Ang Paghubog

ANG PAGHUBOG NG ISANG ESTUDYANTE PATUNGONG AKTIBISTA AT ISANG PULANG MANDIRIGMA

Agnes Lopez Reano

  

         

         Ang mga abante o progresibong estudyante ang kadalasang tinatarget  ng mga rekruter ng mga prenteng organisasyon/grupo ng komunistang kilusan.  Una, dahil ang mga progresibong estudyante ay “mulat” na umano sa pampolitika, ekonomika at sosyal na kalagayan ng bansa.  Bukod pa dito ang mga kabataang ito ang mismong nakararanas ng kahirapan na siyang pangunahing linyada sa mga propagandang ginagamit sa panghihimok sa mga kabataan. Bagamat unang pinagtutuunan ng pansin sa pagrerekluta ang mga “abanteng” estudyante hindi naman isinasaisantabi ang mga “atrasadong” kabataan sa paniniwalang ang mga ito ay mahuhutok at maimumulat pa rin sa kasalukuyang pampolitikang sitwasyon ng bansa.

 

         Sa pagrerekluta, mas mahigit ang atensiyon at pagtutok na inilalaan sa mga kabataan dahil sa apat na katangiang taglay ng mga ito na siyang pangunahing sinasakyan, ginagamit at pinagsasamantalahan ng mga rekruter.  Una, bukas ang kanilang kaisipan, dito ay ginagamit ang teyorya ni Mao Tse Tung na “teyorya ng blangkong papel” o sa ingles ang “theory of the blank paper”.  Base sa katuruang komunista, ang kaisipan o kamalayan ng mga kabataan ay maihahalintulad sa isang malinis at blangkong bond paper. Ang teyorya ay naka-angkla sa premise na “mas madali ang magsulat kaysa sa magbura.” Bukod pa sa katotohanang ang mga kabataan ay mas madaling ilinya sa pinal na obhetibo ng kilusan at madaling pakilusin.  Mahalaga ring marekluta ang mga kabataan sa mas murang edad dahil mas matagal ang ilalaang serbisyo nito sa armadong kilusan. 

 

         Ang ikalawang katangian ng mga kabataan – mapangahas at agresibo.  Ang katangiang ito ay isang mahalagang aspeto na binibigyan ng bigat ng isang rekruter lalo pa nga’t kung ang rekrut ay may mayroong malaking potensiyal sa liderato o paghawak ng mga tao, pagsasalita o pagtuturo, pagsusulat, sa kulturang aspeto o maging sa paghawak ng armas. Naniniwala ang kilusan na ang pagiging mapangahas ng isang kabataan ay siyang magiging susi upang mga ito ay tuluyang pumalalot sa pakikipagkaban at siya ring magtutulak na umakyat ito sa kabundukan lalo pa nga’t kung ang kabataang ito ay mula sa hanay ng mga anakpawis.  Ang pagiging agresibo naman ng mga kabataan ay magandang katangian sa pagpapakilos sa mga ito sa mga malalawak at sistematikong protesta sa lansangan.  Mas masarap nga namang maramdaman para sa isang bata o estudyante na sa mura niyang kamalayan at katawan ay nagiging bahagi siya ng pagbabago ng kanyang lipunang ginagalawan. Ang pagiging agresibo ng mga kabataan ay siya ring ginagamit para isubo at ilatag ang mga ito sa isang “madugong konprontasyon” sa mga rali o protesta sa lansangan.  Palaban at malalakas ang loob ng mga kabataan, hindi ito umaatras sa kahit anong laban, at lalo lamang umiigting ang pagnanais na lumaban ng mga kabataan lalo pa nga’t kung sila ay nakakaranas na ng palo o bugbog sa mga madugong dispersal sa mga rali at protesta.

 

         Ang ikatlong katangian ay – malakas ang pangangatawan – bakit nga naman pagtutuunan ng pagrerekluta ang mga may edad na, bukod sa magiging pabigat na ang mga ito sa mga gawaing armado makakadagdag pa sila sa mga gastusin ng hukbo.  Ang lakas ng katawan ng mga kabataan ay mahalagang aspeto din sa mga pagkilos sa kabundukan.  Doon makakaranas ang isang estudyante ng walang katapusang kagutuman, paglalakad, amba ng isang madugong engkuwentro at maraming iba pa.  Ang lakas ng katawan ng mga kabataan ay kailangan din sa mga serye ng taktikal na opensiba na inilulunsad ng hukbo laban sa mga detatsment ng militar, pulis at maging sa pangongolekta ng rebolusyonaryong buwis mula sa kalabang uri.  Base sa katuruan ang lakas ng katawan ng mga kabataan ay mahalagang aspeto upang tuloy-tuloy na maisulong ng armado ang panghaharas, panggugulo, at pananakot sa masa saan mang lugar sila nakadestino upang tuluyang mahawakan at makontrol ang masang mahihirap na siyang pinagkukunan ng konsumo at pinansiya ng kilusan. 

 

         Ang ika-apat na katangian na siyang nakakabighani sa mga kabataan – “magandang daluyan ng pampolitikang adhikain ng kilusan para sa matagalang digmaang bayan”.  Masarap pakinggan at masarap damdamin, pakiramdam ng isang kabataan tunay siyang bayani ng bayan na ipinaglalaban ang kaapihan at karapatan ng masang mahirap.  Pero kung pag-aaralan at aanalisahin ang mga pangungusap, simple lamang ang ipinakahulugan “magandang pambala sa kanyon ang mga kabataan”.  Ang mga talatang ito ang siyang nakapagpapatindi sa pagnanais ng isang kabataang maglingkod sa bayan at nakakapag-ahita/galit sa mga estudyante, isipin mo nga namang sa murang edad pa lamang ay ituturing kang isang tunay na bayani, yun nga lang hindi ng sambayanan, kundi ng armadong kilusan lamang na nagsasamantala sa kainosentihan ng mga kabataan.


        Sa simpleng pagpapaliwanag, ang mga kabataan ay magandang isakripisyo sa altar ng madugong rebolusyon, mas magiging kaantig-antig nga naman sa damdamin ng masang mahihirap sa kanayunan na makikita, makakasalamuha at makakasama nilang namumuhay sa kanilang baryo ang mga kabataang matindi ang entusyasmo na ipaglaban ang kanilang kaapihan. Bukod sa magandang alay na sa madugong rebolusyon ang mga kabataan, ang malaking bilang ng populasyong ito ay instrumental na magagamit pa ng kilusan sa pagkamal nila ng kayamanan at ang pagkakaroon ng kapangyarihan na itatago sa propaganda ng umano ay “pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon.”

 

         Ang apat na katangiang ito ng mga kabataan ay nakakalungkot na nagagamit sa maling paraan.  Sa mga kabataang naglalaan ng kanilang panahon sa pagbabasa sa mga artikulo ng CMO Battalion, nais kong bigyang diin na hindi masama na mayroon kayo ng apat na katangiang ito, ang punto lamang dapat na hindi ito pinagsasamantalahan bagkus ay pinalalago at pinagyayaman.  Makatarungan at  nararapat na ang mga katangiang ito ang siyang dapat maging susi ng mga kabataan tungo sa pagkamit ng kanilang mga pangarap, ang pagtatapos sa kanilang pag-aaral na siya namang magiging daan upang makatulong sa kanilang pamilya.  Kung nais nating baguhin ang mundo o ang gobyerno, hindi ba’t mas dapat na unahin nating pagtutuunan ng pansin at pagsikaping baguhin ang ating mga pamilya dahil ito ang pinaka-baseko at maliit na yunit ng gobyerno?

 

         Sa madaling salita, kapag ang isang estudyante ay naugnayan na ng rekruter, isasama na ito sa mga pagpupulong ng organisasyong ibenebenta sa kanya.  Dadalo na siya ng mga seminars, meetings, symposiums o workshops pati nga film analysis, ang masakit neto, ito ang mga ipang-eengganyo sa isang estudyante ang hindi alam ng Potential Recruit (PR) o estudyante dumadalo na siya ng ED o Educational Discussions, DG o Discussion Groups at SC o Study Circle.  Sa mga akbidades na ito, tatalakayin ang kasalukuyang eskandalong pampolitika ng bayan, tutumbok sa isyu ng mga kabataan hangga’t hindi namamalayan ng isang kabataan unti-unti na siyang naaahita o nagagalit.  Kapag nakapagsindi na sa mitsa ng galit ng isang estudyante, tuloy-tuloy na ED, DG o SC na, na kung saan intensibo at detalyadong tatalakayin na dito ang lahat ng eskandalo ng gobyerno, sa kasalukuyang panahon ang mga isyu ng Human Rights Violations at Extra Judicial Killings ang idinagdag, ang mga ito  ay mahahalagang  mga isyung makakapagpatindi ng negatibong emosyon ng mga kabataan.  sa dalawang huling isyung nabanggit ipapakita pa dito ang mga larawan ng umano ay mga lider estudyante at militante na base sa kanilang propaganda ay dinukot, pinahirapan o pinatay ng mga sundalo, kahit wala pa ngang konkretong basehan ang mga akusasyong ito. Patitindihin ang mga isyung ito sa tatlong sangay ng pamamahayag, sa radio, telebisyon at diyaryo at mas lalong patatatagin ng mga lokal na isyu mula sa iba’t-ibang regional committee, at tuluyang ilalatag sa internasyonal na komunidad. 
           
         Sa ganitong kalagayan, nag-aapoy na sa galit ang mga kabataang estudyante; sa puntong ito ilalatag at isusubo na ang mga estudyanteng ito sa mga serye ng malalawak at sistematikong pagkilos sa lansangan o rali/protesta. Ang rekrut sa unang pagsampa sa rali ay nasa hanay lamang ng ikalawa o ikatlong taludtod o hanay ng mga raliyesta.  Pasigaw-sigaw pa lang at kapag nagkakaroon ng kaguluhan unang inilalayo sa dahil nga naman kailangang maramdaman ng estudyante na kunwari ay pinoprotektahan siya ng kanyang mga kasama.  Kapag lumaon na sa pagsama sa rali, mula sa ikalawa at ikatlong taludtod, isasabak na sa pronta o magiging frontliner na.  Sa sitwasyong ito, dahil frontliners na, makakaranas na ang bata na mapalo ng truncheon ng pulis, mabomba ng tubig, maitulak ng CDM hanggang makaranas na ng pambugbog sa mga kaguluhan.  At bingo . . .  ang bata ay lalong tumindi at umigting ang galit, sa gobyerno, sa politiko, sa pamahalaan at sa lahat na ultimo sa kanyang mga magulang.  Sa pagsama-sama sa rali, tuloy-tuloy din ang pagbibigay ng kaaralang komunista sa mga kabataang ito upang mas lalong mapa-igting ang kanilang pagnanais na tuluyan nang pumalaot sa madugong pakikipaglaban. 

 

         Tuloy-tuloy na din ang proseso, isasama sa BMI o Basic Mass Integration ang bata, dadalhin ito sa mga slum areas o mga mahihirap na magsasaka at tribo ng mga katutubo sa mga kabundukan, ang tawag dito “EXPOSURE”, pero ang drama ng mga bata sa mga magulang may “IMMERSION”, “RETREAT” o may kailangang gawing “OVERNIGHT PROJECT” lang sa kanilang paaralan. Pagkatapos ng exposure, dahil sa dustang kalagayan ng mga sibilyan sa lugar na kung saan ang mga kabataan ay mag-eexposure, lalong titindi ang galit ng mga ito sa umano ay kakulangan at kabulukan ng gobyerno.  Sa puntong ito mayroon nang magdedesisyon na manatili sa bundok at pumalaot sa rebolusyon, dito na nawawala ang mga kabataang estudyante. MULA SA ISANG SIMPLENG ESTUDYANTE ITO ANG DINADAANG PROSESO SA TRANSPORMASYON NG MGA KABATAANG ITO TUNGO SA ISANG PULANG MANDIRIGMA NA WALANG TAKOT SA MGA MADUDUGONG PAKIKIPAGLABAN.

 

         Sa mga magulang, maging mapagmasid at mapag-obserba tayo sa mga aktibidades ng ating mga anak sa paaralan, puedeng itsek ito sa kanilang paaralan na hindi na nagmimistulang sinasaklawan natin ang kanilang kalayaan at pagdedesisyon.  Tulungan natin ang ating mga kasundaluhan sa CIVIL MILITARY OPERATIONS BATTALION na iligtas ang ating mga kabataan.