Noong ika-20 ng Abril 1987, habang ako ay ngababakasyon sa bahay ng uncle ko sa manila ay nangyari ang isang trahedya na hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko na kahit sa edad kong pitong taon gulang pa lamang at musmos pa ang kaisipan ay naranasan ko ang mawalan ng dalawang pinakamamahal ko sa buhay.
Nangyari ang lahat bandang alas dos ng hapon sa detachment ng 57th IB, 3ID, Bato sagay, Negros Occidental kung saan na destino ang aking ama na si M/Sgt Elpidio S Espina, na sa mga oras na iyon ay nagpapaphinga sa kanyang baraks kasama ang aking nanay na si Thelma R Espina at nakakatanda kong kapatid na si Bonnette R Espina na siyam na taon gulang pa lamang noon.
Nilusob ang kanilang detachment na binubuo lamang ng labing walong sundalo at ang iba ay puro sibilyan na ng mga elemento ng Bagong Hukbong Bayan na humigit kumulang sa walumpung katao, habang ang mag sundalo at ang kanikanilang pamilya ay nagpapahinga sa mga oras na iyon.
Ilang minuto lang ng bakbakan sa pagitan ng militar at NPA ay marami na kaagad ang namatay na mga sundalo at sibilyan. Kasama sa mga napatay ay ang kapatid ko na natamaan sa ulo at ang itay ko na hindi pa sila na kontento sa tama ng bala kung kaya’t sinunog nito ang katawan niya. Habang ang aking nanay sa mga oras na iyon ay natamaan ng dalawang bala sa tagiliran malapit sa puso niya na muntikan na niyang ikamatay.
Nang nag responde ang ibang tropa ng Hukbong Sandatahan ay agaran na inilikas ang mga sugatan na militar at sibilyan kasama ang nanay ko sa Ospital ng Central Command sa Cebu City para maisalba ang buhay niya. At malaki ang pasasalamat ko sa puong may kapal na binigyan pa niya ng isang pagkakataon mabuhay ang inay ko.
Nang tuluyan ng lumakas at maka recover sa pangyayari ang inay ko ay binigyan siya ng pagkakataon ng Commanding General ng Central Command ng magkapagtrabaho doon na sa magpahanggang ngayon ay isa na siyang regular civilian employee. Hindi na nag-asawa pa muli ang nanay ko kung di binuhos na lamang niya ang oras niya sa pag-aalaga sa akin hanggang sa makapagtapos ako sa pag-aaral.
Sa kabila ng nangyari sa pamilya ko ay hindi eto naging hadlang sa ambisyon ko na maging isang opisyal ng Philippine Army bagkus eto ay naging isang rason na ituloy ko ang nasimulan na misyon ng tatay ko na paglingkuran ang sambayanang Pilipino.