
Ako ay isang residente ng lalawigan ng Quezon at dito na rin ako lumaki, nag-aral, nanirahan at nagkapamilya. Nais ko lang pong magpahayag ng aking damdamin sa malaking kasinungalingan na pinapakalat ng mga komunistang NPA sa aming lalawigan. Tawagin nyo na lamang po akong “Tatay Emong”. Naninirahan ako sa isang bayan sa Quezon na noong una ay totoong payapa at tahimik, subalit nang dumating ang mga armadong grupo ng Bagong Hukbong Bayan o mas kilala sa tawag na NPA ay nagsimula nang magkaroon ng kaguluhan ang aming barangay.
Isang malaking kayabangan ng CPP-NPA-NDF na magkunwari silang naisulong nila ang mga rebolusyonaryong gawain at sila ay nagsisilbi sa mga taga Quezon. Sa katunayan napakaraming beses na silang kinondina sa pamamagitan ng mga peace rally sa iba’t-ibang bayan ditto sa aming lalawigan. Nakikiusap kaming mga mamamayan ng lalawigan ng Quezon na itigil na nila ang mga sapilitang panghihingi at pananakot sa amin. Sa totoo lang po simula nang magkaroon ng NPA sa QUEZON hindi na kami natahimik. Araw at gabi kaming naliligalig at balot sa takot dahil sapilitan silang nakikituloy, nakikitulog, nakikikain at kung anu-ano pa.
Sabi nila nagtatagumpay sila sa kanilang ipinaglalaban. Masasabi bang tagumpay ang mga ginagawa ng mga NPA? Ano ang tagumpay sa mga pamemerwisyo sa aming taumbayan tulad na lamang ng ginagawa nilang pagpapasabog sa mga cell site? Pinapasabog nila ang mga linya ng komunikasyon dahil tumatanggi ang kompanya na magbigay sa kanila ng rebolusyonaryong buwis o kaparte nila? Bakit, kasosyo ba silang mga NPA ditto para manghingi ng kaparte? Ang mga linya ng komunikasyon ay malaking pakinabang sa mga mamamayan ng Quezon dahil sa halagang piso ay makakarating sa aming mga malalayong kamag-anak an gaming mga mensahe. Kaya sa ginagawa nilang pagpapasabog sa mga cell site kaming taumbayan ang kanilang pineperwisyo.
Ang pag-gawad nila ng kamatayan sa pamamagitan ng kangaroo court ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao. Subalit ito ay ipinagmamalaki pa ng BAGONG HUKBONG BAYAN. Ang dapat ipagmalaki dito, ang pumatay sila ng mga ordinaryong sibilyan? Na walang ninais kungdi ang mamuhay ng tahimik dahil lamang sa kanilang pagdududa?
Kung talagang maka-masa at maka-bayan sila, bakit nagtatago sila sa likod ng kanilang mga alyas? Kung totoong malinis ang kanilang hangarin sa aming mga taga Quezon ay bakit hindi sila magpakilala? Isa pa, ang sabi nila sila ang tunay na hukbo ng bayan, pero bakit sa aming mga masa sila umaasa nang lahat ng kanilang mga pangangailangan. Inaagaw na nga nila ang mga kabataan pati ba naman pagkain nila ay sa amin pang mahihirap kukunin?
Sa pagkakataong ito, ako at maraming mamamayan dito sa lalawigan ng Quezon ay nananawagan sa mga NPA na hindi pa huli ang lahat at hindi nila dapat na sayangin ang natitiras nilang buhay, lakas at panahon sa isang labang wala naming pinapatunguhan. Hindi masang mahirap na Pilipino ang kanilang pinaglilingkuran, sa halip ang kanilang mga pinuno na siyang nakikinabang sa kanilang kalakasan at talento.
Pinaniwala silang ang kanilang mga pinuno ang kanilang tunay na gabay. Subalit ang aking katanungan ay nasaan ang kanilang mga pinuno? Alam ng lahat na ang mga ito ay nasa ibang bansa at naghihintay ng mga koleksiyon ng mga maralitang mandirigma. Ilang pulang mandirigma na ang namatay sa laban ngunit may pinuno bang namatay? Wala, dahil ginagamit lamang nila ang mga mandirigma para sa kanilang pansariling interes. Kung talagang maganda ang palakad at pamumuno ng NPA wala sanang magbabalik loob sa pamahalaan. Subalit sa nakikita at nararanasang bulok na liderato ng kanilang kilusan boluntaryong sumusuko ang mga ito upang makapag-bagong buhay sa piling ng kanilang pamilya.
Sa ganitong kalagayan, ilang ulit man silang maglagom at kunway magwasto ng kanilang mga kamalian, bistado pa rin naming mga ordinaryong mamamayan ang kanilang mga panlilinlang. Pilit nilang ipinapakita ang kanilang kalakasan, pilit nilang pinagtatakpan ang kanilang kahinaan pero MULAT NA ANG TAUMBAYAN SA TUNAY NILANG LAYUNIN . . . ANG KAMI AY GAMITIN, LOKOHIN AT PAGKAKUWARTAHAN.
SA MGA KAPATID NAMING NPA, NAKIKIUSAP KAMI NA KAYO AY MAGBAGO NA, BALIKAN NYO ANG INYONG MGA PAMILYA AT TULAD NAMIN NABUBUHAY SA SARILI NAMING PAGSISIKAP AT PAGTITIYAGA.