Isa sa pinakamahalagang elemento ng legal at parliyamentong pakikibaka ng mga prenteng organisasyon ng komunistang kilusan ay ang “PROPAGANDA”. Ang elementong ito ang siyang pangunahing konsiderasyon para makapaglatag ng isang mawalak at intensibong legal na pag-atake sa reaksiyunaryong gobyerno na hindi naipapakita ang tunay na mukha ng kilusan. Ibig sabihin ito ang “lambong” o takip na magtatago sa tunay na adhikain ng mga prenteng organisasyon. Ang propaganda ay kinakailangang naka-angkla sa mga balidong isyung politika, sosyal at moral. Nakatuon ang mga propagandang ito higit sa lahat sa kung anong iskandalo, kabulukan at korupsiyon ang kasalukuyang kinasasangkutan ng mga lider ng administrasyon.
Lahat ng propaganda ng komunistang kilusan ay masusing pinagpaplanuhan. Ito ay hindi basta-basta inilalatag nang hindi mabuting pinag-aaralan. Lahat ng aspeto nito ay kailangang malalim na ikonsidera. Ang konsiderasyon ay nakatuon sa kung saang anggulo dapat na itutok ang pangunahing linyada, anong “medium” ang gagamitin, sino ang unang tutumbukin para tuluyang maipakalat ang isyu, at mas malalim na pag-aralan pa upang sa gayon makamit ang pinal na obhetibo ng lahat ng propaganda. . . “ANG PUKAWIN ANG DAMDAMIN NG TAUMBAYAN”. Sa pangkalahatan, ang propaganda ay naka-angkla sa iisang istratehiya na mayroong tatlong sistema. Ang istratehiya ay “agitate the people” o sa simpleng pagpapaliwanag ay galitin, galitin, galitin at galitin pa ang taumbayan at ang tatlong sistema ay “pukawin, buuhin, at pakilusin”.
Sa pagpukaw ng damdamin ng taumbayan, una, kailangang mailatag ang linyada o ang “main propaganda lines” sa “national level”. Ito naman ay kailangang sundan ng mga propaganda na aabot hanggang sa pinaka liblib na baryo upang sa gayon ay iisa lamang ang linyada na sinusundan ng lahat ng kasaping organisasyon nito gayundin ng armadong grupo sa kanilang ginagawang pagpapalawak ng baseng masa o “mass base”o pagbibigay ng aralin sa mga kanayunan. Ang propagandang ito ay magmumula sa National Propaganda Commission o NProC ng pamunuan ng Communist Party of the Philippines at siyang magiging pangunahing linyada o “propaganda lines” ng lahat ng prenteng organisasyon. Ang paglalatag ng propaganda ay sentrong istratehiya ng parliyamentaryo at ligal na pakikibaka ng komunistang kilusan. Mayroong dalawang uri ng pakikibakang isinasagawa ang CPP-NPA-NDF, ang pangunahing porma ng pakikibaka ay ang “armadong pakikibaka” at ang pangalawang porma ng pakikibaka ay ang “legal at parliyamentaryong pakikibaka” na isinasagawa sa kasalukuyan hindi lamang sa “white area” o kalunsuran kundi maging sa “red area” o kanayunan. Magkasusog ang dalawang porma ng pakikibaka, at ito ay nangangahulugan na anuman ang sentro at pinatutunguhan ng legal at parliyamentaryong pakikibakang ginagawa ng mga prenteng organisasyon sa kalunsuran ay kailangang sinkronisado o naayon ito sa ginagawang taktikal na opensiba o pagkilos ng mga armado sa kanayunan. Ang pagkakatugma ng direksiyon ng dalawang porma ng pakikibaka ay mahalaga upang sa gayon ay tuluyang makita at maramdaman ng tao ang laman ng propaganda.
Paiingayin o patutunugin ang linyadang ito upang sa gayon ay maging sinkronisado ang lahat ng linyada ng kilusan sa buong kapuluan na siyang makakatawag ng pansin at higit sa lahat “makaka pukaw ng damdamin” ng taumbayan. Kailangang mailatag din ito sa lahat ng mga pangunahing media entity. Ang national propaganda lines naman ay kailangan ding sundan sa international scene na siyang dadalhin at palalawakin ng mga miembro ng ISW o International Soliarity Works. Ang mga miembro nito ay nakakalat sa iba’t-ibang dayuhang bansa, kung kaya’t hanggang sa ibang bansa ay nakakakuha ng simpatiya ang komunistang kilusan .
Sa pagpapa-ingay ng propaganda lines o linyada ng kilusan, lalo na sa parliyamentaryong pakikibaka pangunahin dito ang paglalatag ng isang malawak at sistematikong pagkilos sa lansangan tulad ng mga rali, demonstrasyon, protesta, transport strike, labor strike, piket, noise barrage, vigil, pagpapapirma ng kung anu-anong manipesto o kasulatan at kung anu-ano pa. kailangan ding ang propaganda ay susugan o sasakyan ng mga kilalang personalidad sa larangan ng pulitika, edukasyon, relihiyon, at sa iba pang sector ng lipunan upang sa gayon mas lalo itong makatawag ng pansin at higit sa lahat pag-usapan. Importante sa propaganda lines ay pinag-uusapan kung kaya’t ultimo ang leafleting, postering, streamers at kahit na sa isinasagawang OD-OP o operation dikit-operation pinta ng mga aktibista ay naka sentro ang tema sa inilatag na “main propaganda lines” ng NProC. Importante ding ang mga linyadang ito ay kailangang maging tampok sa mga pulong-talakayan, meeting, seminars, convention, o consultations ng iba’t-ibang tinatarget na sektor, sentro din dapat ito ng mga isinasagawang educational discussions o ED’s, discussion groups o DG’s, at study circle o SC’s sa hanay ng mga estudyante. Lahat ng sektor ay kinakailangan ding luminya dito tulad ng sektor ng transportasyon, relihiyon, manggagawa, mangingisda, maralitang taga-lunsod, magsasaka, kaguruan, at propesyunal o gitnang puersa.
Sa ganitong sistema mapapalutang ng mga prenteng organisasyon na ang kanilang ipinaglalaban ay ang “hinaing ng buong bayan.” Magmumukha nga namang ang mga kaliwang prenteng organisasyon ang tagapag-latag at nakikipaglaban sa karapatan ng mayoryang mahirap na mamamayan. Sa ganitong paraan naikokondisyon nila ang isipan ng taumbayan na “ang mga prenteng organisasyon ang siyang pangunahing paraan upang maiparating at maisigaw ng mga mahihirap ang kanilang mga hinaing at karapatan ”.
Iisa lamang ang layunin ng propaganda ng mga komunistang kilusan ito ay “IKONDISYON ANG ISIPAN NG TAUMBAYAN SA KANILANG MGA PROPAGANDA LINES”. Pangunahin sa pagkundisyon ng isipan ng tao ay ang gamitin ang mga balidong isyung moral, sosyal at political na nakatutok sa mga iskandalo at kabulukan ng gobyerno para isulong ang kanilang madugong rebolusyon na ang pangunahing naisasakripisyo ay ang mismong mamamayan.
Isa pa ring paraan ng pagpapa-ingay ng propaganda lines ay ang pag-angkla nito sa mga lehitimong karaingan na kadalasan ay nakasentro sa “karapatan” ng bawat sektor na nais nilang pasukin at gamitin. Sino nga namang matinong tao ang hindi makikipaglaban kung ang karapatan mo na ang maapakan? Palalawakin ito, dadalhin sa lahat ng media entity, magiging pangunahing sigaw din ng lahat ng mga sasama sa mga rally at demonstrasyon, at kung mapapansin at pag-aaralan magiging unipormado ang linya ng mga lider ng komunistang kilusan na nabibigyan ng libreng “airtime” ng mga istasyon ng telebisyon at radyo at maging sa diyaryo. Hindi nga naman halata ng bawat sektor na kanilang mapapakilos ang kanilang maitim na balak o agenda. Sa ganitong paraan lehitimo ang isinisigaw ng mga nagrarali, subalit sa kalaunan mapapansin na hindi na ang lehitimong karaingan ng sektor ang kanilang isinisigaw kundi mas malawak na isyu na tulad na “mga ismo”.
At ito ang pinal na obhetibo ng mga prenteng organisasyon, ang mailatag ang kanilang pansariling agenda sa pamamagitan ng pagsakay sa mga lehitimong karaingan at karapatang ipinaglalaban ng mga sektor na kanilang nililinlang upang sa gayon ay maisulong naman nila ang “PINAL NA OBHETIBO NG KOMUNISTANG KILUSAN ANG MADUGO AT MARAHAS NA REBOLUSYON” upang tuluyan nang maagaw ang pamahalaan.