News

ARELLANO UNIVERSITY PASAY SA IKALAWANG TAON NG INFO DRIVE NG CMO BATTALION

Agnes Lopez Reano


        

                Sa loob ng dalawang magkakasunod na taon naging mabunga at positibo ang resulta nang isinagawang information and awareness drive ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION  sa ARELLANO UNIVERSITY, PASAY CAMPUS nitong ika-27 ng Hunyo na kung saan dinaluhan ito ng humigit kumulang sa isang daan at limamput pitong (157) estudyante ng NSTP na pawang mga first year college pa lamang.

 

                Sa pangunguna ni CAPT MARIO JOSE CHICO, Operations Officer ng CMO Battalion kasama sina PFC ZYRA WARIZA, PFC RANILO D CONSTANTE at SGT JOEVELIN MONTILLA nagging matagumpay sa ikalawang pagkakataon ang isinagawang info drive ng CIVIL MILITARY OPERATIONS na pinamumunuan ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL.

 

                Hindi lamang pagpapasalamat ang ipinaabot ni PROF GESELA SOLANO-MACAS kungdi isang kahilingan na maisagawa din ang info drive sa University of Makati na kung saan nagtuturo din ang nasabing propesora.  Ayon kay MRS. MACAS hindi lamang silang mga guro ang makikinabang sa mga impormasyong naibabahagi ng Speaker’s Bureau ng CMO Battalion kungdi higit sa lahat ang mga estudyante na dapat magabayan ng tama at maturuan ng mga mapanlinlang na istratehiya ng mga prenteng organisasyon.

 

                Binigyang diin ni MRS MACAS na maliwanag na hindi paghadlang sa kalayaan at karapatan ng mga kabataan ang mga impormasyong kanilang natutuhan lalo na ang kaso ni KATKAT RAMOS at ilan pang mga estudyante na napabilang sa ipinakitang listahan na namatay sa engkuwentro, naaresto dahil sa pagiging armado at nasagip ng mga kasundaluhan sa isang sitwasyong mahirap nang malusutan at maalisan, kungdi ito ay isang “EYE OPENER” na mas dapat na pagtuunan ng mga kabataan ang kanilang pag-aaral upang hindi mabigo ang kanilang mga magulang.

 

 

                Ayon naman sa isang estudyante na nagpakilalang si “AMIELA” siya man ay nakaranas na ng panghihikayat ng isang prenteng organisasyon sa kanilang paaralan.  Ayon kay Amiela noong siya ay nasa third year high school pa lamang sa Pasay ay muntik na rin siyang mahimok na sumapi sa isang organisasyon.  Napansin lamang umano niyang kadalasan ang kanyang mga kaklase na kanyang kasa-kasama sa pagdalo ng mga papulong at aktibidades ay kalaunan hindi na pumapasok.  Nanawagan si Amiela sa kapwa niya kabataan na walang masamang sumali sa isang grupo dapat lamang anyang maging mapanuri ang mga ito.  Nagpasalamat si Amiela sa CMO Battalion dahil naisakonkreto umano ang kanyang hinala sa grupong nanghihikayat sa kanya noong high school na wala talagang magandang patutunguhan ang pagsapi sa mga ito base na rin umano sa kanyang mga napanood at natutuhan sa info drive.

 

                Isa ding estudyante na nagpakilalang si “DONDON” ang nagkuwento na nitong pasukan lamang ay isang grupo ng mga third year college ng nasabing paaralan ang madalas umano silang kuwentuhin na kung saan kadalasan umano ay napupunta sa kasiraan ng pamahalaan.  Ayon kay Dondon malaking pagpapasalamat niya at napabilang siya sa mga estudyante na nakinig at naging partisipante sa info drive dahil kung hindi uamno ay malamang nahikayat na rin siya dahil sa husay magsalita ng kanyang mga nakilala.  Sinang-ayunan ni Dondon ang sinabi ni CAPT MARIO JOSE CHICO na wala nga namang sinumang kabataan ang nag-aral na ang layunin ay umakyat sa kabundukan at humawak ng armas, nagkakaroon lamang umano dahil sa mga grupo  at taong sa halip umano na tulungan o gabayan sila na makatapos sa pag-aaral ay siya pang nagiging daan ng pagkasira ng pag-aaral at pagkawasak ng buhay ng isang bata.


                Hiniling din ni PROF MACAS na maging regular nang taun-taon tuwing pasukan na maisagawa ang info drive sa kanilang unibersidad upang uamno ay mabigyan ng paunang impormasyon ang mga estudyante lalo na ang mga first year college.  Ayon kay Prof Macas responsibilidad nilang maproteksiyunan ang mga estudyante ng kanilang paaralan at umano ito ay kontribusyon nila sa mga magulang ng mga batang nagpapa-aral ng kanilang mga anak sa Arellano University.