Matiyagang sinanay ng mga opisyal at kasundaluhan ng 2nd Community, Organizing and Development Company (CODE Coy) sa pangunguna ng kanilang Commander na si CAPT MAJAN SAHIAL ng CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION ang labing limang kadete ng PUP ROTC nitong ika-11 ng Enero taong kasalukuyan upang ihanda ang mga estudyanteng partisipante sa isang kompetisyon.
Ang maghapong pagsasanay ay kinapalooban ng pass-in-review, pag-aaral sa mga pangunahing parte at katangian ng M16, at pag-aasemble at dis-assemble ng baril. Layunin ng pagsasanay na ito na ihanda ang mga kadete sa isang kompetisyon na magbibigay karangalan sa kanilang paaralan at bayan.
Ang pagsasanay sa mga kadete ay sa pamamagitan nina PFC PATAL-O, PFC PENA, PFC TESORRO, PFC LABRIS at PFC TEJERO na miembro ng 2nd CODE Coy. Ginanap ang pagsasanay sa loob mismo ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas na mayroong permiso mula sa mga namumuno ng paaralan.
Ayon sa ilang mga kadete, malaking tulong sa personal nilang disiplina ang pagiging kadete ng ROTC ng PUP bukod pa sa umano ay naitututok nila ang kanilang oras sa mga tamang pagsasanay na magiging daan tungo sa maganda nilang kinabukasan. Mas mabunga umano ang kanilang natutunan sa mga pagsasanay ng ROTC bukod pa sa nakakatulong din umano ang mga ito sa kanilang pagiging responsableng anak, estudyante at mamamayan ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan hindi lamang ang pagsasanay militar ang pinagtutuunan ng pansin ng Commandant ng ROTC na si COL BUENAVENTURA C PASCUAL na siya ring Battalion Commander ng CMO Battalion. Mahabang oras ng mga kadete ng ROTC ay inilalaan sa community services, humanitarian actions at ang pagiging isang responsableng kabataang Pilipino na mayroong pagmamalaki at pagmamahal sa kanyang bayan.
Mula sa dating anim na raang kadete, dumoble ang bilang ng mga kadete ng PUP ngayong taon dahil sa mga pagbabagong ipinatupad ng kanilang Commandant. Mas inaasahan ding tataas pa ang bilang ng mga kadete ng PUP sa darating na pasukan dahil sa konkretong batayang nakikita, nararanasan at natututuhan ng mga estudyante sa mga pinagdadaanan nilang pagsasanay.