Ang CPP/NPA ay Walang Paggalang sa Pamilya
Ni Raven
Marami nang mga menor de edad na kabataan at estudyante ang napariwara at napahamak dahil sa panlilinlang ng CPP/NPA. Ilan lamang sina Katrina Gatlabayan Zapanta na taga Antipolo City na namatay sa murang edad na 18 (narekluta sa mas murang edad na 15) noong Hulyo 31, 2007 sa Brgy Cadsalan, San Mariano, Isabela na nasa ikalawang taon na sa kursong Physical Therapy sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), Manila; Si Erika Salang Joaquin na inireport ng kanyang mga magulang na nawawala nung sya ay 13 gulang pa lamang at kasalukuyang nasa hayskul sa University of the Philippines Integrated High School na namatay sa isang engkuwentro sa Brgy Patalunan, Ragay, Camarines Sur noong Marso 29, 2006 sa edad na 29. Malinaw na nerekluta nung sya ay 10 hangang 12 taong gulang pa lamang. Naroon din si Edfu dela Cruz na nahuli sa isang engkuwentro sa Bontoc, Southern Leyte, sa murang edad na 12 taong gulang noong Marso 12, 2000. Kukulangin ang pahinang ito kung iisa-isahin natin ang mga pangalan ng mga kabataang napariwara at napahamak dahil sa panlilinlang at pagrerekluta ng mga bandidong CPP/NPA.
Nakakapanghinayang ang mga batang ito, matatalino at mahuhusay pa naman sa klase. Sa murang edad nila, dapat nasa loob sila ng silid aralan sa eskuwelahan at nag-aaral. Nakakaawa din ang kanilang mga magulang na umaasa na yung kanilang mga anak na iginagapang sa pag aaral kahit magkabaon baon sila sa utang o mabenta man ang kanilang kapirasong ari-arian makapagtapos lang ng pagaaral, yun pala nalinlang at narekluta na ng CPP/NPA na maging rebelde, at sa kasamaang palad nasawi sa isang sagupaan o di kaya’y nahuli ng mga sundalo ng pamahalaan at nakapiit na sa bilanguan. Alam naman natin kung gaano kahirap ang magpaaral ng anak.
Nasaan na kaya ang puso ng mga taong nagrekluta sa kanila? Siguro naman ang ilan sa kanila ay mga magulang din pero wari ko’y bato na ang kanilang puso, maisulong lang ang kanilang baluktot na ideyolohiya di baleng magbuwis ng buhay ng kabataan. Paano na lang kaya ang kinabukasan ng ating bansa kung karamihan sa ating mga kabataan ay nasisira ang buhay dahil sa panlilinlang ng CPP/NPA. Di ba nga’t sabi ng ating Pambansang Bayani na si Gat Jose Rizal na ang kinabukasan ng ating bayan ay nasa ating kabataan.
Sa puntong ito, masasabi natin na walang paggalang sa pamilya ang CPP/NPA. Sabi nga ng mga dating rebelde na nagbalik loob na sa pamahalaan, sa loob ng kilusan di kinikilala at di iginagalang ng isang anak ang kanyang magulang bagkus ang tawag nya rito ay “kasama” na parang kapantay o kaibigan lang at maari niya itong batikusin o pansinin sa kanilang tinatawag na PPS (pagpuna at pagpuna sa sarili) o “criticism and self criticism”. Tutol kasi ang komunista sa piyudalismo (feudalism) at ang pamilya ay isang peyudal na sistema at ang magulang ang siyang naghaharing uri.
Dagdag na patunay rito, ng magbalik loob si Father Conrado Balweg sa pamahalaan, ipinapatay siya ng CPP/NPA sa kanya mismong kapatid na si Jovencio Balweg noong Disyembre 31, 1999. Kung matatandaan si Father Balweg ay isang kumander ng CPP/NPA na kumilos sa Cordillera na tumiwalag sa kilusan ng mapagtanto nya na mali ang pamamaraang bayolente na ginagamit ng kilusan para isulong ang kanilang adhikain.

Ulat nina Mar T. Supnad at Aris R. Ilagan ng Manila Bulletin noong Enero 1, 2000
Ganito rin ang sinapit ni Marlon Lagui na dati ring kasapi ng CPP/NPA. Ayon na rin sa nakalap na impormasyon, noong nasa loob pa siya ng kilusan nagtataka siya kung bakit isinasama siya palagi sa mga lakad at operasyon. Kalaunan, nalaman niya na kaya pala siya isinasama lagi para di niya mabantayan ang kanyang nakakabatang kapatid na babae na isang pipi at bingi na pinagsasamantalahan ng kanyang mga kasamahan sa kilusan habang siya ay wala. Ang mga taong itinuring niyang kasama at labis niyang pinagkatiwalaan ang siya mismong bumababoy at umaabuso sa kanyang kapatid na pipi at bingi. Dahil sa kanyang natuklasan tumiwalag siya sa kilusan at nagbalik loob sa pamahalaan. Binigyan siya ng amnestiya, subalit dahil sa di naman mataas ang kanyang pinagaralan nahirapan siyang maghanap ng trabaho. Para matulungan siya ng pamahalaan, ipinasok siya bilang isang sundalo sa Hukbong Katihan. Nang malaman ito ng kilusan, nagplano sila na patayin ito. Nilinlang siya ng kilusan, noong Oktubre 15, 2003 ng minsa’y nakapagbakasyon siya, inaya siya ng kanyang tiyuhin na si Antonio Logo na isang impormante ng CPP/NPA na magkita ngunit ang di niya alam nandun din pala ang mga bandidong NPA sa pangunguna ni Lourdes Bulan alias Ka Simang. Dinukot siya ng mga ito, binugbog, pinahirapan, tinortyur, at ibinaon ng buhay. Habang isinasagawa ito, tuwang tuwang nanonood habang nag-iinom sa isang tabi si Antonio Logo, na isa niyang kapamilya.

Ito ang malagim na kinahinatnan ni Marlon Lagui sa kamay ng mga NPA
Nang mahukay ang labi ni Marlon Lagui at ng matapos ang otopsiya, punong puno ng lupa ang kanyang lalamunan, patunay lamang na ibinaon siya ng buhay. Malinaw na habang pinipilit niyang huminga, lupa ang pumapasok sa kanyang lalamunan imbes hangin. Ganyan ang malagim at karumaldumal na sinapit ni Pvt Lagui sa kamay ng kanyang tiyuhin at ng mga walang awang CPP/NPA.
Patunay lamang ito na dapat mas matimbang ang kilusan kaysa sa sariling dugo o kapamilya ang dapat na umiiral na damdamin sa isang kadre ng CPP/NPA…wala nga talagang pagmamahal at paggalang sa pamilya. Tayong mga Pilipino at kristiyano ay pinalaki at iminulat na may pagmamahal at respeto sa pamilya, taliwas ito sa kaisipan at kaugaliang isinasalaksak sa isipan ng mga kabataang kanilang nalilinlang at dinala sa kabundukan. |