Terorismo, bahagi ng Istratehiya ng CPP-NPA-NDF
Ni Raven

Kamakailan lamang nagpasabog ang CPP/NPA ng transmission tower/cell site ng GLOBE Telecommunications Incorporation sa San Vicente, Montevista, Compostela Valley, Davao del Sur noong 5:30 ng madaling araw ng Marso 17, 2008. Noong Marso 6, 2008 naman, naganap din ang pag atake ng mga bandidong NPA sa APEX Mining Company sa Maco, Compostela Valley, Davao del Sur. Noong buwan ng Enero taong kasalukuyan, nilusob din ng mga rebeldeng NPA ang SAGITTARIUS Mines Inc (SMI) sa Tampakan, South Cotabato. Sinunog ng mga bandidong NPA ang mga gusali at makinarya dito. Bago nagtapos ang taong 2007, ni-raid din ng mga bandidong NPA ang MG Mining Company na matatagpuan sa Raja Kabunsuan, Lingig, Surigao del Sur at sinunog din ang mga ari arian nito.

 


Newsclip mula sa Philippine Daily Inquirer tungkol sa pagpapasabog ng CCP-NPA ng Globe cellsite sa Tubungan, Iloilo noong Hunyo 17,2007 .

        

Sa taong kasalukuyan lamang, mahigit isandaang milyong piso na ang natupok at naabo at bilyon bilyong piso na rin ang nawala mula pa noon dahil na rin sa panununog at pambobomba na isinasagawa ng mga bandidong CPP/NPA. Pero ang mas nakapanlulumo dito, ipinangangalandakan pa ng kilusan na kaya nila binomba at sinunog ang mga ito ay para turuan ng leksiyon at bigyan ng karampatang parusa ang mga may-ari ng mga kumpanyang ito na hindi daw nagbibigay ng Rebolusyonaryong Buwis o Revolutionary Tax. Ang perang nalilikom kasi nila mula dito ay siyang ipinantutustos nila sa kanilang armadong pakikibaka.

        

Binibigyang katarungan pa nila na ang kanilang aktong terorismo ay bilang ganti na rin daw sa diumano’y pang aagaw ng lupa ng mga kumpanyang ito, di makatarungang pagpapasuweldo sa mga manggagawa, at kung anu ano pa.

        

Kaya hindi umaangat ang ekonomiya ng ating bansa at di umuunlad si Juan dela Cruz dahil na rin sa gawaing terorismo ng CPP/NPA/NDF para isulong ang kanilang baluktot at bayolenteng ideyolohiyang komunismo.

        

Dahil na rin dito, natural lamang na malugi ang mga kumpanyang ito ng malaking halaga na maaring maging dahilan ng pagsasara nito. Kung ang kumpanya naman ay pag aari ng mga banyagang namumuhunan o imbestor, maaring maging dahilan ito ng paglipat ng kanilang negosyo sa ibang bansa kung saan mayroong katahimikan at estabilidad. Sino nga namang negosyante ang gustong mamuhunan sa isang lugar na magulo? Siguro naman po pareho tayo ng hula, wala.

        

Pag nagsara o lumipat ang isang malaking negosyo, libo libong mamamayang Pilipino ang tiyak na mawawalan ng trabaho. Sa dami na ng mga negosyong binomba at sinunog ng CPP/NPA/NDF na nagresulta sa pagsasara o pag alis nito sa bansa, ilang libong mamamayang Pilipino na kaya ang naghihikahos ngayon dahil nawalan ng trabaho?

       

Pag ang tao nawalan ng trabaho, magugutom ito sampu ng kanyang pamilya. Hindi na rin makakapagaral at mawawalan na rin ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak. Magiging miserable at mahirap ang kanilang buhay. Pero walang ibang sinisisi ang CPP/NPA/NDF sa kahirapan ng mamamayang Pilipino kundi ang pamahalaan.

        

Kung mayroon mang pagkukulang ang pamahalaan na maaaring nagdudulot ng kahirapan, mas dapat sisihin ang mga teroristang CPP/NPA/NDF sa patuloy na krisis at kahirapan na dinaranas ng ating mga kababayan. Kung paghahambingin, maraming programang pang ekonomiya ang inilulunsad ng gobyerno para maibsan ang kahirapan ng taumbayan. Sa panig ng CPP/NPA/NDF makikita natin kahit isa wala. Puro patayan, kaguluhan, at terorismo lang ang inilulunsad ng kilusang CPP/NPA/NDF.

        

Bahagi kasi ng istratehiya ng kilusan ang terorismo sa pagsusulong ng kanilang ideyolohiyang komunismo. Pinaiigting nila ang kaguluhan para maraming negosyo ang magsara at magdulot ng pagbagsak ng ekonomiya at lalong maghirap ang taumbayan.

        

Pag naghihirap ang taong bayan, madali itong galitin laban sa pamahalaan at madali rin itong himukin na sumama sa mga kilos protesta at kalauna’y mahikayat na ring humawak ng armas at magrebelde.

        

Subalit ang nakalulungkot dito, naghahasik ng terorismo ang CPP/NPA/NDF para sa pansarili nitong interes, ang makalikom ng pera para isulong ang kanilang pinaniniwalaang ideyalismong komunismo.

        

Tayong mga Pilipino ay galit sa isang tiwaling kawani ng gobyerno na nangongotong sa isang ordinaryong mamamayan. Anong pinag kaiba ng ginagawang pangongotong ng mga bandidong CPP/NPA/NDF sa mga kumpanyang lehitimong nagnenegosyo at nagbibigay ng hanapbuhay sa libo libo pang Pilipino at nakakatulong sa pag angat ng ating ekonomiya?

        

Ang ginagawang ito ng CPP/NPA/NDF ay malinaw na isang simpleng pangingikil o ekstorsyon lamang na itinatago nila sa likod ng kanilang kunwari’y rebolusyon. Hindi lamang mga terorista ang mga bandidong CPP/NPA, sila ay mga mangingikil, mangongotong, at ekstorsiyonista pa.