Estudyante noon si MARILYN ANAYAT, labingdalawang taong gulang nang unang maugnayan ng isang armadong miembro ng Bagong Hukbong Bayan. Miembro ng isang katutubong tribo si Marilyn, namumuhay ng isang simpleng buhay sa Brgy. San Andres, Tanay. Rizal kapiling ang kanyang mga magulang at kapatid. Bukid, bahay at paaralan lamang ang normal na ruta ni Marilyn, pero isang araw ang lahat nang ito ay nabago. Nawala ang paaralan, naglaho ang bahay naging malawak na kabukiran at kabundukan ang naging mundo ni Marilyn.
Nawala ang normal na pamumuhay ni Marilyn bilang isang bata, naglaho ring parang bula ang tunay na identidad ni Marilyn. Si Marilyn ay naging KA HANNA, KA JANET at KA JOAN. Hindi na bahay at paaralan ang normal na ruta at mundo, ang malawak na kabundukan at masukal na kagubatan ang naging tahanan ni Hanna. Hindi na libro ang hawak bagkus napalitan ito ng isang mataas na kalibreng armas, isang M16. Hindi na leksiyon ng pormal na edukasyon ang pinag-aaralan, bagkus panong umatake at mapasabak sa engkuwentro o kursong pangmilitar, magkalas at magbuo ng M16, maglatag ng detonated land mines, maglatag ng ambush o raid at kung anu-ano pang karahasan ang natutuhan ni Marilyn sa kilusan. Grumadweyt hindi sa loob ng paaralan kungdi sa gitna ng kagubatan.
PAANO NANGYARI ITO? ? ? Nang lumantad si Marilyn sa media nitong nakalipas na buwan sa himpilan ng 2nd INFANTRY “JUNGLE FIGTHER” DIVISION nalaman ng buong bayan ang mapait na karanasan ng isang batang katutubo na walang pinangarap kungdi ang makapag-aral, makapagtapos sa kolehiyo, magkaroon ng maayos na trabaho at higit sa lahat makatulong sa kanyang pamilya at tribo. Simpleng bata, na may simpleng pangarap sa buhay . . . ang kasimplehang ito ang winasak ng BAGONG HUKBONG BAYAN.
Ayon sa kuwento ni Marilyn, labing pitong taong gulang siya noon nang tuluyan nang mahikayat ng mga propaganda ng Bagong Hukbong Bayan. Sumapi umano siya sa hukbo dahil sa pagnanais na makatulong sa kanyang tribo sa pag-aakalang ang grupo ang siyang mag-aahon sa kanila sa dustang kalagayan. Niyakap niya ang madugong pakikipaglaban at digmang bayan dahil sa pag-aakalang ito ang sagot sa kanilang kahirapan.
Nang sumampa sa hukbo at tuluyan nang iniwan ang pamilya, inakala ni Marilyn na magiging bahagi siya ng pagbabago ng kalagayan hindi lamang ng kanyang pamilya kungdi ng buong tribong Dumagat. Tinanggap niya ang lahat ng atas at tungkulin na ini-atang sa kanya ng kilusan. Nag-aral ng mga komunismong kaaralan, sinanay bilang “bomber” hanggang tuluyan nang pumalaot sa madugong pakikipaglaban.
Ayon kay Marilyn halos lahat ng taktikal na opensibang inilunsad ng Rizal Provincial Committee ng Bagong Hukbong Bayan ay kasama siya. Maluwag umano sa dibdib na tinanggap niya ang lahat ng atas dahil base sa pagpapaliwanag kailangan nilang mailatag at maisulong ang digmang bayan upang tuluyan nang mapalawak ang pagpapatupad ng Pambansang Demokratikong Rebolusyon sa buong kapuluan.
Lakad, pagbibigay ng aral, lakad, opensiba, raid, ambush at harassment at lakad pa, dagdag pa dito ang pagpapalutang ng konsumo sa masang mahirap na Pilipino, ang mga ito ang naging takbo ng buhay ni Marilyn sa bundok ng Rizal. Tiniis ni Marilyn ang lahat ng hirap sa kagubatan, andiyang matulog ng basa ang damit, andiyang isang araw walang kain, ang walang katapusang paglalakad sa masusukal na bahagi ng kabundukan ng Rizal. Ang mauhaw, ang makagat ng hantik, ang mahabol ng layug-layugan, ang makasalubong ng ahas. . . pero dahil sa matinding paniniwala sa pangako ng kilusan. . . sige lang . . . tiis lang . . . pero ang lahat nang ito ay nawalan ng halaga . . . kapalit ng sakripisyo . . . ang DALAWANG ANAK SANA NI MARILYN.
Sa lahat ng sakripisyo ni Marilyn inakala niyang magkakaroon ito ng saysay sa mga pinuno ng hukbo, subalit ang naging kapalit ay ang pagkawala ng kanyang dalawang anak sa kanyang sinapupunan. Ikinuwento pa ni Marilyn na noong unang pagbubuntis niya ay humingi siya ng pahintulot sa kanyang kumander na pansamantalang umuwi muna sa kanyang mga magulang at magpahinga upang maisilang nang maayos ang kanyang anak. Sa halip na payagang pansamantalang magpahinga sa gawaing military ng kanyang unit, isinama si Marilyn sa sunod-sunod na taktikal na opensiba hanggang sa tuluyang dinugo at malaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Sa kabila ng sama ng loob at tampo, hindi pa rin nagbago si Marilyn sa paniniwala sa ipinaglalaban ng kilusan. Inisip na lamang niyang ang pagkawala ng kanyang anak ay bahagi pa rin ng sakripisyo at prosesong dapat niyang pagdaanan upang mapagtagumpayan ang kanilang ipinaglalaban.
Balik si Marilyn sa takbo ng kanyang buhay sa bundok, sa kabila ng katotohanang nagkaroon siya ng “miscarriage” at kailangang magpahinga dahil maaring buhay niya ang malagay sa alanganin, tinanggap pa rin ni Marilyn ang lahat ng atas ng kanyang mga pinuno. Wala pang isang buwan balik lakad na naman sila, balik opensiba . . . lunsad kaliwa’t kanan dahil ayon umano sa limang taong plano ng armadong kilusan kailangang mapa-igting ang taktikal na opensiba, siyamnapung porsiyento ng kanilang pagkilos ay taktikal na opensiba samantalang sampung porsiyento nito ay gawaing masa. Sa ganitong sitwasyon naging mas triple ang hirap na dinanas ni Marilyn at ng kanyang mga kasama sa bundok. Dahil sa sunod-sunod na opensibang kanilang inilunsad hindi naging madali ang pagpapalutang ng konsumo sa baseng masa, nariyang hindi sila kumakain ng mahigit pa sa isang araw, nariyang kahit umuulan at sa gitna ng dilim sa kalaliman ng gabi ay naglalakad ng kilu-kilometro, ang lagi nang naka-ambang panganib ng susunod na engkuwentro dahil sa pagtugis sa kanila ng legal na puersa ng pamahalaan ng mga kasundaluhan.
At isang araw, dumating at nangyari ang matagal nang pinangangambahan ni Marilyn alias KA HANNA ang masugatan sa laban . . . . . .
Madaling araw ng JANUARY 3, 2009 nakahanda na ang tatlong iskwad ng SENTRONG DEPENSANG GRUPO ng lalawigan ng Rizal sa isasagawang ambush sa mga kasundaluhan. Nakapagtanim na rin sila ng detonated landmines sa kahabaan ng lansangan ng Sitio Calumpit, Brgy. Macabud, Montalban, Rizal. Nakapuesto na ang AGILA, BAGWIS at KILYAWAN sa takdang lugar, gayundin ang Blocking Force 1 hanggang 4 pati na ang mga look out ng armado. Pasado ala una bente singko ng hapon, kinonsolida na ni Ka Hanna ang koda ni Marilyn sa hukbo ang kanyang puersa, inisa-isa nang baybayin ng mandirigmang si Hanna at binigyang ng utos ang bawat miembro ng kanyang team sa Agila . . . “PASADA NA”. Ang mga katagang ito ay hudyat na paparating na ang rerespondeng legal na puersa. Naghanda ang lahat mula Agila, Bagwis at Kilyawan, subalit laking gulat ng lahat na armado nang hindi sundalo ng 16th Infantry Battalion ang rumesponde bagkus isang team ng kapulisan na pawang mga miembro ng 418TH PROVINCIAL POLICE MOBILE GROUP ng RIZAL PNP.
Ilang minuto lamang ang nakalipas, dumating ang 418th PPMG, dumaan ang patrol car ng mga ito sa itinanim na landmines, sumabog at dito nagkalituhan na. Una, ang inaasahang reresponde ng unit ni Hanna ay mga sundalo, ikalawa sa sobrang lakas ng pagsabog ng landmines hindi na nakapagpaputok ang team ng 418th PPMG . . . sa gitna ng malakas na pagsabog, sigaw ng komand ng bawat leader ng tatlong iskwad, putukang nagmumula lamang sa panig ng armado hindi na napansin na isa sa puersa ng pakat ng Agila ang tinamaan.
Sa gitna ng putukan na mismong armado lamang nanggagaling, tinamaan si Ka Hanna, tamang mula sa M16 ng kanyang katabing armado. Isang labing pitong taong gulang na NPA na dati nang may trauma sa unang engkwentro kinabilangan nito, ang engkwentrong nangyari sa Sitio Macalla, Gen Nakar, Quezon noong March 2008.
Tinamaan ang batang katutubo sa kanang bahagi ng tiyan, tumagos ang bala sa kaliwang bahagi nito, putol ang bituka ni Ka Hanna. Nagdedeliryo na ang batang hukbo, inaakalang katapusan na ng kanyang buhay. Dinala si Ka Hanna ng kanyang mga kasama sa isang baseng masa, ilang oras pang naghintay ng saasakyang magdadala sa kanya sa ospital. Ayon kay Hanna sa gitna ng pagdidilim ng kanyang pananaw ay nauulinigan pa niyang nagtatalo ang kanyang mga kasama kung sino ang magdadala sa kanya sa ospital.
Nadala nga sa ospital ang batang mandirigma, sa gitna ng gabi ipinasok sa LOURDES HOSPITAL sa Sta. Mesa, Manila si Hanna. Ipina-opera naman, pinangakuang hindi iiwan at binigyan ng instruction na kung may magtatanong sasabihin niyang kamag-anak niya ang mga nagdala sa kanya. Ayon kay Hanna, sinabi pa ng isang babaeng kasama sa mga nagdala sa kanya na kung tatanungin ang kanyang pangalan sasabihin niya siya si MYRA BAUTISTA, at ang kanyang kasamang babae ay si MARICAR BAUTISTA.
Sinunod ni Hanna ang lahat ng instruksiyon ng nagdala sa kanya sa ospital, subalit makalipas ang ilang araw ni isa sa mga ito ay hindi na bumalik. Nagsusumamo na si Hanna sa mga kasama na ilabas na siya ng ospital dahil nararamdaman na niyang matutumbok siya ng mga pulis. Subalit nag-tengang kawali ang mga kasama na nagdala sa kanya sa ospital. Pinangakuan siyang tutulungan ng grupong KARAPATAN, na ilalabas siya sa ospital, na hindi pababayaan.
Ang lahat ng PANGAKO NG KARAPATAN, LAHAT NAPAKO. Nakuha si Hanna ng pulis, dinala sa Camp Crame Hospital. At dito hindi kasama ang nag-alaga sa kanya, doctor ng PNP Hospital, pulis at sundalo ang nagbantay at sa kalaunan mga kapwa niya dating armado.
Sa paglaon ng araw, sa pakikipagtalastasan ni Hanna sa mga kapwa niya dating kasama sa kilusan, napagtanto ng batang mandirigma . . . ANG LAHAT NG PANGAKO AT PROPAGANDA NG KILUSAN AT HUNGKAG, HANGGANG PANGAKO LAMANG WALANG LAYUNING IPATUPAD AT ISAPRAKTIKA.
Dito nakita ni Hanna ang kaibahan ng armadong hukbo at ng legal na puersa ng PHILIPPINE NATIONAL POLICE at ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES. Ang takot niyang siya ay papatayin ng mga kapulisan at kasundaluhan ay bumagabag kay Hanna sa loob ng ilang araw, tumagal ng ilang lingo napagtanto ng batang mandirigma ang kanyang pangamba ay kailanman hindi mangyayari bagkus naging daan ito ng mga pagbabago sa kanyang buhay.
Sa loob ng siyam na taon ni hindi magawang makadalaw o makasilip man lamang si Hanna sa kanyang pamilya, Sinubok nito na humiling sa mga opisyal ng 2ID at 202 Bde na makita ang kanyang pamilya. Muling nagtagpo si Hanna, ang kanyang ama at ina at mga kapatid. Naramdaman na muli ng batang mandirigma ang init ng yakap ng kanyang Ina, yakap na nagpawi ng lahat ng kanyang pangamba.
Dito nagdesisyon si KA HANNA na tuluyan nang talikuran ang Bagong Hukbong Bayan. Isang desisyong hindi niya kailanman pagsisihan. Ang batang mandirigma nakakita ng PAG-ASA SA PAMAHALAANG PILIT NIYANG IBINABAGSAK. Sa ngayon si Ka Hanna ay buong tapang na hinaharap ang iba pang pagsubok sa buhay kasama ang kanyang mga magulang at mga kapatid at kapwa niya dating armado. Pilit na nagbabago at konkretong ipinapakita ito sa mga sundalong tumutulong sa kanya.
Ang sabi nga ni Hanna . . . “papano kami magiging masaya sa isang kilusang ninakaw ang aming kamusmusan.”