa sa sto. Niño Parish church sa pangunguna ni Bishop Gaudencio Rosales at napuno ang simbahan ng mga deboto at mga sundalo. Naging panauhing pangdangal din si Manila Mayor Alfredo Lim sa naganap na aktibidad. Pagkatapos ng misa ay isinagawa kaagad ang pamamahagi ng mga laruan, gamit sa eskwelahan at mga damit para sa mga bata’t matatanda. Nagtulong-tulong ang mga sundalo, pulis at coastguard sa pamamahagi ng mga gamit at laruan. Masayang pumila ang mga bata kasama ang kanilang mga magulang sa pagrerehistro ng kani-kanilang mga pangalan para makakuha ng mga gamit na handog ng mga sundalo sa kanila.

         Habang isinasagawa ang pamamahagi ng mga gamit, nagpa-unlak ng interbyu si MAJ TOMLIN, Chaplain ng US Navy at si Sgt Jennifer Herman, namamahala sa kanilang mga religious activities na nakabase sa Okinawa, Japan. Ayon sa kanila, masayang-masaya sila na nakatulong sila sa kanilang kapwa lalo na yong mga salat sa buhay. ”It’s always our pleasure to serve the people especially the less fortunate” ani MAJ TOMLIN. Ipinaliwanag din ni Chaplain TOMLIN ang layunin at ibig sabihin ng Team Balikatan. “US and Filipinos have been working shoulder-to-shoulder, hand-to-hand and heart-to-heart to help and reach the hands of the less fortunate people. Filipinos have been our partner for so many years in helping the poor people. We love to work with them because they are so accommodating, hospitable and very kind”. Ikinuwento pa ni Chaplain TOMLIN na ika-apat na beses na daw niya dito sa Pilipinas sa pagsasagawa ng Balikatan. Sa tuwing naririnig daw nila na may Balikatan dito sa Pilipinas, nasasabik sila na pumunta dito dahil gustong-gusto daw nilang makatulong at maipadama sa mga Pilipino ang kanilang pagmamahal at kalinga. Sinang-ayunan ni Sgt Herman lahat ang ibinigay na pahayag ni MAJ TOMLIN. Dagdag pa ni Sgt Herman, nakakatuwa daw ang mga Pinoy dahil masayahin, magagalang at mababait daw sila. Bilang pangwakas na mensahe, nagpasalamat sila sa AFP sa kanilang pagpupursige, dedikasyon sa sinumpaaang tungkulin at higit sa lahat sa kanilang mainit na pagtanggap sa kanila. Hindi daw nila makakalimutan ang mga masasayang karanasan tuwing sila ay nagsasagawa ng operasyon dito sa Pilipinas.


          Humigit kumulang dalawang-daan (200) na mga bata ang nabiyayaan sa aktibidad na ito. Tunay na mababakas sa mga mukha ng mga bata at mga magulang ang kasiyahan sa kahit na simpleng bagay na naiabot sa kanila ng team Balikatan. Mensahe nila ay sana’y maulit pa ang mga ganitong aktibidad dahil para sa kanila malaking tulong ito.


         Bilang ganti sa mga tao na nasa likod ng programang ito, ang mga kasundaluhan ay patuloy na nagbibigay pugay sa inyong walang kapatawarang tulong at serbisyo publiko sa ating mga mahal na mga kababayang Pilipino. 

 
        Tunay nga na madaming tao ang natutulungan ng mga kasundaluhan katuwang ang mga Local Government Units (LGU’s) at mga Non-Government Organizations (NGO’s). Sana ay patuloy ang pagsuporta ng mga tao sa mga ganitong gawain para ang mga lubos na nangangailangan ay maabutan ng tulong.

 

                "CLICK to see VIDEO"