Social Responsibility
Ni Raven

Masarap makausap ang mga taong matagal mo nang di nakakadaupang palad. Minsan nagkausap kami nung best friend ko nung high school na isa na ngayong ganap na Certified Public Accountant (CPA) sa isang ahensya ng ating pamahalaan. Natutuwa ako at malayo na ang narating niya. Bagay sa kanya yung pagiging accountant kasi mahusay siya sa Trigonometry at Algebra nung kami’y nasa high school pa. Nagkalayo kami pagkatapos ng graduation at nawalan ng kontak sa isa’t isa. Mabuti na lang at may nakapagbigay sa akin ng kanyang number at nakontak ko siya pagkatapos ng 20 taon. Mahaba-habang kumustahan tungkol sa mga buhay buhay ang aming napag usapan. Habang kami’y nagkukuwentuhan, pabiro ko siyang inalok ng isang business proposition, sabi ko magtayo kami ng business… “monkey business” sabi ko sabay tawa… Nahirinan ako sa kanyang kasagutan. Magkahalong hiya at tuwa ang naramdaman ko. Nahiya ako dahil aniya, “pare wag at may social responsibility tayo”. Pero kung napahiya man ako mas labis akong natuwa dahil nabanggit nya sakin ang iba’t ibang community service na pinagkakaabalahan ng aming alumni association at ito nga daw ay bahagi ng social responsibility namin sa ating mga kababayan. Ramdam ko ang sinseridad nya sa kanyang mga binitawang salita.

 

Sana lahat ng tao ganun ang pananaw. Sana ang pagtulong sa kapwa ay bukal sa ating kalooban. Sana ang bawat isa ay magbigay tulong para sa ikabubuti ng kanyang kababayan at itaguyod ang katiwasayan, katahimikan, at kaunlaran ng ating bansa. Tumutulong ng walang inaasam na kapalit. Napakadakila ng ganitong adhikain. Nakakalungkot nga lang kasing isipin na marami sa ating mga kababayan madalas walang pakialam dahil ang kanilang katwiran ay, “wala naman akong mapapala dyan bakit ko pag-aaksayahan ng panahon yan…”o di naman kaya ginagamit ang pagtulong sa kapwa para isulong naman ang kanilang pansariling interes gaya ng ginagawang panlilinlang ng mga prenteng organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipina/ Bagong Hukbong Bayan o mas kilalang Communist Party of the Philippines/ New People’s Army (CPP/NPA) na nagpapangap na di umano’y “cause oriented groups” na kunwari’y tumutulong sa ating mga mahihirap na kababayan para makakuha ng suporta para isulong ang kanilang ideolohiyang komunismo at ang madugo nilang rebolusyon na siyang nagdudulot ng labis na kahirapan sa ating bansa. Malinaw na tumutulong na may inaasahang kapalit. Kaya hindi umaangat ang ekonomiya ng ating bansa dahil sa kaguluhang dulot nito na siyang ihinahasik ng CPP/NPA sa kanayunan.

 


Ang mainit na pagtangap ni Cpt Nelmida sa kasundaluhan ng US Navy sa pamumuno ni Commander Benefield

 

Bilang bahagi ng social responsibility ng mga kasundaluhan ng Civil-Military Operations Battalion ng Philippine Army, katulong na rin ang mga kasundaluhan ng US Navy sa pamumuno ni Commander Benefield ng USS Blue Ridge at ni Commander Chas Hewgly ng US Navy Aviation kasama na rin ang ilang volunteers at kawani ng GAWAD KALINGA, tumulak ang limampung kasundaluhan sa pamumuno ni COL BUENAVENTURA C PASCUAL at ni CPT ONOFRE N NELMIDA para lumaban sa naiibang giyera. Sa ikalawang pagkakataon, armado ng piko, pala, martilyo, at lagare sumabak ang magigiting nating kasundaluhan sa dalawang araw na pagiging karpintero, mason, at piyon. Sa diwa ng “Bayanihan”, mula Abril 23 hangang 24 nitong buwan taong kasalukuyan, tumulong ang mga sundalo sa pagtatayo ng mga tirahan para sa mga kababayan nating nabiyayaan ng programang GAWAD KALINGA ng Couples for Christ (CFC). Masaya, masigla, at boluntaryong tumulong ang ating mga kasundaluhan sa mga masuwerteng beneficiaries sa paghuhukay, pagmamasa ng semento, paglalagare at pagpukpok para itayo ang kanilang magiging tahanan. Napakaganda at napakadakila ng programang ito, tumutulong ang GAWAD KALINGA sa mga kababayan nating mahihirap na magkaroon ng sarili nilang tahanan sa napakamurang halaga. Nagtutulungan ang mga volunteers at ang beneficiaries na maitayo ang magiging bahay ng huli na una ng pinondohan ng GAWAD KALINGA at hulugan naman itong babayaran ng mga beneficiaries sa napakababang halaga.

 


    Ang mga kasundaluhang Pilipino at Amerikano na armado ng piko at pala para sa naiibang laban... ang maghukay ng poste para sa ginagawang bahay ng GAWAD KALINGA

 

Ang ganitong kooperasyon at pagtutulungan ay una ng isinagawa ng CMO Battalion katulong ang GAWAD KALINGA at ang Alumni Association ng Ateneo de Manila University sa Molave, Payatas, Quezon City noong nakaraang Agosto 20 hangang Oktubre 16 ng nakaraang 2007 kung saan nakapagtayo ng 14 na bahay ang ating mga kasundaluhan.

 


Mga sundalo ng CMO Battalion katulong ang GAWAD KALINGA at Alumni Association ng Ateneo de Manila University sa paggawa ng mga bahay sa Molave, Payatas, Quezon City noong taong 2007

 

Kung tutuusin wala naman talagang mapapala ang mga kasundaluhan sa pagtulong sa proyektong ito kundi pagkasunog ng balat sa pagkakabilad sa araw, sakit ng katawan, at kalyo sa mga kamay. Pero higit pa sa benepisyong material ang nakamit ng ating mga kasundaluhan sa ibinigay nilang tulong sa programang ito. May kurot sa puso ang mga ngiti at walang katapusang pasasalamat mula sa mga beneficiaries na di kailanman mapapantayan ng anumang gantimpalang materyal. Mangilid ngilid pa ang luha ng iba na labis labis ang pasasalamat sa kasundaluhan sa tulong na kanilang ipinagkaloob. Di matatawaran ang galak at tuwa ng ilang matatanda na napayakap ng mahigpit sa mga kasundaluhan pagkatapos ng dalawang araw na pagtutulungan.

 

Ito na ang bagong mukha ng ating kasundaluhan… ang tumulong sa ating mga kababayan ng walang kapalit at ang sumuong sa naiibang digmaan… ang labanan ang kahirapan. Ito ang social responsibility ng mga kasundaluhan sa sambayanang Pilipino.

 


Ang mga kasundaluhan ng CMO Battalion, Philippine Army at ng US Navy kasama ang ilang volunteers, at kawani ng GAWAD KALINGA