News

"OPERATION TULE" MULING INILUNSAD SA TONDO, MANILA

Ni Pfc Lorenzo


           

           Ang “Operation Tule” ay isa sa mga aktibidad ng CMOBn sa ilalim ng pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL na matagumpay na naisasakatuparan halos linggo-linggo sa iba’t ibang lugar dito sa Manila. Sa katunayan, muli nanamang nagbigay ng tulong ang mga sundalo noong ika-4 ng Mayo 2009 sa pamamagitan ng paghahandog ng Libreng Tule para sa mga residente ng Brgy 136, District I Zone 12, Tondo, Manila na pinamumunuan ni Brgy Chairman Roger Santos.

 

           Naging katuwang sa makabuluhang gawain na ito si Congressman Atong Asilo, Brgy Chairman Jonglie Alfonso ng Brgy 140, District I Zone 12, Chairman Rolando B Perez ng Brgy 142, District I, Zone 3, mga kawani ng Manila Department and Social Welfare (MDSW) at ang mga estudyante ng Ateneo De Manila na kumukuha ng kursong Medisina. Hindi rin nagpahuli sa pagbabahagi ng kaalaman at kasanayan na natutunan sa eskwelahan ang estudyante ng UP Manila na may kurso ding Medisina. Ang Manila Health Department sa pamumuno ni  Dr. Cando (District Health Officer) at Dr. Arnie G Viazon ng J. Posadas Health Center ay hindi rin ipinagkait ang tulong para sa ikatatagumpay ng aktibidad na ito.Higit sa lahat hindi mawawala ang mga magigiting at masisipag na mga Doctor at staff ng Fort Bonifacio General Hospital na sina Dr. Caroline Aytona, Dra. Nadine Stepanie S More, MD, Dr Rod Mark Clavel, Dr Louie Afulugencia, Dr Baquiran, SSg Lucrecia R Jimenez at SSg Jose Jessie Austria (EW) PA.

           Ginanap ang "Operation Tule" sa Posadas Health Center Brgy 139, Zone 12 Tondo, Manila. Pinagtulung-tulungan ng mga sundalo at mga residente ang pagsasaayos sa lugar at paghahanda ng mga kakailanganin sa proyektong ito. Naging punong abala din si 1LT BEJARIN ng 1st Code Company na nakabase sa nasabing lugar sa pag-antabay sa gawaing ito. Nagbigay naman ng seguridad ang ibang sundalo upang mapanatili ang kapayapaan sa lugar na pinagdausan ng aktibidad.

 

           Habang isinasagawaa ang proyekto, malugod na nagpaunlak upang magbigay ng mensahe si Cong. Atong Asilo tungkol sa mga ipinapatupad na gawain sa kanilang lugar. Ayon sa kanya lubos siyang nagpapasalamat sa presensiya ng mga kasundaluhan sa kanilang lugar at sa iba pang lugar dito sa Manila dahil malaking tulong talaga sa mga tao. Napapanatili ang katahimikan at seguridad dahil sa mga sundalo. Bukod pa sa seguridad na binibigay ng mga sundalo, marami ding mga kababayang mahihirap ang naiibsan kahit papano ang kahirapan dahil sa mga proyektong nailulunsad sa pakikipagtulungan ng mga sundalo gaya nang Medical/dental mission, libreng tuli, libreng gupit at libreng pakain. Buong pagmamalaking sinabi din ni Congressman na kung dati daw ang mga sundalo ay kinakatakutan at iniiwasan, ngayon  ay napalapit na sa puso ng mga tao at napakadali daw lapitan at hingan ng tulong.

 

           Humigit kumulang dalawang libong (2,000) mga batang lalaki nanaman ang napasaya at nabenipisyuhan sa libreng tuli na ito. Mababakas sa mukha ng mga bata at sa kanilang magulang ang kagalakan dahil sa libreng tuli at mga gamot para sa kanilang medikasyon na kanilang natanggap. Tunay nga na ang mga ganitong gawain ay nagdudulot ng marka sa mga kababayan nating mahihirap. Malaki man o maliit ang tulong na naibabahagi sa kanila, buong puso nila itong tinatanggap at kinikilala dahil para sa kanila malaking tulong na ito.