Welga, Ang Totoong Motibo ng CPP/NPA
Ni Raven

Ang welga at demonstrasyon ay isang karapatan at pamamaraan para ihayag ng taumbayan ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan. Bahagi ito ng check and balance sa isang demokrasya. Ang mga mapagsamantala sa pamahalaan ay magdadalawang isip na isakatuparan ang kanilang mga katiwalian at pang-aabuso dahil alam nila na babatikusin sila ng taumbayan sa pamamagitan ng mga mobilisasyong ito. Dito naihihinga ng mga manggagawa ang kanilang hinaing tungkol sa pang-aabuso ng ilang kapitalista o di kaya’y sa paghiling nila ng dagdag suweldo para na rin matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at kanilang pangangailangan. Sa hanay ng transportasyon, naihahayag ng mag tsuper ang kanilang hinaing para dagdag pasahe bunsod na rin ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Sa mga mag-aaral, naisisigaw nila ang kanilang hinaing tungkol sa mataas na singil matrikula, komersyalisasyon ng edukasyon, at pagpuna sa kurapsyon at katiwalian sa gobyerno. Dahil na rin ito sa mataas na ideyalismo at aktibismo. Kung tutuusin, maganda ito para sa ating bansa, nangangahulugan lamang ito na marami pa rin sa ating mga kababayan ang may malasakit sa ating bansa.

         

Pag mataas ang aktibismo ibig sabihin umiiral ang demokrasya. Ito ang kagandahan sa kasalukuyang pamahalaan. Totoo naman na ang pamahalaan natin ay balot ngayon ng iba’t ibang intriga ng kurapsyon at katiwalian. Wala naman kasing perpektong gobyerno. Kahit sa Estados Unidos na pinakamayamang demokratikong bansa ay may kurapsyon din. Ganundin ang bansang Tsina at Rusiya na mga dating bansang komunista ay di rin nakaligtas dito. Kung susuriin nating mabuti, natutugunan ang mga hinaing ng taumbayan at nahahadlangan ang kurapsyon dahil sa mga welga at demonstrasyon na malaking bahagi ng prosesong demokratiko. Bahagi ng demokrasya na hayaang maghayag ang taumbayan ng kanilang mga hinaing. Yan ang kagandahan ng demokrasya. Kung ihahambing natin sa isang bansang komunista na kung saan ang estado lamang ang siyang naghaharing uri, walang boses ang maaaring bumatikos sa pamahalaan dahil lahat ay kontrolado ng estado na hawak ng iilang tao lamang. Walang kaibahan sa isang diktadurya.

         

Noong nakaraang transport strike na isinagawa ng isang prenteng organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas/. Bagong Hukbong Bayan (PKP/BHB) o Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA) sa kalakhang Maynila bilang protesta sa tumataas na presyo ng langis, napabalita sa isang TV news program na diumano, nagtapon ng mga spikes o pako ang ilang mga welgista sa mga kalsada para mapigilan sa pagbiyahe ang ibang mga drayber na hindi nakisimpatiya sa kanila na nagdulot ng abala sa ilang mga motorista. Napakairesponsable ng ganitong gawain. Papano na lang kaya kung may isang motorista na mabilis na tumatakbo ang makasagasa nito at maaksidente? Paano kung may masaktan o mamatay?

         

Kung pakasusuriin nating mabuti, lilitaw na sinasamantala ng mga ilang diumano’y prenteng organisasyon na ito na nagpapangap na “cause oriented groups” ang karapatang magwelga para itaguyod ang kanilang ideyalismong komunista at isulong ang kanilang armadong pakikibaka. Ang madalas na pagsasagawa nila nito ay may ibang motibo. Bahagi ito ng isang “GRAND SCHEME” para pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng pagsabotahe sa ating ekonomiya.

         

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga totoong dahilan kung bakit inilulunsad nila ang mga ganitong Gawain. Una, ang magdulot ng trapik at maantala ang pagpasok ng mga manggagawa sa kanilang trabaho. Kahit panandalian lamang, ang matigil ang operasyon ng isang pagawaan ay magdudulot ng pagkalugi sa kapitalista. Sa hanay ng mga manggagawa, rereklutin nila ang namamasukan na sumapi sa kanilang unyon, pangangakuan nila ng kung anu ano, na ipaglalaban daw nila ang kanyang mga karapatan. Hihingin ngayon ng unyon sa kapitalista ang dagdag sahod na hindi rin talaga makatarungan at alam nila na hindi rin nito talaga kayang ibigay dahil magdudulot ng tiyak na pagkalugi. At dahil dito, magsasagawa na ang unyon ng malawakang kilos protesta at hihikayatin ang lahat na kasapi na sumali na magpaparalisa sa operasyon ng pagawaan. Mantakin mo nga naman, kung madalas ang welga, magtutuloy tuloy ang pagkaparalisa at pagkalugi ng isang kumpanya hanggang tuluyang magsara. Pag ito’y nagsara, libo-libong manggagawa ang mawawalan ng trabaho. At pag wala ng trabaho, magugutom ito kasama ang kanyang buong pamilya. Ang tao pag gutom, madaling galitin at hikayating mag aklas laban sa gobyerno. Pagkatapos, isisisi ng mga kaliwang grupo sa gobyerno ang kahirapang dinaranas ni Juan dela Cruz na kung tutuusi’y nawalan ng trabaho dahil sa kanilang kagagawan. Gusto kasi ng mga grupong ito na manatiling mahirap ang taumbayan para madali nilang galitin at mahikayat, bahagi ito ng kanilang istratehiyang AGITATION AND PROPAGANDA.

         

Ayon na rin sa rebelasyon ng isang dating political officer at propagandista ng CPP/NPA na nanggaling sa hanay ng mga estudyante at kababaihan na nagbalik loob na sa ating pamamahalaan, sinasadyang guluhin ng mga kadre ng CPP/NPA na nakapaloob sa hanay ng mga welgista ang isinasagawang kilos protesta. Aniya, pinupukol nila ng malalaking bato at molotov bomb ang hanay ng mga pulis na nagbabantay sa welga para ito’y gumanti at buwagin ang kanilang hanay. Gustong gusto nila na maging marahas at madugo ang pagbuwag sa kanila, gustung gusto din nila ang eksenang may mabambo at masaktang welgista, ito ay sa kadahilanang mas lalong mag aalab ang damdamin ng mga masasaktang welgista at mas lalong magiging personal ang galit nito laban sa pamahalaan na sa pakiramdam nila ay umaapi at kumikitil sa kanilang mga karapatan.

         

Ang masakit nito, pinagkakakitaan daw nila ang mga ganitong eksena. Habang nangyayari daw kasi ito, kinukuhunan daw nila ito ng video at ginagawan nila ng documentary at nilalagyan nila ito ng titulo na talagang angkop at makakakuha ng simpatiya gaya ng “POLICE BRUTALITY” at “HUMAN RIGHTS ABUSES” pagkatapos ipapadala nila ito sa ibang bansa na sumisimpatiya sa kilusan para humingi ng pinansyal na suporta. Pero ang mas masakit dagdag pa niya, di raw nila alam kung saan na napupunta ang pera.