KABATAAN KAILANGAN KA BA NG ATING BAYAN?

By: Ms. Babes Agbisit, Government Employee

 



         Iningatan ka simula pa ng ika’y isilang, hinubog at pinangarap na ikaw ay maging pag-asa ng ating bayan.

         Ano man ang antas ng pamumuhay sa ating lipunan, ang mga batang bagong silang ay pinaglalaanan ng panahon upang arugain, mahalin at pagtuunan ng panahon upang ipadama ang karapatang mabuhay at maging handa sa mga haharapin sa kinabukasan. Ito ba ay sa dahilang ikaw ay kailangan? Meron kang tungkuling gagampanan balang araw o maging palamuti lang sa daigdig na ating ginagalawan.

         Dahan-dahan itinuro ang lahat ng mabubuti at magagandang bagay. Inihanda ang lahat ng bagay na makakatulong sa paghubog ng iyong kamuwangan, upang makilala at pahalagahan ang mga inilaan sayo na sadyang nandiyan na bago ka palang isilang; ang kapaligiran, mga tao at ang bayan na ating kinabibilangan. May magagawa ka ba upang sila ay paglingkuran o iwasan at balewalain kung kinakailangan?


         Talos mo ba ang nasa loobin ng mga taong nagtitiwala sayong kabataan, na naghahangad at nangangarap na ikaw ay maging sandigan pagdating ng araw. Pangarap na ikaw lamang ang makakatugon at makakatalos, kailangan ka pa kaya ng bayan?

         Sa aking pananaw ilang salin lahi man ang dumaan ano man ang ating maranasan walang ibang maaasahan kundi kayong mga kabataan.