Para sa isang dating rebeldeng NPA na katulad ko mahirap isulat ang mga kuwento ng mga kapwa ko kababaihan na nalinlang, nagamit, naging kasangkapan ng armadong kilusan, napalaban, ang iba nasugatan sa engkuwentro at kalaunan ay natauhan at ngayon ay nagsisikap na magbago at maging bahagi ng pagbabago ng ating lipunan sa mapayapang paraan. Mahirap dahil iisa ang aming karanasan, bagamat wala ni isa man sa amin ang may layuning mas lalong pahirapan ang ating mahihirap na kababayan, pumatay ng kapwa namin Pilipino at iwan ang aming mga magulang, masakit namang tanggapin ang katotohanang naging bahagi kami ng lahat nang ito. Ang mga kwentong inyong mababasa ay inilalaan namin sa kapwa namin Pinay na naglalayong maging makubuluhan ang buhay. Hindi layunin ng salaysay na ito na sariwain pa ang sugat nang nakaraan bagkus ay kapulutan ng aral ng bawat kababaihan at higit sa lahat ng mga kabataan, estudyante man o hindi.
SI SALVE . . . . . . . . . . isang ordinaryong bata, naninirahang masaya kapiling ang kanyang mga magulang at kapatid sa isang bayan sa Masbate. Nag-aaral siya noon sa hais skul nang magkaroon ng malaking problema sa lupa ang kanyang ama. Natunugan ng mga kasamang nag-oopereyt sa kanilang lugar, inugnayan ang kanyang tatay, pinangakuan ng kung anu-ano at di kalaunan ay boluntaryong pinasama sa mga armado sa pag-aakalang malaki ang maitututlong ng pagsapi ng batang si Salve sa mga NPA sa pagbawi ng kanilang lupain. Labing anim na taong gulang (16) noon si Salve nang isama ng mga armado. Dinala sa pusod ng kagubatan sa kanyang bayan, kalaunan ay inilipat sa Camarines Norte, hanggang tuluyan nang nagging staff ng Bicol Regional Party Committee na nakabase sa Camarines Sur.
Dalawang taong singkad na naging armadong amasona, napasama sa tatlong engkuwentro, naging kasapi ng team ni Ka Rodil nang mang-isnayp sila ng mga sundalo, pinakilos sa legal, ginawang staff sa office works ng Dagundong ng Bicol. Nasugatan sa kanang binti dahil sa laban, nakaranas ng gutom, matulog nang basa ang damit sa katawan, kainin ng niknik at papakin ng linta sa kabundukan, maglakad ng kilu-kilometro ang layo, at matulog kung saan abutan ng kadiliman. Tiniis ang lahat ng hirap sa kabundukan sa paniniwalang ang kanyang ipinaglaban ay para sa kanyang pamilya, para sa kanyang bayan at higit sa lahat para sa kanyang karapatan.
Pero nang mapa-engkuwentro nang minsan, iniwanan ng kanyang mga kasamahan, ang pagwawalang bahala kay Salve ang nakuha niyang kabayaran sa ginawa niyang tapat na pagseserbisyo sa kilusan. Eto si Salve isang batang naniwalang ang kilusan ang tugon sa problema sa lupain ng kanyang pamilya. . . isang batang sa murang edad ay pinasan ang problema ng bayan sa pag-aakalang tama ang kanyang ipinaglalaban, subalit nagising sa katotohanang niloko ang kanyang mga magulang, pinagsamantalahan ang kanilang kakulangan ng kaalaman, at higit sa lahat ginamit ang kanyang kainosentihan. Sa ngayon si Salve ay nagsisikap na makapagtapos ng pag-aaral, umaasang sa tulong ng mga kasundaluhan at pamahalaan makakamit niya isang araw ang kanyang mga pangarap na minsang naging mailap dahil sa panloloko ng komunistang kilusan.
SI LEA . . . . . . . . . . siyam na taong gulang nang himuking sumapi sa kilusan ng grupo ni Ka Asis, isang katutubo na miembro ng mga Agta sa Ocampo, Camarines Sur. Sinama ng mga armado sa kanilang unit, tinuruang magkalas at magbuo ng armalite sa halip na turuang magbasa at magsulat. Isinailalim sa pagsasanay militar sa kabundukan, sa halip na sanayin sa mga kapaki-pakinabang na bagay. Pinagsamantalahan ang pagiging miembro ng isang tribo sa kabikulan, inabuso ang kawalan ng sapat na pinag-aralan. Ayon kay Lea sumama siya sa mga armado dahil sa pag-aakalang magkakaroon siya ng magandang kinabukasan dahil sa pangakong siya daw ay pag-aaralin. Nag-aral nga naman si Lea, yun nga lang ang pinag-aralan ay kung papanong pumatay at makidigma.
Naging kasapi si Lea ng armadong grupo ni Ka Asis, naranasang maglakad ng tatlong araw at tatlong gabi, isang lingo minsan pa nga at kadalasan higit pa dito, naatasang magnakaw ng mga pananim ng mga mahihirap na magsasaka sa Ocampo, Camarines Sur, itinalagang maging “Look Out” o bantay sa ilang taktikal na opensiba na inilunsad ng mga armado laban sa mga sundalo at kapulisan, hanggang isinama na sa hindi na mabilang na engkuwentro na kung saan nalagay sa peligro ang buhay ni Ka Lea. Dahil sa miembro ng isang tribo ng Agta sa Camarines Sur, inakalang ang kanyang ginagawa ay normal at bahagi lamang ng pagbabantay sa kanyang mga kapwa katribo.
Ayon kay Ka Lea, ginawa din silang panghimok at pamproppaganda sa mga kabataan sa mga baryo at barangay na kanilang pinupuntahan upang magpalawak ng baseng masa. Isinama din siya sa pangongolekta ng mga rebolusyonaryong buwis, kabilang din sa isang grupo na nang-isnayp sa mga kapulisan at kasundaluhan sa Iriga City, at hindi mabilang na isnayping assaynment pa ang kanyang kinabilangan, eto ay sa edad pa lamang na labing dalawang taong gulang (12).
Matapos grumadweyt sa isnayping isinama na sa mga taktikal na opensiba si Lea, sa murang edad iminulat sa karahasan, ang murang katawan ay ginamit na pandigma sa isang digmaan di naman niya lubos na naunawaan. Sabi ni Lea, minsan sa isang kuwentuhan namin, pinangakuan din siya ng mga kasama na susuwelduhan pero tumagal na lamang umano siya sa pakikipaglaban ni isang singkong duling ay di siya nakahawak, pero ayon kay Lea tuloy pa din siya sa pakikipaglaban dahil ang sinabi na naman sa kanya karapatan ng kanyang kapwa katribo ang kailangan nilang isulong at ipaglaban.
Sinamang palad din si Lea, nahuli subalit dahil sa kinakitaan ng kainosentihan at sensiridad na gusto nang magbago, binigyan ng pangalawang tsansa. Pero di pa nakuntento ang mga kasama, dinukot si Lea, mabuti na lamang at sadyang may taglay na lakas na loob, tumakas at bumalik sa mga sundalo. Sa ngayon ay pinag-aaral din si Lea ng kasundaluhan, nagsisikap na makabangon sa kumunoy na kanyang kinasadlakan, ang masakit ang mga taong gumamit sa kanya ay naglahong parang bula, ang kasama at kabalikat ni Lea sa ngayon sa pagbabagong buhay, ano pa nga ba ang dapat asahan. . . di ang sundalo na naman.
SI ROSE ANN . . . . . . . . . . isang batang wala pang kamuwangan sa nangyayari sa kanyang mundong ginagalawan. Isang araw, namatay ang kanyang ama at sinabing ang sundalo ang pumatay dito kahit pa nga hanggang sa ngayon ay walang konkretong batayan o ebidensiya na makakapagturo sa kung sinong sundalo. Isinama sa mga kilos protesta ng mga prenteng organisasyon, ginamit sa mga rali kung saan-saan, pinagbitbit ng placards, at pinasigaw sa mga demonstrasyon. Sinakyan at sinamantala ang galit na damdamin ng batang si Rose Ann, dinala kung saan-saang lugar, inagaw sa paaralan at hanggang kalaunan tuluyan nang itinulak na umakyat sa kabundukan, sumapi sa armadong kilusan at humawak ng armas at gamitin sa pakikipaglaban. Ang masakit hindi lang si Rose Ann pati ang dalawang nakababatang kapatid ay ginamit din ng kilusan.
Tuluyan nang pumalaot sa mundo ng pakikidigma ang batang si Rose Ann, gumampan ng iba’t-ibang papel, pumasan ng iba’t-ibang responsibilidad, pinasan ang problema ng bayan sa pag-aakalang tama din ang kanyang ipinaglalaban. Hanggang tuluyan nang bigyan ng mabibigat na responsibilidad sa armadong kilusan, katulad nila Salve at Lea, isinama sa mga gawaing masa sa layuning mapag-alab ang galit na damdamin ng taumbayan. Tumagal at lumao’t sa pagkilos sa kabundukan hindi na lamang gawaing masa ang ginagampanan, isinama sa iba’t-ibang taktikal na opensiba, pinalitaw sa mga kapatagan at kalunsuran, isinama sa mga paglilibot sa iba’t-ibang paaralan sa kamaynilaan at nag room-to-room upang lalo pang pag-apuyin ang damdaming galit ng mga estudyante.
Pinaniwalang ang paghawak lamang ng armas ang solusyon sa problema ng lipunan at ang pagpatay sa sundalo ang pinal na makakatighaw sa kanyang pagtatanong kung sino ba talaga ang pumatay sa kanyang ama. Araw at gabi naglalakad, nakakaranas ng gutom katulad ng iba pang babaeng armado, matulog ng basa ang damit sa katawan, kahit bumabagyo lakad pa rin, malagay sa alanganin ang buhay sa bawat encounter na kanyang nasasamahan.
Tuluyan na ring hindi nakapag-aral, makakapagtapos na sana ng high school pero katulad ng iba pang armadong amasona, iniwan ang silid aralan at ang naging paaralan ay ang malawak na kabundukan, ang papel ay ang M16 at ang lapis ay ang mga bala nito. Subalit isang araw, napalaban sa isang grupo ng mga sundalo, sinamang palad na masugatan pero ang masakit wala ni isa mang kasama ang sumaklolo sa kanya at bagkus siya ay iniwan hanggang sa madakip ng mga sundalo.
Kailangan pang malubhang masugatan ni Rose bago mapagtanto na ang solusyon sa problemang sosyal ng bansa ay hindi kailanman mareresolba sa pamamagitan ng bala at baril. Sa ngayon katulad nila Salve at Lea pilit na hinahabol ang panahon na makabangon, nagsisikap na mamuhay ng normal sa kabila ng katotohanang malayo sa kanyang mga magulang. Pero katulad din nila Salve at Lea, matapang na hinaharap ang bukas upang maipakita na sensiro ang kanyang pagnanais na magbago at maging bahagi ng positibong pagbabago ng ating bayan.
SI HANNA . . . . . . . . . . labing pitong taong gulang lamang, katatapos pa lamang grumadweyt sa high school, miembro ng isang katutubong tribo na naninirahan sa lalawigan ng Rizal, isang batang maraming pangarap sa buhay at punog-puno ng pag-asa na magiging bahagi ng pagbabago ng kanyang lipunang ginagalawan.
Labing pitong taong gulang din siya nang tuluyan nang sumapi sa armadong kilusan. Ayon sa kuwento ni Hanna, nais lamang niyang makatulong sa kanyang mga katribo, likas umano sa kanya ang pagiging matulungin. Ang katangian ding ito ang pinagsamantalahan ng armadong kilusan sa pagrerekluta sa kanya. Pinaalab ang damdamin laban sa gobyerno, inatasang magbuo ng grupo ng mga kabataan hanggang sa tuluyang umakyat na rin ng kabundukan at prumonta sa mga pakikipaglaban.
Likas kay Hannah ay maging mapanuri at mapagtanong dahil sa katangiang ito nakita ng mga armado ang potensiyal ng batang si Hanna na magiging magandang ehemplo sa mga kabataan sa Rizal. Naging idolo ng mga katutubo na siya ring dahilan para makuha ang simpatiya ng kanyang mga katribo.
Katulad nila Salve, Lea at Rose isinama sa hindi mabilang na taktikal na opensiba, naging medical officer at kung minsan pumapapel bilang Vice Platoon Leader ng isang yunit ng hukbo. Ayon kay Hanna nang magka-asawa siya sa kilusan at lumaon ay nagbunga ito sa kanyang sinapupunan, nagpaalam siyang ipagpapatuloy na muna ang kanyang pagbubuntis dahil sa pangarap na makapagbuo ng isang pamilya. Ang masakit ayon kay Hannah sa halip na payagang makapagpahinga muna isinama sa sunod-sunod na taktikal na opensiba hanggang sa malaglag ang kanyang dinadala at hindi lamang isang beses kundi dalawang beses na nawalan siya ng anak dahil sa paglilingkod sa kilusan.
Inakala ding tama ang kanyang ipinaglalaban, subalit sa isang taktikal na opensiba na kung saan siya nasugatan, dinala sa isang pagamutan subalit pagdating dito iniwan na lamang at pinabayaan. Katulad nila Salve, Lea, at Rose ngayon nagsisikap na muling bumangon at makapag-bagong buhay, humahabol sa panahon na makamit ang mga pangarap na hindi nakamtan sa pagsisilbi sa kilusan.
May sugat na nga sa katawan subalit mas malalim pang sugat ang iniwan ng kilusan sa damdamin ni Hanna na inakalang ang kanyang pagiging tapat sa hukbo ay magiging daan ng pagbabago ng kanyang buhay higit sa lahat ng kanyang mga kababayan. Katulad ng iba pang mga amasona, nabigo at ngayon ay pilit na tumatayo.
Si Salve, si Lea, si Rose at si Hanna at marami pang mga kababaihan. . . ilan pa kayang mga kabataang pinay ang kailangang iwan ang paaralan, kalimutan ang sariling pangarap, lisanin ang mga magulang, at umakyat sa kabundukan sa pag-aakalang ang lahat ng ito ang tamang daan sa kaunlaran? Ilan pang katulad nila ang malilinlang? Ilan pang mga kabataan ang patuloy na mapagsasamantalahan at mabababoy ang karapatan?
SI SALVE, SI LEA, SI ROSE AT HANNA. . . MAY SUSUNOD PA KAYA SA KANILA?