SUNDALO NG ATING BAYAN

By: Christine Soriano, Student Adamson University

 



         Nakakatuwang isipin at masarap damahin na makakita ng mga sundalo sa siyudad na naglilingkod sa ating mahal na bayan. Sila ay naging kaibigan at kaakibat na ng ating mga mamamayan sa pang araw-araw nilang pamumuhay. Una, dahil handa silang pangalagaan at protektahan ang taong bayan. Pangalawa, handa nilang sugpuin ang mga maling gawain ng grupo na sumusupil sa ating gobyerno. Higit sa lahat ay para matigil ang pag rerekrut ng mga menor de edad at masagip ang mga kabataan na naliligaw ng landas na sumapi sa mga kilusang laban sa gobyerno. Handa ang ating mga kasundaluhan na lutasin ang lahat ng mga hindi makataong gawain kahit mangangahulugan pa ito ng pagbubuwis ng kanilang buhay. 

         Ang kasundaluhan ay may napakahalagang tungkulin o misyon na ginagampanan sa ating bayan at ito ay ang pangalagaan ang ating estado at protektahan ang taong kanilang nasasakupan. Sila rin ang tagapagtanggol ng ating inang bayan. Hindi biro ang nakaatang na mga tungkulin sa ating mga kasundaluhan. Ito ay napakabigat na responsibilidad na kahit sino man ay hindi ito mapapantayan. Kahit ang kanilang sariling buhay ay handang ialay magampanan lamang ang kanilang sinumpaang tungkulin.

         Handa ang mga sundalo sa ating lungsod na sugpuin ang maling gawain ng mga makakabilang grupo at pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan lalo na ang mga taong kanilang nililinlang. Gaya ng paggamit ng mga kabataan bilang front liner sa pakikipaglaban sa ating gobyerno, paniningil ng butaw sa mga kapwa nating manggagawa, at pagpapasabog ng ibat ibang gusali at iba pang mga imprastraktura na lalong nagpapahirap sa ating bansa. Lahat ng ito, kasama lahat ng kanilang ipinaglalaban ay wala namang magandang maidudulot kungdi ang sariling kapahamakan lamang at sa ating mga mahal na kababayan. Lahat ng kanilang paghihirap ay pakikinabangan lamang ng kanilang mga pinuno; mga pinunong walang ginawa kungdi magpasarap sa buhay. Sila ay walang mga awang nararamdaman habang ginawa ang mga maling gawain sa kanilang kapwa.


         Isa sa mga napakahalagang tungkulin ng ating sundalo ay pangalagaan ang ating kabataan. Ituro sa kanila ang tamang landas na para sa ikagaganda ng kanilang buhay.  Ang mga kabataan ay nararapat lamang na bigyan ng sapat na pagmamahal at edukasyon sa pamamagitan ng paghawak ng libro sa halip na armas.  Ang mga kabataan ay hindi dapat gamitin sa laban na ikasisira ng kanilang buhay kundi dapat paunlarin ang kanilang buhay para makamit ang matiwasay na buhay at makatulong sa kanilang sariling pamilya.

         Napakahirap na tungkulin ang pinapasan ng ating mga kasundaluhan subalit kahit anong bigat ang kanilang pinapasan na responsibilidad ay buong tapang nilang hinaharap ang kanilang sinumpaang tungkulin para makamit ang pagkakaisa at kapayapaan ng ating inang bayan.

Saludo ako sa ating mga sundalo! isang karangalan na mapabilang sa ganitong uri ng trabaho sapagkat karangalan ng ating bansa ang kanilang ipinaglalaban.  Sundalo, mahal namin kayo!